Nehemias 4:1-23

4  Nagalit si Sanbalat+ nang mabalitaan niyang itinatayo naming muli ang pader. Talagang hindi niya ito nagustuhan, at patuloy niyang tinuya ang mga Judio. 2  At sinabi niya sa harap ng mga kapatid niya at ng hukbo ng Samaria: “Ano ang ginagawa ng lalampa-lampang mga Judio? Aasa ba sila sa sarili nila? Maghahain ba sila? Matatapos ba nila iyon sa isang araw? Magagamit pa ba nila ang nasunog na mga bato mula sa mga bunton ng guho?”+ 3  Sinabi naman ni Tobia+ na Ammonita+ na nasa tabi niya: “May sumampa lang na asong-gubat* sa itinatayo nilang batong pader, babagsak na agad iyon.” 4  Dinggin mo kami, O aming Diyos, dahil hinahamak nila kami.+ Ibalik mo sana sa kanila* ang pang-iinsulto nila,+ at gawin mo silang bihag sa ibang lupain.* 5  Huwag mong bale-walain ang kasalanan nila, at huwag mo itong alisin sa harap mo+ dahil ininsulto nila ang mga tagapagtayo. 6  Kaya nagpatuloy kami sa pagtatayo hanggang sa mapagdugtong ang buong pader, at naitayo ito hanggang sa kalahati ng taas nito, at ang bayan ay patuloy na nagtrabaho nang puspusan.* 7  Galit na galit sina Sanbalat at Tobia+ at ang mga Arabe,+ Ammonita, at Asdodita+ nang mabalitaan nilang tuloy-tuloy ang pagkukumpuni sa mga pader ng Jerusalem at natatakpan na ang mga puwang nito. 8  Nagsabuwatan sila para sumugod at makipaglaban sa Jerusalem at manggulo roon. 9  Pero nanalangin kami sa aming Diyos at nag-atas ng bantay araw at gabi. 10  Pero sinasabi ng mga taga-Juda: “Nanghihina na ang mga manggagawa,* at napakarami pang guhong naiwan; hindi natin kayang tapusin ang pagtatayo ng pader.” 11  At patuloy na sinasabi ng mga kaaway namin: “Magugulat na lang sila, napasok na natin sila. Papatayin natin sila at patitigilin ang pagtatayo.” 12  Tuwing dumarating ang mga Judiong nakatira malapit sa kanila, paulit-ulit* na sinasabi ng mga ito sa amin: “Susugurin nila tayo mula sa lahat ng direksiyon.” 13  Kaya nag-atas ako ng mga bantay sa likod ng pader, sa mababa at hantad na mga lugar. Ipinuwesto ko sila ayon sa mga pamilya na dala-dala ang kanilang mga espada, sibat, at pana. 14  Nang makita kong natatakot sila, agad akong tumayo para sabihin sa mga prominenteng tao,+ mga kinatawang opisyal, at iba pa sa bayan: “Huwag kayong matakot sa kanila.+ Alalahanin ninyo si Jehova, na dakila at kahanga-hanga;*+ at lumaban kayo para sa inyong mga kapatid, anak, asawa, at tahanan.” 15  Noong mabalitaan ng mga kaaway namin na alam na namin ang plano nila at na binigo iyon ng tunay na Diyos, bumalik kaming lahat sa pagtatayo ng pader. 16  Mula nang araw na iyon, kalahati na lang sa mga lalaki ang nagtatrabaho+ at ang isa pang kalahati ay may hawak na mga sibat, kalasag, at pana, at may suot na kutamaya.* At ang mga tagapamahala+ ay sumusuporta sa* buong sambahayan ng Juda 17  na nagtatayo ng pader. Ang mga tagapasan ay nagtatrabaho gamit ang isang kamay habang may hawak na sandata* sa isa pang kamay. 18  Ang bawat tagapagtayo ay may espadang nakasukbit sa balakang habang nagtatrabaho, at ang tagaihip ng tambuli+ ay nakatayo sa tabi ko. 19  At sinabi ko sa mga prominenteng tao, mga kinatawang opisyal, at iba pa sa bayan: “Ang gawain ay malaki at malawak, at magkakalayô tayo habang nagkukumpuni ng pader. 20  Kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, magtipon-tipon kayo kung nasaan kami. Ang ating Diyos ang makikipaglaban para sa atin.”+ 21  Kaya mula madaling-araw hanggang gabi,* patuloy kami sa pagtatrabaho habang ang kalahati sa mga lalaki ay may hawak na sibat. 22  Sinabi ko noon sa bayan: “Ang bawat lalaki kasama ang tagapaglingkod niya ay magpapalipas ng gabi sa loob ng Jerusalem. Babantayan nila tayo sa gabi at magtatrabaho sila sa araw.” 23  Kaya ako, ang mga kapatid ko, ang mga tagapaglingkod ko,+ at ang mga bantay na sumusunod sa akin ay hindi man lang naghuhubad ng aming kasuotan, at lagi kaming may hawak na sandata sa aming kanang kamay.

Talababa

Sa Ingles, fox.
Lit., “sa kanilang ulo.”
Lit., “at ibigay mo sila bilang samsam sa lupain ng pagkabihag.”
O “at patuloy na ibinigay ng bayan ang puso nila sa gawain.”
O “tagabuhat.”
Lit., “10 beses.”
O “at karapat-dapat sa matinding paggalang.”
Kasuotang pandigma na pamprotekta sa dibdib at likod.
Lit., “nasa likuran ng.”
O “sibat; diyabelin.”
Lit., “hanggang sa paglitaw ng mga bituin.”

Study Notes

Media