B1
Ang Mensahe ng Bibliya
Ang Diyos na Jehova ang may karapatang mamahala. Ang pamamahala niya ang pinakamabuti. Matutupad ang layunin niya para sa lupa at sa mga tao.
Pagkatapos ng 4026 B.C.E. Kinuwestiyon ng “ahas” ang karapatan ni Jehova na mamahala at ang Kaniyang paraan ng pamamahala. Nangako si Jehova na maglalaan siya ng isang “supling,” o “binhi,” na dudurog sa ahas, si Satanas. (Genesis 3:1-5, 15, talababa) Pero pansamantalang hinahayaan ni Jehova na pamahalaan ng mga tao ang sarili nila sa ilalim ng impluwensiya ng ahas. |
1943 B.C.E. Sinabi ni Jehova kay Abraham na magmumula sa mga inapo niya ang ipinangakong “supling.”—Genesis 22:18. |
Pagkatapos ng 1070 B.C.E. Tiniyak ni Jehova kay Haring David at pagkatapos ay sa anak nitong si Solomon na magmumula sa mga inapo nila ang ipinangakong “supling.”—2 Samuel 7:12, 16; 1 Hari 9:3-5; Isaias 9:6, 7. |
29 C.E. Tinukoy ni Jehova si Jesus bilang ang ipinangakong “supling” na Tagapagmana ng trono ni David.—Galacia 3:16; Lucas 1:31-33; 3:21, 22. |
33 C.E. Ang ipinangakong “supling” ay nasugatan ng ahas, si Satanas, nang patayin si Jesus. Binuhay-muli ni Jehova si Jesus. Umakyat si Jesus sa langit at tinanggap ni Jehova ang halaga ng kaniyang perpektong buhay, na naging saligan para mapatawad ang mga kasalanan at magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga inapo ni Adan.—Genesis 3:15; Gawa 2:32-36; 1 Corinto 15:21, 22. |
Mga 1914 C.E. Ang ahas, si Satanas, ay inihagis ni Jesus sa lupa, at mananatili siya rito nang maikling panahon.—Apocalipsis 12:7-9, 12. |
Sa hinaharap Ibibilanggo ni Jesus si Satanas sa loob ng 1,000 taon at pagkatapos ay pupuksain ito—ang makasagisag na pagdurog sa ulo nito. Matutupad ang orihinal na layunin ni Jehova para sa lupa at sa mga tao, malilinis ang pangalan niya na siniraang-puri, at maipagbabangong-puri ang paraan ng pamamahala niya.—Apocalipsis 20:1-3, 10; 21:3, 4. |