Paunang Salita
Ang Banal na Bibliya ay isang paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa ating lahat. Dapat natin itong pag-aralan para makilala ang Awtor nito. (Juan 17:3; 2 Timoteo 3:16) Mababasa natin dito ang gusto ng Diyos na Jehova na mangyari sa mga tao at sa lupa.—Genesis 3:15; Apocalipsis 21:3, 4.
Walang aklat na makapapantay sa epektong nagagawa ng Bibliya sa buhay ng mga tao. Dahil sa Bibliya, gusto nating tularan ang mga katangian ni Jehova gaya ng pag-ibig, awa, at pagiging mapagmalasakit. Nagbibigay ito ng pag-asa para matiis ng mga tao kahit ang pinakamatinding pagdurusa. At malinaw nitong ipinapakita ang mga bagay sa mundong ito na hindi kaayon ng perpektong kalooban ng Diyos.—Awit 119:105; Hebreo 4:12; 1 Juan 2:15-17.
Unang isinulat ang Bibliya sa wikang Hebreo, Aramaiko, at Griego, pero ang kabuoan o bahagi nito ay naisalin na ngayon sa mahigit 3,000 wika. Sa buong kasaysayan, ito ang aklat na may pinakamaraming salin at kopyang naipamahagi. Hindi ito nakapagtataka, dahil inihula ng Bibliya: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian [ang pangunahing mensahe ng Bibliya] ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
Dahil alam naming mahalaga ang mensahe ng Bibliya, pinagsikapan naming maisalin ito nang tumpak mula sa orihinal na mga wika at magawa din itong malinaw at masarap basahin. Mababasa sa mga artikulo sa Apendise na “Pamantayan sa Pagsasalin ng Bibliya,” “Mga Pagbabago sa Rebisyong Ito,” at “Kung Paano Naingatan ang Bibliya Hanggang sa Panahon Natin” ang ilang ginawang pagbabago sa edisyong ito.
Gusto ng mga umiibig at sumasamba sa Diyos na Jehova ng isang salin ng Salita ng Diyos na tumpak at madaling maintindihan. (1 Timoteo 2:4) Kaya naman ginawa namin ang rebisyong ito sa Tagalog, at tuloy-tuloy pa rin ang pagsisikap naming maisalin ang Bagong Sanlibutang Salin sa maraming wika. Dalangin namin, mahal naming mambabasa, na makatulong sa iyo ang edisyong ito ng Banal na Kasulatan habang sinisikap mong ‘hanapin ang Diyos’ at ‘makita siya.’—Gawa 17:27.
New World Bible Translation Committee