Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | MAG-ENJOY AT MAKINABANG SA PAGBABASA NG BIBLIYA

Paano Ko Ito Mae-enjoy?

Paano Ko Ito Mae-enjoy?

Boring? Nakaka-enjoy? Ano ang pagbabasa ng Bibliya para sa iyo? Depende iyan sa paraan ng pagbabasa mo. Alamin kung ano ang magagawa mo para mas ma-enjoy mo ang pagbabasa ng Bibliya.

Pumili ng isang mapananaligang salin na gumamit ng makabagong wika. Kung ang binabasa mo ay gumamit ng maraming makalumang salita na hindi mo naiintindihan, malamang na hindi ka masisiyahan sa pagbabasa nito. Kaya humanap ng Bibliya na gumamit ng mga salitang madaling maunawaan at aantig sa iyong puso. Dapat na tumpak din ang pagkakasalin nito. *

Gamitin ang teknolohiya. Sa ngayon, ang Bibliya ay hindi lang makukuha sa inimprentang edisyon kundi available din ito sa digital format. May mga Bibliya na mababasa online o mada-download sa computer, tablet, o cellphone. May dagdag na feature ang ilang bersiyon ng Bibliya kung saan mabilis mong makikita ang ibang talata ng Bibliya sa kaparehong paksa o mapaghahambing mo ang iba’t ibang salin. Kung mas gusto mong makinig kaysa sa magbasa, mayroon ding audio recording ng Bibliya. Marami ang nasisiyahang makinig nito habang nagbibiyahe, naglalaba, o gumagawa ng iba pang gawaing puwedeng makinig ang isa. Bakit hindi mo subukang humanap ng paraang angkop para sa iyo?

Gumamit ng mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Makatutulong ang mga ito para mas makinabang ka sa pagbabasa. May mga mapa ng lupain sa Bibliya na tutulong sa iyo na maging pamilyar sa mga lugar na nababasa mo at maging malinaw sa isip ang mga eksena. May mga artikulo sa magasing ito o sa seksiyong “Turo ng Bibliya” sa jw.org/tl na makatutulong para lumalim ang kaalaman mo sa Bibliya.

Gumamit ng iba’t ibang paraan sa pagbabasa. Kung mahirap para sa iyo na basahin ang buong Bibliya, subukang simulan ang pagbabasa sa bahagi na gustong-gusto mo. Kung may tauhan sa Bibliya na gusto mong pag-aralan, puwede mo munang basahin ang lahat ng ulat sa Bibliya tungkol sa kaniya. May mga halimbawa sa kahon na “ Pag-aralan ang Bibliya—Kilalanin ang mga Tauhan Nito” na puwede mong sundan. O baka gusto mong basahin ang Bibliya ayon sa paksa o ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari. Bakit hindi mo subukan ang isa sa mga ito?

^ par. 4 Napatunayan ng marami na ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ay tumpak, mapananaligan, at napakadaling maunawaan. Ang Bibliyang ito ay inilalathala ng mga Saksi ni Jehova at available sa mahigit 130 wika. Mada-download mo ito sa website na jw.org/tl. Puwede mo ring i-download ang app na JW Library. O kung gusto mo, isang Saksi ni Jehova ang maaaring magdala ng kopya nito sa inyong tahanan.