Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | MAG-ENJOY AT MAKINABANG SA PAGBABASA NG BIBLIYA

Paano Mapagaganda ng Bibliya ang Buhay Ko?

Paano Mapagaganda ng Bibliya ang Buhay Ko?

Ang Bibliya ay hindi lang isang pangkaraniwang aklat. Mababasa rito ang payo ng ating Maylikha. (2 Timoteo 3:16) Malaki ang maitutulong sa atin ng mensahe nito. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Kaya nitong baguhin ang ating buhay sa dalawang paraan—naglalaan ito ng gabay para sa ating araw-araw na buhay at tinutulungan tayo nito na makilala ang Diyos at malaman ang kaniyang mga pangako.—1 Timoteo 4:8; Santiago 4:8.

Gaganda ang buhay mo ngayon. Matutulungan tayo ng Bibliya kahit sa mga personal na bagay. May mga praktikal na payo ito tungkol sa mga sumusunod:

Napahalagahan ng isang mag-asawa sa Asia ang mga payo ng Bibliya. Gaya ng maraming bagong kasal, nahirapan silang mag-adjust sa isa’t isa at magkaroon ng bukás na komunikasyon. Pero isinabuhay nila ang mga natututuhan nila sa Bibliya. Ang resulta? Sinabi ng mister na si Vicent: “Natulungan ako ng nababasa ko sa Bibliya na maipakita ang pag-ibig habang hinaharap ang mga hamon sa pagsasama naming mag-asawa. Dahil sa gabay ng Bibliya, naging masaya ang pagsasama namin.” Ganiyan din ang nadama ng asawa niyang si Annalou. Sinabi niya: “Nakatulong sa amin ang mga halimbawa na nasa Bibliya. Masaya na ako at kontento sa aming pagsasama at mga tunguhin sa buhay.”

Makikilala mo ang Diyos. Ganito pa ang sinabi ni Vicent: “Dahil sa pagbabasa ng Bibliya, lalo akong napalapít kay Jehova.” Makikita sa sinabing ito ni Vicent ang isang napakahalagang bagay—matutulungan ka ng Bibliya na makilala ang Diyos. Kaya hindi ka lang makikinabang sa kaniyang payo, puwede ka pa niyang maging kaibigan. Malalaman mong may ipinapangako siyang mas magandang kinabukasan, isang “tunay na buhay”—buhay na walang hanggan. (1 Timoteo 6:19) Walang ibang aklat ang makapagsasabi niyan sa iyo.

Kung sisimulan mong magbasa ng Bibliya at patuloy itong gagawin, makikinabang ka rin—gaganda ang buhay mo ngayon at makikilala mo ang Diyos. Pero habang binabasa mo ang Bibliya, malamang na maraming tanong ang papasok sa isip mo. Kapag nangyari iyan, tandaan ang halimbawa ng isang opisyal na Etiope na nabuhay 2,000 taon na ang nakalipas. Napakarami niyang tanong tungkol sa Bibliya. Nang tanungin kung naiintindihan niya ang kaniyang binabasa, sinabi niya: “Ang totoo, paano ko nga iyon magagawa, malibang may pumatnubay sa akin?” * Kaya agad niyang tinanggap ang tulong mula sa isang guro ng Bibliya na si Felipe, isang alagad ni Jesus. (Gawa 8:30, 31, 34) Kung gusto mo ring matuto pa tungkol sa Bibliya, hinihimok ka naming magpadala ng request sa www.mr1310.com/tl o sumulat sa adres na makikita sa magasing ito. Maaari kang makipag-ugnayan sa isang Saksi ni Jehova o pumunta sa isang Kingdom Hall sa inyong lugar. Bakit hindi mo subukang basahin ang Bibliya ngayon at hayaan nitong baguhin ang buhay mo?

Nag-aalinlangan ka ba kung mapagkakatiwalaan mo ang Bibliya? Panoorin ang maikling video na Paano Tayo Nakakasiguro na Totoo ang Sinasabi ng Bibliya? Para makita ito, magpunta sa jw.org/tl at tingnan sa PUBLIKASYON > VIDEO > ANG BIBLIYA.

^ par. 8 Para sa iba pang halimbawa ng praktikal na mga payo ng Bibliya, magpunta sa jw.org/tl. Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > SAGOT SA MGA TANONG SA BIBLIYA.

^ par. 11 Tingnan din ang artikulong “Maling Akala Lang Ba Ito?