Maling Akala Lang Ba Ito?
Nakita ng isang batang babae ang usok na lumalabas sa isang tsiminea ng pabrika. Pumapaitaas ito na parang mga ulap. Inakala tuloy ng bata na ang pabrika ang gumagawa ng mga ulap. Maaaring nakakatuwa ang maling akalang iyon ng isang bata. Pero may mga maling akala na posibleng malaki ang epekto sa ating buhay. Halimbawa, kung mali ang pagkabasa mo sa etiketa ng gamot, maaari kang mapahamak.
Pero mas seryoso ang epekto ng mga maling akala pagdating sa mga bagay na tungkol sa Diyos. Halimbawa, mali ang pagkaunawa ng mga tao sa ilang turo ni Jesus. (Juan 6:48-68) Sa halip na pag-aralan pa ito, tinanggihan na lang nila ang lahat ng turo ni Jesus. Sayang naman!
Binabasa mo ba ang Bibliya para makakuha ng gabay? Maganda iyan. Pero posible kayang magkamali ka ng pagkaunawa sa mga nababasa mo? Nangyayari iyan sa marami. Tingnan ang tatlong karaniwang maling akala.
-
Mali ang pagkaunawa ng ilan sa utos ng Bibliya na “matakot ka sa tunay na Diyos.” Akala nila, kailangan nating matakot nang sobra sa Diyos. (Eclesiastes 12:13) Pero hindi iyon ang gusto ng Diyos na madama ng mga sumasamba sa kaniya. Sinabi niya: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita.” (Isaias 41:10) Ang pagkatakot sa Diyos ay nangangahulugang mayroon tayong matinding paggalang sa kaniya.
-
Mali ang pagkaunawa ng ilan sa tekstong ito: “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, . . . panahon ng kapanganakan at panahon ng kamatayan.” Akala nila, itinakda na ng Diyos kung kailan eksaktong mamamatay ang bawat tao. (Eclesiastes 3:1, 2) Pero ang ulat na iyon ay tungkol lang sa siklo ng buhay at nagsasabing ang lahat ay namamatay. Itinuturo din ng Salita ng Diyos na maaaring maapektuhan ng mga desisyon natin ang haba ng ating buhay. Halimbawa, mababasa natin: “Ang mismong pagkatakot kay Jehova ay magdaragdag ng mga araw.” (Kawikaan 10:27; Awit 90:10; Isaias 55:3) Paano? Halimbawa, ang paggalang natin sa Salita ng Diyos ay mag-uudyok sa atin na iwasan ang mga gawaing makasasamâ sa kalusugan natin, gaya ng paglalasing at imoralidad.—1 Corinto 6:9, 10.
-
Literal naman ang unawa ng ilan sa sinasabi ng Bibliya na ang mga langit at ang lupa ay “nakalaan sa apoy,” at iniisip nilang gugunawin ng Diyos ang planetang ito. (2 Pedro 3:7) Pero nangangako ang Diyos na hindi niya hahayaang mawasak ang literal na lupa. “Itinatag [ng Diyos] ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5; Isaias 45:18) Ang masamang sistemang ito ng mga bagay, hindi ang literal na planeta, ang magwawakas, na para bang tutupukin ng apoy. Ang langit naman, kung uunawain nang literal, ay maaaring tumukoy sa kalangitan, mabituing uniberso, o sa tirahan ng Diyos. Wala sa mga ito ang mawawasak.
BAKIT MALI KUNG MINSAN ANG PAGKAUNAWA SA BIBLIYA?
Gaya ng mapapansin mo sa mga halimbawang iyon, madalas na mali ang pagkaunawa ng mga tao sa mga nababasa nila sa Bibliya. Pero bakit naman hahayaan iyon ng Diyos? Baka ikatuwiran ng ilan: ‘Kung napakarunong ng Diyos at alam niya ang lahat ng bagay, bakit hindi siya nagbigay ng isang aklat na madaling maiintindihan ng lahat?’ Tingnan ang tatlong dahilan kung bakit madalas na mali ang pagkaunawa sa Bibliya.
-
Dinisenyo ang Bibliya para maunawaan ng mga mapagpakumbaba at handang matuto. Sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama: “Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat maingat mong ikinubli ang mga bagay na ito mula sa Lucas 10:21) Tanging ang mga taong may tamang saloobin lang ang makauunawa sa mensahe ng Bibliya. Ang mga mapagmataas—karaniwang ugali ng “marurunong at matatalino”—ay may tendensiyang magkamali sa pag-unawa sa Bibliya. Pero ang mga nagbabasa ng Bibliya na may saloobing gaya ng sa “mga sanggol”—mapagpakumbaba at gustong matuto—ay ginagantimpalaan ng mas malinaw na unawa sa mensahe ng Diyos. Napakahusay nga ng pagkakadisenyo ng Diyos sa Bibliya!
marurunong at matatalino, at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.” ( -
Ang Bibliya ay mauunawaan lang ng mga taong handang magpatulong sa Diyos. Ipinakita ni Jesus na kailangan ng mga tao ng tulong para lubusang maunawaan ang mga itinuro niya. Paano nila iyon makukuha? Sinabi ni Jesus: “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko, ang isang iyon ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay.” (Juan 14:26) Kaya inilalaan ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu—ang kaniyang makapangyarihang aktibong puwersa—para maunawaan ng mga tao ang nababasa nila sa Bibliya. Pero hindi ibinibigay ng Diyos ang kaniyang espiritu sa mga taong ayaw umasa sa tulong niya, kaya madalas na hindi nila nauunawaan ang Bibliya. Ang mga Kristiyanong marami nang alam ay inuudyukan din ng banal na espiritu para tulungan ang mga taong gustong maunawaan pa ang Bibliya.—Gawa 8:26-35.
-
Ang ilang ulat sa Bibliya ay mauunawaan lang ng mga tao sa takdang panahon. Halimbawa, ipinasulat kay propeta Daniel ang isang mensahe para sa hinaharap. Sinabi ng anghel: “Daniel, ilihim mo ang mga salita at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan.” Sa loob ng daan-daang taon, nababasa ng mga tao ang aklat ng Bibliya na Daniel pero hindi talaga nila ito nauunawaan. Kahit nga si Daniel, hindi naunawaan ang ilan sa isinulat niya. Inamin niya: “Narinig ko, ngunit hindi ko maunawaan.” Mauunawaan din naman ng mga tao ang hula ng Diyos na ipinasulat kay Daniel, pero sa itinakdang panahon lang ng Diyos. Ipinaliwanag ng anghel: “Yumaon ka, Daniel, sapagkat ang mga salita ay inilihim at tinatakan hanggang sa panahon ng kawakasan.” Sino ang makauunawa sa mga mensahe ng Diyos? “Walang sinumang balakyot ang makauunawa; ngunit silang may kaunawaan ay makauunawa.” (Daniel 12:4, 8-10) Kaya isinisiwalat lang ng Diyos ang kahulugan ng ilang ulat sa Bibliya sa kaniyang itinakdang panahon.
Nagkamali na rin ba ang mga Saksi ni Jehova sa pagkaunawa sa Bibliya dahil hindi pa panahon? Oo. Pero kapag dumating ang panahon para linawin ito ng Diyos, agad na binabago ng mga Saksi ang kanilang pagkaunawa. Naniniwala sila na sa paggawa nito, tinutularan nila ang mga apostol ni Kristo na handang baguhin ang kanilang kaisipan kapag itinutuwid ni Jesus.—Gawa 1:6, 7.
Ang maling akala ng batang babae tungkol sa pinagmumulan ng ulap ay maaaring nakakatuwa. Pero ang turo ng Bibliya ay may malaking epekto sa iyo. Napakahalaga ng mensahe ng Bibliya. Kung susubukan mong unawain ito nang mag-isa, hindi sapat iyon. Kaya humingi ng tulong para maunawaan ang binabasa mo. Magpatulong sa mga mapagpakumbabang nag-aaral ng Bibliya, sa mga taong umaasa sa banal na espiritu ng Diyos para maunawaan ito, at sa mga taong kumbinsidong ito na ang panahong gusto ng Diyos na maunawaan natin nang husto ang Bibliya. Huwag mag-atubiling makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova o pumunta sa website na jw.org para magbasa ng mga impormasyong maingat nilang sinaliksik. Nangangako ang Bibliya: “Kung tatawag ka ukol sa pagkaunawa . . . , masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos.”—Kawikaan 2:3-5.