Problema sa Mental na Kalusugan sa Buong Mundo
“Lagi akong nag-aalala kahit mag-isa lang akong nakaupo sa kuwarto ko.”
“Kapag masayang-masaya ako, natatakot ako kasi pakiramdam ko, made-depress na naman ako pagkatapos nito.”
“Sinisikap kong magpokus sa mga nangyayari bawat araw. Pero kung minsan, bigla na lang akong nag-aalala sa iba pang mga bagay.”
Nakaka-relate ka ba sa mga sinabing ito ng mga taong may problema sa mental na kalusugan? Nararanasan mo ba iyan o ng isang mahal mo sa buhay?
Kung oo, hindi ka nag-iisa. Marami sa ngayon ang may problema sa mental na kalusugan.
Talagang nabubuhay na tayo sa panahong “mapanganib at mahirap ang kalagayan.” (2 Timoteo 3:1) Ayon sa isang pag-aaral, mga isa sa walong tao ang may problema sa mental na kalusugan sa buong mundo. Noong 2020, dahil sa COVID-19 pandemic, mas mataas ng mga 26 na porsiyento ang bilang ng mga may anxiety kaysa noong 2019, at mas mataas naman ng mga 28 porsiyento ang dumaranas ng depression.
Mahalagang malaman kung gaano karami ang nagkakaroon ng anxiety at depression. Pero mas mahalagang malaman kung ano ang dapat na maging pananaw mo at ng mga mahal mo sa buhay tungkol dito.
Ano ang mental na kalusugan?
Kapag maganda ang iyong mental na kalusugan, maganda rin ang pakiramdam mo at nakakagawa ka nang maayos. Nakakayanan mo ang mga problema sa araw-araw, marami kang nagagawa, at masaya ka sa buhay mo.
Problema sa mental na kalusugan
-
Hindi ito dahil sa personal na kahinaan.
-
Isa itong medikal na kondisyon na nagdudulot ng sobrang pag-aalala, at binabago nito ang pag-iisip, emosyon, at paggawi ng isang tao.
-
Kadalasan nang nagiging dahilan ito kung kaya mahirap para sa isang tao na makitungo sa iba at harapin ang mga hamon sa buhay.
-
Puwede itong makaapekto sa isang tao anuman ang kaniyang edad, kultura, lahi, relihiyon, pinag-aralan, o kalagayan sa buhay.
Tulong para sa mga may problema sa mental na kalusugan
Kung napansin mong ikaw o ang isang mahal mo sa buhay ay nagkaroon ng malaking pagbabago sa ugali, tulog, o pagkain, o nakakaranas ng nagtatagal na kalungkutan o pag-aalala, baka kailangan ninyong magpatingin sa doktor para malaman ang sanhi nito at matulungan.
Sinabi ni Jesu-Kristo, ang pinakamatalinong tao na nabuhay kailanman: “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.” (Mateo 9:12) Maraming maysakit na tumanggap ng tamang therapy at paggamot ang natulungang mabawasan ang sintomas ng kanilang sakit at magkaroon ng masaya at makabuluhang buhay. Kung malala na o nagtatagal ang mga sintomas, makakabuting magpagamot agad. a
Ang Bibliya ay hindi aklat sa medisina, pero makakatulong ito sa ating mental na kalusugan. Sana mabasa mo ang kasunod na mga artikulo para malaman mo kung paano makakatulong ang Bibliya na makayanan ang problema sa mental na kalusugan.
a Ang Bantayan ay hindi nagrerekomenda ng partikular na paggamot. Dapat maingat na suriin ng bawat isa kung anong paggamot ang pipiliin niya bago siya gumawa ng desisyon.