Tama at Mali: Dapat Itong Pag-isipan
Ano ang gagawin mo kung pupunta ka sa isang lugar na hindi mo pa napupuntahan?
1. Dadaan ka sa lugar na iniisip mong tama.
2. Susunod ka sa iba, dahil iniisip mong alam nila ang daan.
3. Gagamit ka ng mapa at GPS, o magtatanong sa mapagkakatiwalaang kaibigan na nakakaalam ng daan.
Kung pipiliin natin ang una o ikalawa, may mararating naman tayo, pero hindi doon sa lugar na gusto nating puntahan. Pero kung ikatlo ang pipiliin natin, siguradong makakarating tayo sa destinasyon natin.
Ang buhay natin ay parang pagbibiyahe papunta sa inaasahan nating masayang buhay. Makakarating tayo doon depende kung saan tayo kukuha ng mga payo kapag nagdedesisyon.
May mga desisyon tayo na hindi masyadong nakakaapekto sa buhay natin. Pero may mga desisyon din na napakahalaga. Makikita sa mga desisyon natin kung ano ang paniniwala natin—kung ano ang tingin natin sa tama at mali. May pangmatagalang epekto ang mga desisyong ginagawa natin. Puwede itong makabuti o makasama sa atin at sa mga mahal natin sa buhay. Kasama sa mga desisyong ito ang tungkol sa:
Sex at pag-aasawa
Katapatan, trabaho, at pera
Pagpapalaki ng mga anak
Pakikitungo sa iba
Paano ka makakasiguro kung ang mga desisyon mo ay magbibigay sa iyo at sa pamilya mo ng masayang buhay?
Dapat nating pag-isipan ang tanong na ito: Ano ang makakatulong sa akin na makagawa ng magagandang desisyon pagdating sa tama at mali?
Ipinapaliwanag ng magasing ito kung bakit maaasahan ang sinasabi ng Bibliya pagdating sa tama at mali at kung paano ito makakatulong sa iyo.