Paglaya Mula sa Pagiging Alipin—Noon at Ngayon
Pinangakuan si Blessing * ng trabaho sa Europa bilang hairdresser. Pero matapos ang 10 araw na pambubugbog, pati na ang pagbabantang sasaktan ang kaniyang pamilya, napilitan siyang maging prostitute.
Kailangang kumita ni Blessing gabi-gabi ng 200 hanggang 300 euro para mabayaran ang mahigit 40,000 euro * na sinasabing utang niya sa kaniyang madam. “Ilang beses kong inisip na tumakas,” ang sabi ni Blessing, “pero natatakot ako kasi baka kung ano ang gawin nila sa pamilya ko. Wala akong magawa.” Isa lang si Blessing sa mga apat na milyong tao na alipin ng international sex industry.
Halos 4,000 taon na ang nakalilipas, ang kabataang si Jose ay ibinenta ng kaniyang mga kapatid. Naging alipin siya ng isang prominenteng pamilya sa Ehipto. Di-gaya ni Blessing, sa simula ay maayos ang pakikitungo kay Jose ng kaniyang amo. Pero nang tanggihan ni Jose ang alok ng asawa ng kaniyang amo na makipagtalik, inakusahan siya nito ng tangkang panghahalay. Nabilanggo siya at iginapos sa pamamagitan ng bakal.—Genesis 39:1-20; Awit 105:17, 18.
Si Jose ay naging alipin noong unang panahon samantalang si Blessing naman ay sa kasalukuyang panahon. Pareho silang naging biktima ng human trafficking, isang sakim na negosyo na tinatratong parang paninda ang mga tao.
ISANG MALAKING NEGOSYO!
Ang digmaan ang naging pinakamadaling paraan para makakuha ng mga alipin ang mga bansa. Sinasabing ang hari ng Ehipto na si Thutmose III ay nagdala ng 90,000 bihag mula sa Canaan matapos itong magsagawa ng isang operasyon ng militar doon. Inalipin ng mga Ehipsiyo ang mga bihag at pinagtrabaho sa minahan, pinagtayo ng mga templo, at pinagawa ng mga kanal.
Nakakuha rin ng napakaraming alipin ang Imperyo ng Roma sa pamamagitan ng pakikipagdigma. May mga pagkakataon naman na nagiging dahilan ng digmaan ang malaking pangangailangan sa alipin. Noong unang siglo, tinatayang kalahati ng populasyon ng lunsod ng Roma ay mga alipin. Marami sa mga alipin ng Ehipto at Roma ang pinagmalupitan. Halimbawa, ang karaniwang haba ng buhay ng mga aliping nagtatrabaho sa minahan ng Roma ay mga 30 taóng gulang lang.
Sa paglipas ng panahon, lalong lumala ang pang-aalipin. Mula noong ika-16 hanggang ika-19 na siglo, ang bentahan ng mga alipin sa pagitan ng Aprika at mga lupain sa Amerika ay isa sa mga pinakamalaking negosyo sa buong daigdig. Ayon sa isang report ng UNESCO, ‘tinatayang mga 25 milyon hanggang 30 milyong lalaki, babae, at bata ang dinukot at ibinenta.’ Daan-daang libo ang sinasabing namatay habang bumibiyahe sa Atlantiko. Si Olaudah Equiano, isang alipin na nakaligtas, ay nagsabi: “Ang hiyaw ng mga babae at ang daing ng mga naghihingalo ay talagang nakapangingilabot at di-kapani-paniwala.”
Pero nakalulungkot, ang pang-aalipin ay hindi lang isang masaklap na nakaraan. Ayon sa International Labour Organization, mga 21 milyong lalaki, babae, at bata ang hindi makawala ngayon sa pang-aalipin, at kakarampot lang ang suweldo nila o wala pa nga. Pinagtatrabaho sila sa mga minahan, pabrika, pagawaan ng laryo, bahay-aliwan, at sa mga pribadong bahay. Ilegal ito, pero malinaw na parami nang parami ang kaso ng ganitong uri ng pang-aalipin.
PAGLAYA MULA SA PANG-AALIPIN
Ang brutal na pagtrato ang nagtulak sa maraming alipin na lumaban para sa kalayaan. Noong unang siglo B.C.E., ang gladyador na si Spartacus kasama ang mga 100,000 alipin ay nag-aklas laban sa Roma, pero hindi sila nagtagumpay. Noong ika-18 siglo, ang mga alipin sa isla ng Hispaniola sa Caribbean ay nagrebelde sa kanilang mga amo. Ang napakalupit na pagtrato sa mga aliping nagtatrabaho sa taniman ng asukal ang naging mitsa ng gera sibil na tumagal ng 13 taon, na sa dakong huli ay humantong sa kasarinlan ng Haiti noong 1804.
Pero ang paglaya ng mga Israelita sa Ehipto ang talagang masasabing pinakamatagumpay na paglaya mula sa pang-aalipin sa buong kasaysayan. Posibleng tatlong milyon katao—isang buong bansa—ang lumabas ng Ehipto. At karapat-dapat silang lumaya. Inilarawan ng Bibliya na naranasan nila sa Ehipto ang “lahat ng uri ng pagkaalipin . . . sa ilalim ng Exodo 1:11-14) May isang Paraon na nagpapatay pa nga ng mga sanggol para masugpo ang pagdami ng mga Israelita.—Exodo 1:8-22.
paniniil.” (Natatangi ang paglaya ng mga Israelita mula sa pang-aalipin ng Ehipto dahil Diyos mismo ang nagpalaya sa kanila. “Nalalaman kong lubos ang kirot na kanilang tinitiis,” ang sabi ng Diyos kay Moises. “Bababa ako upang hanguin [o iligtas] sila.” (Exodo 3:7, 8) Hanggang ngayon, saanman naroon ang mga Judio, ipinagdiriwang nila ang Paskuwa taon-taon para alalahanin ang paglayang iyon.—Exodo 12:14.
ANG WAKAS NG PANG-AALIPIN
“Kay Jehova na ating Diyos ay walang kalikuan,” ang sabi ng Bibliya, at tinitiyak niya sa atin na hindi siya nagbabago. (2 Cronica 19:7; Malakias 3:6) Isinugo ng Diyos si Jesus para “mangaral ng pagpapalaya sa mga bihag [at] payaunin ang mga nasisiil nang may paglaya.” (Lucas 4:18) Nangahulugan ba iyon ng literal na pagpapalaya sa mga alipin? Hindi. Isinugo si Jesus para palayain ang tao mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Sinabi niya nang maglaon: “Ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Kahit ngayon, ang katotohanang itinuro ni Jesus ay nagpapalaya sa mga tao mula sa iba’t ibang uri ng pang-aalipin.—Tingnan ang kahong “ Paglaya Mula sa Naiibang Uri ng Pang-aalipin.”
Parehong tinulungan ng Diyos si Jose at si Blessing sa magkaibang paraan. Mababasa mo ang kahanga-hangang kuwento ng buhay ni Jose sa kabanata 39 hanggang 41 sa aklat ng Bibliya na Genesis. Kahanga-hanga rin ang kuwento ng paglaya ni Blessing mula sa pang-aalipin.
Nang palayasin si Blessing sa isang bansa sa Europa, nagpunta siya sa Spain. Doon, nakilala niya ang mga Saksi ni Jehova at nag-aral ng Bibliya. Gustong-gusto niyang ayusin ang buhay niya. Nakahanap siya ng permanenteng trabaho at nakiusap sa kaniyang dating madam na babaan ang binabayaran niyang utang buwan-buwan. Isang araw, tinawagan si Blessing ng kaniyang madam para kanselahin ang utang niya at humingi ng tawad. Ano’ng nangyari? Nag-aral din kasi siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova! “Kahanga-hangang makita kung paano tayo pinalalaya ng katotohanan,” ang sabi ni Blessing.
Nalungkot ang Diyos na Jehova sa pagmamaltrato ng mga Ehipsiyo sa mga Israelita. Tiyak na ganiyan din ang nadarama niya sa nangyayaring kawalang-katarungan ngayon. Para magwakas ang lahat ng uri ng pang-aalipin, kailangan ng malaking pagbabago sa lipunan. At iyan mismo ang pangako ng Diyos. “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.