Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Suportahan Na Ngayon ang Kaharian ng Diyos!

Suportahan Na Ngayon ang Kaharian ng Diyos!

Isiping may paparating na malakas at mapaminsalang bagyo. Nagbababala ang mga ahensiya ng gobyerno: “BILISAN N’YO! LUMIKAS NA KAYO!” Ano ang gagawin mo? Tiyak na pupunta ka sa ligtas na lugar.

Sa katulad na paraan, may nagbabantang mapaminsalang “bagyo” sa ating lahat. Tinukoy ito ni Jesus na “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21) Walang makakaiwas sa kapighatiang ito. Pero may magagawa tayo para protektahan ang ating sarili. Ano iyon?

Sa Sermon sa Bundok ni Jesu-Kristo, nagbigay siya ng payo: “Patuloy ninyong unahin ang Kaharian [ng Diyos] at ang katuwiran niya.” (Mateo 6:33) Paano natin gagawin iyan?

Unahin ang Kaharian ng Diyos. Ibig sabihin, dapat na mas mahalaga sa atin ang Kaharian ng Diyos kaysa sa anumang bagay. (Mateo 6:25, 32, 33) Bakit? Dahil hindi kayang solusyunan ng mga tao ang problema sa mundo. Ang Kaharian lang ng Diyos ang makakagawa niyan.

Unahin ang katuwiran niya. Sikaping sundin ang matuwid na mga utos at prinsipyo ng Diyos. Bakit? Dahil kung tayo ang magpapasiya sa kung ano ang tama at mali, tiyak na mapapahamak tayo. (Kawikaan 16:25.) Pero kung susundin natin ang mga pamantayan ng Diyos, mapapasaya natin siya at makikinabang din tayo.​—Isaias 48:17, 18.

Patuloy ninyong unahin ang Kaharian ng Diyos at ang katuwiran niya. Nagbabala si Jesus na baka may ilan na magambala at isiping maililigtas sila ng maraming pera. Sa sobrang kabalisahan naman sa buhay, wala nang panahon ang iba para hanapin ang Kaharian ng Diyos.​—Mateo 6:19-21, 25-32.

Pero ipinangako ni Jesus na ang mga sumusuporta sa Kaharian ng Diyos ay magkakaroon ng lahat ng pangangailangan nila ngayon at ng maraming pagpapala sa hinaharap.​—Mateo 6:33.

Kahit inuna ng mga alagad ni Jesus noong unang siglo ang Kaharian ng Diyos at ang katuwiran niya, hindi nila nakita ang wakas ng lahat ng kirot at pagdurusa noong panahon nila. Pero nadama nila ang tunay na kapanatagan. Paano?

Sinunod nila ang pamantayan ng Diyos kaya hindi nila naranasan ang mga problema na naranasan ng mga hindi sumunod sa Diyos. Nakatulong sa kanila ang pananampalataya sa darating na Kaharian para maharap ang pinakamahihirap na problema. At binigyan sila ng Diyos ng “lakas na higit sa karaniwan” para makayanan nila ang kanilang mga problema.​—2 Corinto 4:7-9.

UUNAHIN MO BA ANG KAHARIAN?

Sineryoso ng mga Kristiyano noong unang siglo ang payo ni Jesus na unahin ang Kaharian. Ipinangaral nila ang mabuting balita sa lahat ng tao noong panahon nila. (Colosas 1:23) May gumagawa ba niyan ngayon?

Oo. Alam ng mga Saksi ni Jehova na malapit nang wakasan ng Kaharian ng Diyos ang masamang sistemang ito. Kaya ginagawa nila ang kanilang buong makakaya para sundin ang utos ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:14.

Ano ang gagawin mo? Pinapasigla ka naming tularan ang mga taga-Berea sa Macedonia noong unang siglo. Nang marinig nila ang mabuting balita tungkol sa Kaharian mula kay apostol Pablo, tinanggap nila ang kaniyang mensahe nang “buong pananabik.” Pagkatapos, ‘maingat nilang sinuri ang Kasulatan’ para matiyak na tama ang narinig nilang mensahe at nanampalataya sila.​—Gawa 17:11, 12.

Puwede mo ring gawin iyan. Kung uunahin mo ang Kaharian ng Diyos at ang katuwiran niya, magiging panatag ka ngayon. At sa hinaharap, mararanasan mo ang walang-hanggang kapayapaan at katiwasayan.