TAMPOK NA PAKSA | KAPAG NAMATAY ANG ISANG MINAMAHAL
Mali Bang Magdalamhati?
Naranasan mo na bang magkasakit? Baka dahil mabilis kang gumaling, nakalimutan mo na iyon. Ibang-iba ito sa pagdadalamhati. “‘Walang katapusan’ ang pagdadalamhati,” ang isinulat ni Dr. Alan Wolfelt sa kaniyang aklat na Healing a Spouse’s Grieving Heart. Pero dagdag niya: “Sa paglipas ng panahon at sa tulong ng iba, mababawasan ito.”
Halimbawa, tingnan ang reaksiyon ng patriyarkang si Abraham nang mamatay ang kaniyang asawa. Sinasabi sa orihinal na teksto ng Bibliya na “si Abraham ay nagsimulang magdalamhati at umiyak dahil kay Sara.” Ang salitang ‘nagsimula’ ay nagpapahiwatig na mahabang panahong nagdalamhati si Abraham. * Isang halimbawa rin si Jacob, na pinapaniwalang ang kaniyang anak na si Jose ay pinatay ng isang mabangis na hayop. Nagdalamhati siya nang “maraming araw,” at walang kapamilya niya ang nakaaliw sa kaniya. Kahit maraming taon na ang nakalipas, nangungulila pa rin siya kay Jose.—Genesis 23:2; 37:34, 35; 42:36; 45:28.
Totoo rin iyan sa marami sa ngayon na namatayan ng mahal sa buhay. Tingnan ang dalawang karanasan.
-
“Noong Hulyo 9, 2008, namatay ang asawa kong si Robert sa isang aksidente. Normal na araw lang ang umagang iyon. Pagkatapos ng almusal, gaya ng lagi naming ginagawa bago siya pumasok sa trabaho, nag-kiss kami, nagyakap, at nagsabi ng ‘I love you.’ Ang sakit pa rin kahit anim na taon na ang lumipas. Parang ’di na yata matatapos ang pagdadalamhati ko sa pagkamatay ni Rob.”—Gail, 60 anyos.
-
“Kahit 18 taon na mula nang mamatay ang mahal kong misis, nalulungkot pa rin ako at nami-miss ko siya. Kapag may nakikita akong magandang tanawin, naaalaala ko siya. Naiisip ko na kung nandito lang siya, tiyak na matutuwa rin siya.”—Etienne, 84 anyos.
Oo, normal lang ang magdalamhati nang mahabang panahon. Iba-iba ang reaksiyon ng tao kapag namatayan, at hindi natin sila dapat husgahan. Pero hindi rin naman natin dapat husgahan ang ating sarili kung sa tingin natin ay parang sobra ang pagdadalamhati natin. Paano natin makakayanan ang pagdadalamhati?
^ par. 4 Matagal ding nagdalamhati ang anak ni Abraham na si Isaac. Gaya ng makikita sa artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya” na nasa isyu ring ito, nagdadalamhati pa rin si Isaac sa pagkamatay ng kaniyang inang si Sara kahit tatlong taon na ang lumipas.—Genesis 24:67.