Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Mas mahalaga kayo.”​—MATEO 10:31.

Napapansin Ka Ba ng Diyos?

Napapansin Ka Ba ng Diyos?

ANG ITINUTURO SA ATIN NG PAGLALANG

Napakahalaga ng unang 60 minuto sa buhay ng bagong-silang na sanggol. Bakit? Dahil ang mabubuong ugnayan sa pagitan ng nanay at ng sanggol sa panahong ito ay may malaking epekto sa paglaki ng bata. *

Bakit inaalagaan ng isang nanay ang kaniyang bagong-silang na sanggol? Ipinaliwanag ni Professor Jeannette Crenshaw sa The Journal of Perinatal Education na isang mataas na level ng hormone na oxytocin ang “gumigising sa damdamin ng ina pagkatapos nitong manganak sa tuwing hinahawakan, pinagmamasdan, at pinasususo niya ang kaniyang bagong-silang na sanggol.” Sa panahon ding ito, may isa pang hormone na “tumutulong sa isang nanay na mag-interact sa kaniyang sanggol” at masiyahan sa paggawa nito. Bakit mahalaga iyan?

Ang malapít na ugnayan ng nanay at sanggol ay dinisenyo ng ating maibiging Maylikha, ang Diyos na Jehova. * Kinilala ni Haring David na ang Diyos ang naglabas sa kaniya “mula sa sinapupunan” ng kaniyang ina at nagbigay sa kaniya ng kapanatagan dahil sa mga yakap nito. Nanalangin siya: “Ipinagkatiwala ako sa iyo mula nang isilang ako; mula pa sa sinapupunan ng aking ina, ikaw na ang aking Diyos.”​—Awit 22:9, 10.

PAG-ISIPAN ITO: Ginawa ng Diyos ang komplikadong sistemang ito para matiyak na magiliw na susubaybayan ng isang ina ang kaniyang sanggol at ilalaan ang pangangailangan nito. Hindi ba’t makatuwiran ding isipin na ang Diyos ay may personal na interes sa atin na “mga anak ng Diyos”?​—Gawa 17:29.

ANG ITINUTURO NG BIBLIYA TUNGKOL SA PAGKALINGA NG DIYOS

Si Jesu-Kristo, na higit na nakakakilala sa Maylikha, ay nagsabi: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Pero walang isa man sa mga ito ang nahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama. At kayo, biláng niya kahit ang mga buhok ninyo sa ulo. Kaya huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”​—Mateo 10:29-31.

Iilan lang ang nagbibigay-pansin sa maliliit na ibong nakikita natin, at lalo na kapag nahuhulog sa lupa ang isa sa kanila. Pero napapansin ng ating makalangit na Ama ang bawat isa sa kanila! Gayunman, ang mga ibon—kahit maraming ibon pa—ay hindi mas mahalaga kaysa sa isang tao. Malinaw ang aral: Huwag kang mangamba na baka hindi ka napapansin ng Diyos, dahil interesadong-interesado siya sa iyo!

Interesado ang Diyos sa ating kapakanan at pinagmamasdan niya tayo nang may pagmamalasakit

Tinitiyak sa atin ng Kasulatan

  • “Nakikita ni Jehova ang lahat ng bagay; binabantayan niya ang masasama at mabubuti.”​—KAWIKAAN 15:3.

  • “Ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang mga tainga niya ay nakikinig sa paghingi nila ng tulong.”​—AWIT 34:15.

  • “Lubos akong magsasaya dahil sa iyong tapat na pag-ibig, dahil nakita mo ang pagdurusa ko; alam mo ang paghihirap ng kalooban ko.”​—AWIT 31:7.

“AKALA KO, HINDI AKO MAHAL NI JEHOVA”

May epekto ba sa atin kung alam nating interesado ang Diyos sa ating kapakanan at pinagmamasdan niya tayo nang may pagmamalasakit? Oo naman. Ganito ang sinabi ni Hannah, * na mula sa England:

“Akala ko, hindi ako mahal ni Jehova at hindi niya pinakikinggan ang mga panalangin ko. Baka kulang ako sa pananampalataya. Pakiramdam ko, pinaparusahan ako o binabale-wala dahil hindi ako mahalaga. Kaya naisip kong walang malasakit ang Diyos.”

Pero hindi na nag-aalinlangan si Hannah sa atensiyon at pag-ibig ni Jehova. Bakit nagbago ang pananaw niya? “Unti-unti ang pagbabagong iyon,” ang sabi niya. “Naalala ko ang isang pahayag sa Bibliya noon tungkol sa haing pantubos ni Jesus. Ang laki ng epekto no’n sa akin. Nakatulong iyon para magtiwala ako na mahal ako ni Jehova. At kapag sinasagot niya ang mga panalangin ko, madalas akong mapaiyak dahil nari-realize ko na mahal pala talaga ako ni Jehova. Dahil din sa pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa mga pulong, mas marami akong natutuhan tungkol kay Jehova, sa mga katangian niya, at sa nadarama niya para sa atin. Ngayon, damang-dama ko na ang pag-alalay at pag-ibig ni Jehova sa lahat ng tao at sa bawat isa sa atin.”

Talagang nakapagpapatibay ang sinabi ni Hannah. Pero paano ka makatitiyak na nauunawaan at isinasaalang-alang ng Diyos ang damdamin mo? Susuriin ng susunod na artikulo ang tanong na ito.

^ par. 3 Baka mahirapang magkaroon ng ganitong kaugnayan sa kanilang sanggol ang ilang nanay na dumaranas ng postpartum depression. Pero hindi nila dapat sisihin ang kanilang sarili. Ayon sa U.S. National Institute of Mental Health, ang postpartum depression ay “malamang na resulta ng pisikal at emosyonal na mga dahilan . . . pero hindi dahil sa anumang pagkukulang ng isang ina.” Para sa higit pang impormasyon tungkol sa paksang ito, tingnan ang artikulong “Pag-unawa sa Postpartum Depression sa Hunyo 8, 2003, isyu ng Gumising!

^ par. 5 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.​—Awit 83:18.

^ par. 15 Binago ang ilang pangalan sa mga artikulong ito.