Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 4

AWIT BLG. 30 Aking Kaibigan, Diyos, at Ama

Mahal na Mahal Ka ni Jehova

Mahal na Mahal Ka ni Jehova

“Si Jehova ay napakamapagmahal.”​—SANT. 5:11.

MATUTUTUHAN

Kung paano tayo napapalapit kay Jehova, napapanatag, napapangalagaan, at nagiginhawahan dahil sa pag-ibig niya.

1. Ano ang nai-imagine mo kay Jehova?

 ANO ang nai-imagine mo kay Jehova? Ano ang naiisip mo sa tuwing nananalangin ka sa kaniya? Hindi natin nakikita si Jehova, pero inilalarawan siya ng Bibliya sa iba’t ibang paraan. Tinawag si Jehova na “araw at kalasag” at “isang apoy na tumutupok.” (Awit 84:11; Heb. 12:29) Itinulad ang presensiya niya sa isang batong safiro at sa isang nagniningning na metal at bahaghari. (Ezek. 1:​26-28) Dahil sa mga paglalarawang ito kay Jehova, baka sobra tayong mamangha sa kaniya, pero baka maramdaman din natin na wala tayong halaga.

2. Bakit posibleng mahirapan tayo na maging malapít kay Jehova?

2 Dahil hindi natin nakikita si Jehova, baka mahirapan tayong maniwala na mahal niya tayo. Baka iniisip natin na hindi tayo kayang mahalin ni Jehova dahil sa di-magagandang nangyari sa buhay natin. Halimbawa, baka hindi tayo mahal ng tatay natin. Naiintindihan ni Jehova ang nararamdaman natin at ang epekto nito sa atin. Para makilala natin siya, ginamit niya ang Bibliya para ipaalam sa atin na napakamapagmahal niya.

3. Bakit dapat na patuloy nating pag-aralan ang tungkol sa pag-ibig ni Jehova?

3 Paano mo ilalarawan si Jehova sa isang salita? Pag-ibig. (1 Juan 4:8) Ang lahat ng ginagawa ni Jehova ay dahil sa pag-ibig. Napakamapagmahal niya kaya nagpapakita siya ng pag-ibig kahit sa mga hindi nagmamahal sa kaniya. (Mat. 5:​44, 45) Sa artikulong ito, mas matututo pa tayo tungkol kay Jehova at sa pag-ibig niya. Kapag mas nakilala natin siya, lalo pa natin siyang mamahalin.

MAHAL NA MAHAL TAYO NI JEHOVA

4. Ano ang epekto sa iyo ng pagmamahal ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

4 “Si Jehova ay napakamapagmahal.” (Sant. 5:11) Sa Bibliya, itinulad niya ang sarili niya sa isang mapagmahal na ina. (Isa. 66:​12, 13) Isipin ang isang nanay na mahal na mahal ang maliit niyang anak. Nilalaro niya ito sa kandungan niya, at malambing niya itong kinakausap. Kapag umiiyak ito o may nararamdaman, agad niyang ibinibigay ang kailangan nito. Kapag nasasaktan tayo, makakaasa rin tayo sa pag-ibig ni Jehova. Isinulat ng salmista: “Noong maraming gumugulo sa isip ko, pinayapa mo ang kalooban ko at pinaginhawa mo ako.”​—Awit 94:19.

“Kung paano inaaliw ng ina ang anak niya, gayon ko kayo patuloy na aaliwin” (Tingnan ang parapo 4)


5. Ano ang masasabi mo sa tapat na pag-ibig ni Jehova?

5 Sagana sa tapat na pag-ibig si Jehova. (Awit 103:8) Hindi niya tayo susukuan kahit magkamali tayo. Paulit-ulit na nagkasala ang mga Israelita kay Jehova. Pero kapag nagsisisi sila, nagpapakita siya sa kanila ng tapat na pag-ibig. Halimbawa, sinabi niya sa bansang Israel: “Naging mahalaga ka sa paningin ko, pinarangalan ka, at inibig kita.” (Isa. 43:​4, 5) Ganiyan pa rin ang pag-ibig sa atin ng Diyos ngayon. Kahit makagawa tayo ng malubhang kasalanan, hindi tayo iiwan ni Jehova. Kapag nagsisi tayo at nanumbalik sa kaniya, makikita natin na mahal pa rin niya tayo. Nangako si Jehova na “magpapatawad siya nang lubusan.” (Isa. 55:7) At dahil diyan, sinasabi sa Bibliya na mararanasan natin ang “mga panahon ng pagpapaginhawa mula mismo kay Jehova.”​—Gawa 3:19.

6. Ano ang matututuhan natin sa Zacarias 2:8 tungkol kay Jehova?

6 Basahin ang Zacarias 2:8. Dahil mahal tayo ni Jehova, naiintindihan niya ang nararamdaman natin at gustong-gusto niya tayong protektahan. Nasasaktan din siya kapag nasasaktan tayo. Kaya puwede nating ipanalangin: “Ingatan mo akong gaya ng itim ng iyong mata.” (Awit 17:8) Sensitibo ang mata, at mahalagang bahagi ito ng katawan natin. Kaya nang itulad tayo ni Jehova sa itim ng mata niya, para bang sinasabi niya, ‘Kapag sinasaktan kayo ng sinuman, sinasaktan din niya kung ano ang mahalaga sa akin.’

7. Bakit kailangan nating patibayin ang pagtitiwala natin na mahal tayo ni Jehova?

7 Gusto ni Jehova na maging kumbinsido tayo na mahal niya ang bawat isa sa atin. Pero alam niya na dahil sa di-magagandang nangyari sa iyo o dahil sa mga pinagdadaanan mo ngayon, baka magduda ka kung talagang mahal ka niya. Kapag nalaman mo kung paano nagpakita ng pag-ibig si Jehova kay Jesus, sa mga pinahiran, at sa ating lahat, titibay ang pagtitiwala mo na mahal ka niya.

KUNG PAANO IPINAPAKITA NI JEHOVA ANG PAG-IBIG NIYA

8. Bakit sigurado si Jesus na mahal siya ng kaniyang Ama?

8 Sa buong uniberso, si Jehova at ang Anak niya ang may pinakamatagal na pinagsamahan. Sa loob ng bilyon-bilyong taon na magkasama sila sa langit, naging napakalapit nila sa isa’t isa. Sa Mateo 17:​5, malinaw na sinabi ni Jehova na mahal niya si Jesus. Puwede namang sabihin lang ni Jehova, ‘Ito ang kinalulugdan ko.’ Pero gusto niyang malaman natin kung gaano niya kamahal si Jesus, kaya sinabi rin niya, “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko.” Ipinagmamalaki ni Jehova si Jesus, lalo na dahil handa siyang ibigay ang buhay niya. (Efe. 1:7) At siguradong-sigurado si Jesus na mahal siya ni Jehova. Paulit-ulit niyang sinabi na mahal siya ng kaniyang Ama.​—Juan 3:35; 10:17; 17:24.

9. Anong salita ang nagpapakita na mahal ni Jehova ang mga pinahiran? Ipaliwanag. (Roma 5:5)

9 Ipinakita rin ni Jehova na mahal niya ang mga pinahiran. (Basahin ang Roma 5:5.) Pansinin na “ang [kanilang] puso ay pinuno ng Diyos ng kaniyang pag-ibig.” Ayon sa isang reperensiya, ang salitang “pinuno” ay puwedeng mangahulugan na “umaagos sa atin na parang ilog.” Kitang-kita diyan kung gaano kamahal ni Jehova ang mga pinahiran. Alam nila na “iniibig [sila] ng Diyos.” (Judas 1) Makikita sa isinulat ni apostol Juan ang nararamdaman ng mga pinahiran: “Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama at tinawag niya tayong mga anak ng Diyos!” (1 Juan 3:1) Pero mga pinahiran lang ba ang mahal ni Jehova? Hindi. Pinatunayan ni Jehova na mahal niya tayong lahat.   

10. Ano ang pinakamatibay na ebidensiya na mahal ka ni Jehova?

10 Ano ang pinakamatibay na ebidensiya na mahal tayo ni Jehova? Ang pantubos—ito ang pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig sa buong uniberso! (Juan 3:16; Roma 5:8) Ibinigay ni Jehova ang buhay ng Anak niya para mapatawad ang mga kasalanan natin at maging kaibigan Niya tayo. (1 Juan 4:10) Habang mas pinag-iisipan natin ang mga isinakripisyo ni Jehova at ni Jesus, mas maiintindihan natin kung gaano nila kamahal ang bawat isa sa atin. (Gal. 2:20) Hindi ibinigay ang pantubos para lang masunod ang pamantayan ni Jehova ng katarungan. Ibinigay ito dahil sa pag-ibig. Pinatunayan ni Jehova na mahal niya tayo nang isakripisyo niya ang pinakamamahal niyang Anak na si Jesus at hayaan siyang magdusa at mamatay para sa atin.

11. Ano ang matututuhan natin sa Jeremias 31:3?

11 Gaya ng nakita natin, hindi lang basta nararamdaman ni Jehova ang pag-ibig niya para sa atin—sinasabi niya rin ito sa atin. (Basahin ang Jeremias 31:3.) Inilapit niya tayo sa sarili niya dahil mahal niya tayo. (Ihambing ang Deuteronomio 7:​7, 8.) Walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig niya. (Roma 8:​38, 39) Ano ang epekto sa iyo ng pag-ibig ng Diyos? Basahin ang Awit 23, at tingnan ang naging epekto kay David ng pag-ibig at pangangalaga ni Jehova at ang puwedeng maging epekto nito sa atin.

ANO ANG EPEKTO SA IYO NG PAG-IBIG NI JEHOVA?

12. Tungkol saan ang Awit 23?

12 Basahin ang Awit 23:​1-6. Si David ang sumulat ng Awit 23. Makikita dito na nagtitiwala siyang mahal siya at pinapangalagaan ni Jehova. Makikita rin sa awit na ito ang malapít na kaugnayan niya sa kaniyang Pastol, si Jehova. Panatag si David na magpaakay kay Jehova, at talagang umaasa siya sa Kaniya. Alam ni David na araw-araw, ipapakita ni Jehova sa kaniya ang pag-ibig niya. Bakit ganoon kasigurado si David?

13. Bakit sigurado si David na papangalagaan siya ni Jehova?

13 “Hindi ako magkukulang ng anuman.” Naramdaman iyan ni David dahil laging inilalaan ni Jehova ang lahat ng kailangan niya. Alam din ni David na kaibigan niya si Jehova at sinasang-ayunan Niya siya. Kaya anuman ang mangyari sa kaniya sa hinaharap, sigurado si David na patuloy siyang papangalagaan ni Jehova. Dahil buo ang tiwala ni David kay Jehova, hindi siya masyadong nag-alala. Naging napakasaya niya at kontento.​—Awit 16:11.

14. Paano tayo puwedeng pangalagaan ni Jehova?

14 Pinapangalagaan tayo ni Jehova, lalo na kapag may di-magagandang nangyari sa buhay natin. Naranasan iyan ni Claire, a na naglingkod sa Bethel nang mahigit 20 taon. Hindi niya alam kung paano tutulungan ang pamilya niya nang magkaroon sila ng mabibigat na problema. Na-stroke ang tatay niya, natiwalag ang isang kapatid niya, at nawala ang bahay at maliit na negosyo ng pamilya nila. Paano sila pinangalagaan ni Jehova? Sinabi ni Claire: “Talagang ibinigay ni Jehova ang lahat ng pangangailangan ng pamilya ko araw-araw. Madalas nga, sobra-sobra pa! Lagi kong iniisip kung paano kami tinulungan ni Jehova noon. Hinding-hindi ko makakalimutan kung paano niya ipinaramdam na mahal niya kami! At iyan ang nakakatulong para patuloy akong makapaglingkod kahit may mga problema.”

15. Bakit naginhawahan si David? (Tingnan din ang larawan.)

15 “Pinagiginhawa niya ako.” May mga pagkakataon na sobrang nag-alala si David dahil sa lahat ng problema na pinagdadaanan niya. (Awit 18:​4-6) Pero pinaginhawa siya ng pag-ibig at pangangalaga ni Jehova. Inakay siya ni Jehova sa “madamong mga pastulan” at “mga pahingahan na may saganang tubig.” Kaya lumakas ulit si David at patuloy na nakapaglingkod nang masaya kay Jehova.​—Awit 18:​28-32.

Noong panahong maraming problema si David, pinaginhawa siya ng pag-ibig at pangangalaga ni Jehova (Tingnan ang parapo 15)


16. Paano ka napaginhawa ng pag-ibig ni Jehova?

16 Sa ngayon, nakakaranas din tayo ng mga problema. Pero “dahil sa tapat na pag-ibig ni Jehova,” natitiis natin ang mga iyon. (Panag. 3:22; Col. 1:11) Tingnan ang nangyari kay Rachel. Sa panahon ng COVID-19 pandemic, iniwan siya ng asawa niya. Iniwan din nito si Jehova. Lungkot na lungkot si Rachel. Ano ang ginawa ni Jehova para sa kaniya? Sinabi niya: “Ipinaramdam sa akin ni Jehova na maraming nagmamahal sa akin. Binigyan niya ako ng mga kaibigan. Naglalaan sila ng panahon sa akin, dinadalhan nila ako ng pagkain, at mine-message nila ako ng nakakapagpatibay na mga salita at teksto. Lagi silang nakangiti, at ipinapaalala nila sa akin na nagmamalasakit sa akin si Jehova. Talagang ipinagpapasalamat ko kay Jehova na binigyan niya ako ng mapagmahal na pamilya!”   

17. Bakit nasabi ni David na “hindi ako natatakot”?

17 “Hindi ako natatakot dahil kasama kita.” Maraming beses na nanganib ang buhay ni David, at malakas ang mga kaaway niya. Pero dahil sa pag-ibig ni Jehova, alam niyang ligtas siya. Ramdam ni David na lagi niyang kasama si Jehova, kaya panatag siya. Inawit niya: ‘Iniligtas ako ni Jehova sa lahat ng kinatatakutan ko.’ (Awit 34:4) Ang totoo, natatakot din si David. Pero nadadaig niya iyon dahil alam niyang mahal siya ni Jehova.

18. Paano ka mapapalakas ng pag-ibig ni Jehova kapag natatakot ka?

18 Paano tayo napapalakas ng pag-ibig ni Jehova kapag natatakot tayo? Sinabi ng payunir na si Susi ang naramdaman nilang mag-asawa nang magpakamatay ang anak nila: “Nakaka-trauma kapag may nangyaring trahedya sa buhay mo. Pakiramdam mo, walang makakatulong sa iyo. Pero dahil sa pagmamahal ni Jehova, napanatag kami.” Sinabi ni Rachel, na binanggit kanina: “Isang gabi, lungkot na lungkot ako. Sobra din ang pag-aalala at takot ko. Kaya nanalangin ako nang malakas habang umiiyak. Biglang gumaan ang pakiramdam ko. Pinakalma ako ni Jehova, gaya ng ginagawa ng nanay sa baby niya. At nakatulog na ako. Hindi ko makakalimutan iyon.” Apat na taóng nakulong ang elder na si Tasos dahil tumanggi siyang magsundalo. Paano niya naramdaman ang pag-ibig at pangangalaga ni Jehova? Sinabi niya: “Higit pa sa kailangan ko ang inilaan ni Jehova, kaya talagang naging buo ang tiwala ko sa kaniya. Sa pamamagitan din ng espiritu ni Jehova, tinulungan niya ako na maging masaya kahit na nakaka-depress sa bilangguan. Nakita ko dito na kapag mas nagtiwala ako kay Jehova, mas mararamdaman ko na mahal niya ako. Kaya nag-regular pioneer ako habang nasa bilangguan.”

MAGING MALAPÍT SA IYONG MAPAGMAHAL NA DIYOS

19. (a) Dahil alam nating mahal tayo ng Diyos, ano ang epekto nito sa mga panalangin natin? (b) Paano mo naramdaman sa buhay mo ang pag-ibig ni Jehova? (Tingnan ang kahong “ Mga Tekstong Nagpapatunay na Mahal Tayo ni Jehova.”)

19 Pinapatunayan ng mga karanasang pinag-usapan natin na kasama natin si Jehova, “ang Diyos ng pag-ibig”! (2 Cor. 13:11) Interesado siya sa bawat isa sa atin. Kumbinsido tayo na “napapalibutan [tayo] ng Kaniyang tapat na pag-ibig.” (Awit 32:10) Kapag lagi nating pinag-iisipan kung paano siya nagpakita ng pag-ibig sa atin, mas nagiging totoo siya sa atin at mas napapalapit tayo sa kaniya. Malaya tayong makakalapit sa kaniya at puwede nating sabihin na kailangan natin ang pag-ibig niya. Puwede rin nating sabihin sa kaniya ang lahat ng ipinag-aalala natin, kasi sigurado tayong naiintindihan niya tayo at gusto niya tayong tulungan.​—Awit 145:​18, 19.

20. Paano tayo mas napapalapit kay Jehova dahil sa pag-ibig niya?

20 Kung paanong gusto nating maramdaman ang init ng apoy kapag malamig ang panahon, gusto rin nating maramdaman ang mainit na pag-ibig ni Jehova kapag may mga problema tayo. Napakamapagmahal niya. Masaya tayo kasi mahal niya tayo. Kaya masabi rin sana ng bawat isa sa atin: “Mahal ko si Jehova”!—Awit 116:1.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Paano mo ilalarawan ang pag-ibig ni Jehova?

  • Bakit ka makakapagtiwalang mahal na mahal ka ni Jehova?

  • Ano ang epekto sa iyo ng pag-ibig ni Jehova?

AWIT BLG. 108 Ang Tapat na Pag-ibig ng Diyos

a Binago ang ilang pangalan.