Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 31

“Maging Matatag Kayo, Di-natitinag”

“Maging Matatag Kayo, Di-natitinag”

“Mahal kong mga kapatid, maging matatag kayo, di-natitinag.”​—1 COR. 15:58.

AWIT BLG. 122 Magpakatatag!

NILALAMAN a

1-2. Bakit masasabing gaya ng mataas na gusali ang mga Kristiyano? (1 Corinto 15:58)

 NOONG 1978, isang 60-palapag na gusali ang itinayo sa Tokyo, Japan. Marami ang nag-isip kung paano nito kakayanin ang madalas na paglindol doon. Dinisenyo ito ng mga engineer na maging matibay pero flexible din. Kaya kakayanin nito ang mga pagyanig. Gaya rin ng mataas na gusaling iyon ang mga Kristiyano. Paano?

2 Dapat na manatiling balanse ang isang Kristiyano pagdating sa pagiging matatag at pagiging flexible. Kailangan niyang maging matatag at di-natitinag pagdating sa pagsunod sa mga kautusan at pamantayan ni Jehova. (Basahin ang 1 Corinto 15:58.) “Handa [siyang] sumunod.” Pero kailangan niyang maging “makatuwiran,” o flexible, kung posible o kinakailangan. (Sant. 3:17) Kung ganiyan ang isang Kristiyano, hindi siya magiging sobrang istrikto o napakaluwag. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano tayo magiging di-natitinag. Aalamin din natin ang limang paraan na ginagamit ni Satanas para pahinain ang determinasyon natin at kung paano tayo makakapanatiling matatag.

KUNG PAANO TAYO MAGIGING MATATAG

3. Anong mga utos ng Kataas-taasang Tagapagbigay-Batas ang nasa Gawa 15:28, 29?

3 Si Jehova ang Kataas-taasang Tagapagbigay-Batas, kaya laging malinaw ang mga utos niya sa mga lingkod niya. (Isa. 33:22) Halimbawa, sinabi ng lupong tagapamahala noong unang siglo na dapat maging matatag ang mga Kristiyano sa (1) pagtanggi sa idolatriya kasi si Jehova lang ang dapat sambahin, (2) paggalang sa kabanalan ng dugo, at (3) pagsunod sa utos ng Bibliya na umiwas sa seksuwal na imoralidad. (Basahin ang Gawa 15:28, 29.) Paano makakapanatiling matatag ang mga Kristiyano ngayon sa tatlong bagay na ito?

4. Paano tayo makakapagbigay ng bukod-tanging debosyon kay Jehova? (Apocalipsis 4:11)

4 Tanggihan ang idolatriya kasi si Jehova lang ang dapat sambahin. Inutusan ni Jehova ang mga Israelita na sa kaniya lang ibigay ang bukod-tanging debosyon nila. (Deut. 5:6-10) Nang tuksuhin naman si Jesus ng Diyablo, malinaw niyang sinabi na si Jehova lang ang dapat sambahin. (Mat. 4:8-10) Kaya hindi tayo sumasamba sa mga idolo. Hindi rin natin iniidolo ang mga tao—mga lider man sila ng relihiyon, politiko, atleta, o artista—na para bang itinuturing silang mga diyos. Si Jehova lang ang sinasamba natin, ang Diyos na ‘lumalang sa lahat ng bagay.’—Basahin ang Apocalipsis 4:11.

5. Bakit natin sinusunod ang utos ni Jehova may kinalaman sa kabanalan ng buhay at dugo?

5 Sundin ang utos ni Jehova may kinalaman sa kabanalan ng buhay at dugo. Bakit? Sinabi ni Jehova na ang dugo ay kumakatawan sa buhay, na isang mahalagang regalo mula sa kaniya. (Lev. 17:14) Nang pahintulutan ni Jehova ang mga tao na kumain ng karne, ipinagbawal niyang kainin ang dugo nito. (Gen. 9:4) Inulit niya ang utos na ito nang ibigay niya sa Israel ang Kautusang Mosaiko. (Lev. 17:10) Tinagubilinan din niya ang lupong tagapamahala noong unang siglo na iutos sa lahat ng Kristiyano: “Patuloy na umiwas . . . sa dugo.” (Gawa 15:28, 29) Mahigpit nating sinusunod ang utos na ito kapag pumipili tayo ng paraan ng paggamot. b

6. Anong mga pagsisikap ang ginagawa natin para masunod ang utos ni Jehova na umiwas sa seksuwal na imoralidad?

6 Mahigpit nating sinusunod ang utos ni Jehova na umiwas sa seksuwal na imoralidad. (Heb. 13:4) Pinayuhan tayo ni apostol Pablo na “patayin” ang mga bahagi ng katawan natin. Ibig sabihin, kailangan nating gawin ang lahat para maalis ang maling mga pagnanasa. Iniiwasan nating tingnan o gawin ang anuman na puwedeng mauwi sa seksuwal na imoralidad. (Col. 3:5; Job 31:1) Kapag may tukso, tinatanggihan agad natin iyon para hindi na tayo makapag-isip o makagawa ng anumang makakasira sa pakikipagkaibigan natin sa Diyos.

7. Ano ang dapat na maging determinasyon natin, at bakit?

7 Inaasahan ni Jehova na magiging “masunurin [tayo] mula sa puso.” (Roma 6:17) Hindi natin puwedeng baguhin ang mga utos niya, pero dapat nating tandaan na lagi itong makakabuti sa atin. (Isa. 48:17, 18; 1 Cor. 6:9, 10) Ginagawa natin ang lahat para mapasaya si Jehova at magawa ang sinabi ng salmista: “Buo ang pasiya kong sundin ang mga tuntunin mo sa lahat ng panahon, hanggang sa wakas.” (Awit 119:112) Pero sinisikap ni Satanas na pahinain ang determinasyon natin. Paano?

KUNG PAANO SINISIKAP NI SATANAS NA PAHINAIN ANG DETERMINASYON NATIN

8. Paano ginagamit ni Satanas ang pag-uusig para pahinain ang determinasyon natin?

8 Pag-uusig. Inuusig tayo sa pisikal at emosyonal na paraan, at ginagamit iyon ng Diyablo para pahinain ang determinasyon natin. Gusto niya tayong ‘lapain,’ o sirain ang kaugnayan natin kay Jehova. (1 Ped. 5:8) Dahil determinado ang mga Kristiyano noong unang siglo na manatiling tapat, pinagbantaan sila, binugbog, at pinatay. (Gawa 5:27, 28, 40; 7:54-60) Ginagamit pa rin ngayon ni Satanas ang pag-uusig. Kitang-kita natin iyan sa malupit na pagtrato sa mga kapatid natin sa Russia at sa iba pang bansa.

9. Magbigay ng halimbawa kung paano tayo puwedeng i-pressure ng iba.

9 Pressure mula sa iba. Bukod sa direktang pag-uusig, gumagamit din si Satanas ng “tusong mga pakana.” (Efe. 6:11) Tingnan ang nangyari kay Bob. Kailangan siyang operahan. Sinabi niya sa mga doktor na hinding-hindi siya magpapasalin ng dugo. Pumayag naman ang surgeon. Pero noong gabi bago ang operasyon, pinuntahan siya ng anesthesiologist pagkauwi ng pamilya niya. Sinabi nito kay Bob na baka hindi naman siya salinan ng dugo, pero nakahanda na ito sakaling kailanganin. Akala siguro nito, magbabago ang isip ni Bob kapag wala na ang pamilya niya. Pero nanatiling matatag si Bob. Sinabi niya na hindi siya magpapasalin ng dugo anuman ang mangyari.

10. Bakit puwedeng makasamâ sa atin ang kaisipan ng tao? (1 Corinto 3:19, 20)

10 Kaisipan ng tao. Kung gagayahin natin ang kaisipan ng mga tao ngayon, baka bale-walain na rin natin si Jehova at ang mga pamantayan niya. (Basahin ang 1 Corinto 3:19, 20.) Madalas na nakakaimpluwensiya sa mga tao ang “karunungan ng sanlibutang ito” para sundin ang mga pagnanasa nila. Naimpluwensiyahan noon ng mga taong imoral at sumasamba sa idolo ang ilang Kristiyano sa Pergamo at Tiatira. Matindi ang ipinayo ni Jesus sa dalawang kongregasyong ito dahil kinunsinti nila ang seksuwal na imoralidad. (Apoc. 2:14, 20) Puwede rin tayong impluwensiyahan ng mga tao na tanggapin ang maling pananaw nila. Baka sabihin ng mga kapamilya at kakilala natin na masyado tayong mahigpit sa pagsunod sa Bibliya at kumbinsihin nila tayo na lumabag dito. Halimbawa, baka sabihin nila na hindi masamang magpadala sa mga pagnanasa natin at na makaluma na ang Bibliya.

11. Ano ang dapat nating iwasan para makapanatili tayong matatag?

11 Minsan, baka maisip natin na hindi ganoon kalinaw ang mga tagubilin ni Jehova. Kaya baka “higitan [natin] ang mga bagay na nasusulat.” (1 Cor. 4:6) Ginawa iyan ng mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus. Dinagdagan nila ang Kautusan ng sarili nilang mga batas, kaya napabigatan ang karaniwang mga tao. (Mat. 23:4) Binibigyan na tayo ni Jehova ng malinaw na tagubilin gamit ang kaniyang Salita at organisasyon. Hindi na natin kailangang dagdagan iyon. (Kaw. 3:5-7) Iyan ang dahilan kung bakit hindi natin hinihigitan ang mga nakasulat sa Bibliya o gumagawa ng sariling mga batas.

12. Paano ginagamit ni Satanas ang “mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya”?

12 Panlilinlang. Ginagamit ni Satanas ang “mapanlinlang at walang-saysay na mga ideya” at “pananaw ng sanlibutan” para iligaw ang mga tao at magkabaha-bahagi sila. (Col. 2:8) Noong unang siglo, kasama sa mga ito ang mga pilosopiya na batay sa kaisipan ng tao, sa di-makakasulatang turo ng mga Judio, at sa turo na dapat sundin ng mga Kristiyano ang Kautusang Mosaiko. Panlilinlang ang mga ito kasi nailayo nito ang mga tao sa Pinagmumulan ng tunay na karunungan, si Jehova. Ginagamit ngayon ni Satanas ang media at mga social network para magkalat ng mga conspiracy theory at di-totoong report. Sinasamantala naman ito ng mga politiko. Kitang-kita natin iyan sa panahon ng COVID-19 pandemic. c Pero maraming kapatid ang nakaiwas sa di-kinakailangang pag-aalala dahil sa pagsunod sa tagubilin ng organisasyon na mag-ingat sa maling impormasyon.​—Mat. 24:45.

13. Bakit dapat tayong mag-ingat sa mga panggambala?

13 Mga panggambala. Dapat na manatili tayong nakapokus sa “mas mahahalagang bagay.” (Fil. 1:9, 10) Dahil sa mga panggambala, puwedeng masayang ang oras at lakas natin. Puwedeng maging panggambala kahit ang mga bagay na karaniwan nating ginagawa kung ito ang magiging pokus natin. Kasama sa mga ito ang pagkain, pag-inom, paglilibang, at pagtatrabaho. (Luc. 21:34, 35) Araw-araw ding may balita tungkol sa isyu sa politika at lipunan. Pero hindi tayo nagpapagambala sa mga ito, kasi ayaw nating may panigan tayo kahit sa puso at isip natin. Ginagamit ni Satanas ang lahat ng ito para mapahina ang determinasyon natin na gawin ang tama. Alamin natin ang mga puwede nating gawin para makapanatiling matatag.

KUNG PAANO TAYO MAKAKAPANATILING MATATAG

Para makapanatiling matatag, pag-isipan ang pag-aalay mo at bautismo, pag-aralan ang Salita ng Diyos at bulay-bulayin ito, patatagin ang puso mo, at magtiwala kay Jehova (Tingnan ang parapo 14-18)

14. Ano ang isang makakatulong sa atin na makapanatiling matatag sa panig ni Jehova?

14 Isipin ang pag-aalay mo at bautismo. Ginawa mo iyan kasi gusto mong pumanig kay Jehova. Alalahanin kung ano ang nakakumbinsi sa iyo na nakita mo na ang katotohanan. Nang makilala mo si Jehova, iginalang mo siya at minahal. Nanampalataya ka at nagsisi. Itinigil mo na ang mga paggawing ayaw ni Jehova, at namuhay ka ayon sa kalooban niya. Naginhawahan ka nang malaman mong pinatawad ka ng Diyos. (Awit 32:1, 2) Dumalo ka sa mga pulong at sinabi sa iba ang magagandang bagay na natutuhan mo. At dahil nag-alay ka na at nagpabautismo, lumalakad ka na ngayon sa daang papunta sa buhay, at gagawin mo ang lahat para makapanatili dito.​—Mat. 7:13, 14.

15. Bakit makakatulong sa atin ang pag-aaral at pagbubulay-bulay?

15 Pag-aralan ang Salita ng Diyos at bulay-bulayin ito. Magiging matatag ang isang puno kung malalim ang ugat nito. Makakapanatili rin tayong matatag kung matibay ang pananampalataya natin kay Jehova. Habang lumalaki ang isang puno, mas lumalalim at lumalawak ang mga ugat nito. Habang nag-aaral tayo at nagbubulay-bulay, mas tumitibay rin ang pananampalataya natin at nagiging mas kumbinsido tayo na ang paraan ng Diyos ang pinakamabuti. (Col. 2:6, 7) Pag-isipan kung paano nakatulong sa mga lingkod ni Jehova noon ang tagubilin niya, patnubay, at proteksiyon. Halimbawa, nakatinging mabuti si Ezekiel habang sinusukat ng isang anghel ang templo sa pangitain. Napatibay ng pangitaing ito si Ezekiel. Itinuturo nito sa atin kung paano natin masusunod ang pamantayan ni Jehova sa dalisay na pagsamba. d (Ezek. 40:1-4; 43:10-12) Makikinabang din tayo kung maglalaan tayo ng panahon para pag-aralan at bulay-bulayin ang malalalim na bagay sa Salita ng Diyos.

16. Dahil matatag ang puso ni Bob, paano siya naingatan nito? (Awit 112:7)

16 Patatagin ang puso mo. Sa isang awit, sinabi ni Haring David na hinding-hindi magbabago ang pag-ibig niya kay Jehova: “Matatag ang puso ko, O Diyos.” (Awit 57:7) Magiging matatag ang puso natin kung buo ang tiwala natin kay Jehova. (Basahin ang Awit 112:7.) Nakatulong iyan kay Bob, na binanggit kanina. Nang sabihin sa kaniya na may nakahanda nang dugo sakaling kailanganin, sinabi niya agad na kung may kahit kaunting posibilidad na salinan siya ng dugo, aalis agad siya sa ospital. Nang maglaon, sinabi ni Bob, “Hindi ako nagdalawang-isip, at hindi ako natakot sa mga puwedeng mangyari.”

Kung gaya ng matibay na pundasyon ang pananampalataya natin, makakapanatili tayong matatag anumang problema ang maranasan natin (Tingnan ang parapo 17)

17. Ano ang matututuhan natin kay Bob? (Tingnan din ang larawan.)

17 Matatag si Bob kasi desidido na siyang manindigan matagal na panahon pa bago siya maospital. Una, gusto niyang mapasaya si Jehova. Ikalawa, pinag-aralan niyang mabuti ang sinasabi ng Bibliya at mga publikasyon natin tungkol sa kabanalan ng buhay at dugo. Ikatlo, kumbinsido siya na pagpapalain siya kung susunod siya sa mga utos ni Jehova. Puwede ring maging matatag ang puso natin anumang problema ang maranasan natin.

Lakas-loob na sinugod ni Barak at ng mga tauhan niya ang hukbo ni Sisera (Tingnan ang parapo 18)

18. Ano ang matututuhan natin kay Barak tungkol sa pagtitiwala kay Jehova? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

18 Magtiwala kay Jehova. Tingnan kung paano nagtagumpay si Barak dahil nagtiwala siya kay Jehova. Walang kalasag o sibat ang mga Israelita. Pero inutusan ni Jehova si Barak na makipaglaban sa hukbo ng Canaan, na maraming sandata, at sa pinuno nito, si Sisera. (Huk. 5:8) Sinabi ng propetisang si Debora kay Barak na pumunta sa kapatagan para labanan si Sisera at ang hukbo nito na may 900 karwahe. Mukhang makakalamang dito ang mga Canaanitang nakakarwahe. Pero sumunod pa rin si Barak. Nang pababa na ang mga Israelita mula sa Bundok Tabor, nagpaulan nang malakas si Jehova. Kaya lumubog sa putik ang mga karwahe ni Sisera, at nanalo si Barak. (Huk. 4:1-7, 10, 13-16) Magtatagumpay rin tayo kung magtitiwala tayo kay Jehova at sa tagubilin ng organisasyon niya.​—Deut. 31:6.

MAGING DETERMINADO NA MANATILING MATATAG

19. Bakit determinado kang manatiling matatag?

19 Kailangan nating patuloy na magsikap na maging matatag habang nabubuhay tayo sa sistemang ito. (1 Tim. 6:11, 12; 2 Ped. 3:17) Maging determinado sana tayong huwag mapahina ng pag-uusig, pressure mula sa iba, kaisipan ng tao, panlilinlang, at mga panggambala. (Efe. 4:14) Sa halip, maging matatag sana tayo at di-natitinag para hindi mawala ang pag-ibig natin kay Jehova at patuloy siyang masunod. Pero kailangan din nating maging makatuwiran. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang perpektong halimbawa ni Jehova at ni Jesus sa pagiging makatuwiran.

AWIT BLG. 129 Hindi Tayo Susuko

a Mula pa noong panahon nina Adan at Eva, sinisikap na ni Satanas na kumbinsihin ang mga tao na sila dapat ang magpasiya kung ano ang tama at mali. Gusto niya na ganoon din ang maging pananaw natin pagdating sa mga kautusan ni Jehova at sa mga tagubiling natatanggap natin. Tutulong sa atin ang artikulong ito na huwag bale-walain ang mga kautusan ni Jehova, gaya ng ginagawa ng sanlibutan ni Satanas. Tutulong din ito para lagi tayong maging determinado na sundin si Jehova.

b Para malaman kung paano masusunod ng mga Kristiyano ang pananaw ng Diyos sa dugo, tingnan ang aralin 39 ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman.

c Tingnan ang artikulong “Mag-ingat sa Maling Impormasyon” na nasa jw.org.