Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 27

“Umasa Ka kay Jehova”

“Umasa Ka kay Jehova”

“Umasa ka kay Jehova; lakasan mo ang loob mo at magpakatatag ka.”​—AWIT 27:14.

AWIT 128 Magtiis Hanggang sa Wakas

NILALAMAN *

1. (a) Anong pag-asa ang ibinibigay sa atin ni Jehova? (b) Ano ang ibig sabihin ng “umasa ka kay Jehova”? (Tingnan ang “Karagdagang Paliwanag.”)

 NAPAKAGANDA ng pag-asang ibinibigay ni Jehova sa lahat ng nagmamahal sa kaniya. Malapit na niyang alisin ang sakit, kalungkutan, at kamatayan. (Apoc. 21:3, 4) Tutulungan niya ang “maaamo” na umaasa sa kaniya na gawing paraiso ang lupang ito. (Awit 37:9-11) At gagawin din niyang posible na magkaroon ang bawat isa sa atin ng mas malapít na kaugnayan sa kaniya kaysa sa nararanasan natin ngayon. Napakaganda ngang pag-asa! Pero bakit tayo makakapagtiwala na matutupad ang mga pangako ng Diyos? Kasi lagi niyang tinutupad ang mga pangako niya. Kaya tama lang na “umasa [tayo] kay Jehova.” * (Awit 27:14) Maipapakita natin ito kung patuloy tayong magtitiis at magiging masaya habang hinihintay nating matupad ang mga pangako niya.​—Isa. 55:10, 11.

2. Ano na ang nagawa ni Jehova?

2 Napatunayan na ni Jehova na lagi niyang tinutupad ang mga pangako niya. Tingnan natin ang isang halimbawa. Sa aklat ng Apocalipsis, ipinangako ni Jehova na sa panahon natin, pagsasama-samahin niya ang mga tao mula sa lahat ng bansa, tribo, at wika, at pagkakaisahin niya sila sa pagsamba sa kaniya. Sa ngayon, ang grupong ito ng mga tao ay tinatawag na “malaking pulutong.” (Apoc. 7:9, 10) Binubuo sila ng mga lalaki, babae, at mga bata na iba-iba ang lahi, wika, at pinagmulan. Pero mapayapa sila at nagkakaisa na gaya ng isang pamilya. (Awit 133:1; Juan 10:16) Masipag ding nangangaral ang malaking pulutong. Lagi rin silang handa na sabihin sa mga gustong makinig ang pag-asa nila na magkakaroon ng mas magandang mundo sa hinaharap. (Mat. 28:19, 20; Apoc. 14:6, 7; 22:17) Kung kasama ka sa malaking pulutong, siguradong napakahalaga sa iyo ng pag-asang ito.

3. Ano ang gustong mangyari ni Satanas?

3 Ayaw ng Diyablo na magkaroon ka ng pag-asa. Gusto niyang maniwala ka na hindi nagmamalasakit sa iyo si Jehova at na hindi Niya tutuparin ang mga pangako niya. Kapag nangyari iyan, manghihina tayo, at baka tumigil pa nga tayo sa paglilingkod kay Jehova. Gaya ng makikita natin, gumawa ng paraan ang Diyablo para mawalan ng pag-asa si Job at tumigil sa paglilingkod kay Jehova.

4. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito? (Job 1:9-12)

4 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang mga ginawa ni Satanas para sirain ang katapatan ni Job. (Basahin ang Job 1:9-12.) Tatalakayin din natin kung ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Job at kung bakit kailangan nating tandaan na mahal tayo ng Diyos at na tutuparin Niya ang kaniyang mga pangako.

SINIKAP NI SATANAS NA MAWALAN NG PAG-ASA SI JOB

5-6. Ano ang sunod-sunod na nangyari kay Job?

5 Napakaganda ng buhay ni Job. May malapít siyang kaugnayan kay Jehova. Malaki at masaya ang pamilya niya, at napakayaman niya. (Job 1:1-5) Pero sa loob lang ng isang araw, halos nawala ang lahat sa kaniya. Una, nawala ang kayamanan ni Job. (Job 1:13-17) Pagkatapos, namatay ang lahat ng anak niya. Pag-isipan ang trahedyang nangyari. Masakit para sa mga magulang na mamatayan ng isang anak. Kaya isipin na lang ang naramdaman ni Job at ng asawa niya nang malaman nilang namatay ang lahat ng 10 anak nila. Siguradong napakasakit nito! Kaya hindi nakakapagtakang pinunit ni Job ang damit niya dahil sa pagdadalamhati at sumubsob sa lupa.​—Job 1:18-20.

6 Pagkatapos, pinuntirya naman ni Satanas ang kalusugan ni Job at halos mawalan siya ng dignidad. (Job 2:6-8; 7:5) Mataas ang respeto kay Job ng mga tao sa paligid niya. Sa kaniya pa nga sila humihingi ng payo. (Job 31:18) Ngayon, iniiwasan na nila siya. Tinalikuran si Job ng mga kapatid niya, kasamahan, at kahit ng mga lingkod niya.​—Job 19:13, 14, 16.

Naiintindihan ng maraming Saksi ngayon ang naramdaman ni Job nang dumanas siya ng mga pagsubok (Tingnan ang parapo 7) *

7. (a) Ano ang inisip ni Job na dahilan ng pagdurusa niya, pero ano ang hindi niya ginawa? (b) Paano puwedeng mangyari sa isang Kristiyano ang gaya ng makikita sa larawan?

7 Gusto ni Satanas na isipin ni Job na galit si Jehova kay Job kaya ito nagdurusa. Kaya naman, isang malakas na hangin ang ginamit ni Satanas para bumagsak ang bahay kung saan sama-samang kumakain ang lahat ng 10 anak ni Job. (Job 1:18, 19) Isang apoy rin ang pinababa niya mula sa langit para tupukin ang mga kawan ni Job pati na ang mga nag-aalaga sa mga iyon. (Job 1:16) Sa langit nanggaling ang hangin at apoy, kaya inisip ni Job na ang Diyos na Jehova ang may gawa nito. Dahil dito, napaniwala si Job na posibleng nagalit sa kaniya si Jehova. Pero hindi isinumpa ni Job ang Ama niya sa langit. Kinilala ni Job na maraming taon na siyang tumatanggap ng mabubuting bagay mula kay Jehova. Kaya inisip niya na puwede rin siyang tumanggap ng masasamang bagay. Sinabi niya: “Patuloy nawang purihin ang pangalan ni Jehova.” (Job 1:20, 21; 2:10) Hanggang sa puntong iyon, nakakayanan pa ni Job ang mga problema sa pinansiyal, emosyonal, at pisikal. Pero hindi pa tapos sa kaniya si Satanas.

8. Ano ang sumunod na ginawa ni Satanas kay Job?

8 May isa pang ginawa si Satanas kay Job. Gumamit siya ng tatlong di-tunay na kaibigan para ipadama kay Job na wala siyang halaga. Pinagbintangan nila si Job na marami siyang nagawang kasalanan kaya siya nagdurusa. (Job 22:5-9) Kinumbinsi rin nila siya na kahit wala siyang ginagawang masama, wala pa ring halaga sa Diyos ang lahat ng pagsisikap niya. (Job 4:18; 22:2, 3; 25:4) Gusto nilang isipin ni Job na hindi siya mahal ng Diyos, na hindi Siya nagmamalasakit sa kaniya, at na walang halaga ang paglilingkod niya kay Jehova. Talagang nakakasira ng loob para kay Job ang mga sinabi nila, na para bang wala nang pag-asa ang sitwasyon niya.

9. Ano ang nakatulong kay Job para magkaroon ng lakas at tibay ng loob?

9 Naiisip ba ninyo ang kalagayan ni Job? Habang nakaupo siya sa abo, iniinda niya ang sakit niya. (Job 2:8) Pagkatapos, patuloy na pinapalabas ng mga kasamahan niya na masamang tao siya at walang halaga ang mga nagawa niya. Napakabigat ng pinagdadaanan ni Job. At nagdadalamhati pa siya sa pagkamatay ng mga anak niya. Noong una, nananahimik lang si Job. (Job 2:13–3:1) Baka iniisip ng mga kasamahan ni Job na malapit na niyang talikuran si Jehova, pero nagkamali sila. Sinabi ni Job: “Mananatili akong tapat hanggang kamatayan!” (Job 27:5) Posibleng tumingala si Job at tiningnan ang mga di-tunay na kaibigan niya nang sabihin niya ito. Saan humugot si Job ng lakas at tibay ng loob sa kabila ng mga pagdurusa niya? Kahit lugmok na lugmok na si Job, hindi siya nawalan ng pag-asa na darating ang panahon na tatapusin din ng Diyos ang lahat ng pagdurusa niya. Alam niya na kahit mamatay siya, bubuhayin siyang muli ni Jehova.​—Job 14:13-15.

PAANO NATIN MATUTULARAN SI JOB?

10. Ano ang matututuhan natin sa mga nangyari kay Job?

10 Matututuhan natin mula sa mga nangyari kay Job na hindi tayo mapipilit ni Satanas na iwan si Jehova at na alam ni Jehova ang lahat ng nangyayari. Matutulungan din tayo nito na mas maintindihan ang mga isyu na nasasangkot dito. Pero may matututuhan pa tayo kay Job.

11. Ano ang tiyak na mangyayari kung patuloy tayong magtitiwala kay Jehova? (Santiago 4:7)

11 Napatunayan ni Job na kung patuloy tayong magtitiwala kay Jehova, makakayanan natin ang anumang pagsubok at malalabanan natin si Satanas. Ano ang magiging resulta nito? Tinitiyak sa atin ng Kasulatan na lalayo sa atin ang Diyablo.​—Basahin ang Santiago 4:7.

12. Paano nakatulong kay Job ang pag-asang pagkabuhay-muli para maging matatag?

12 Kailangan nating manghawakan sa pag-asang pagkabuhay-muli. Gaya ng binanggit sa nakaraang artikulo, ginagamit ni Satanas ang takot sa kamatayan para ikompromiso natin ang katapatan natin kay Jehova. Sa kaso ni Job, pinapalitaw ni Satanas na gagawin ni Job ang lahat para lang maisalba ang buhay niya kahit pa talikuran niya si Jehova. Pero mali si Satanas. Kahit noong panahong iniisip ni Job na mamamatay na siya, nanatili pa rin siyang tapat kay Jehova. Nakapagtiis siya dahil nagtitiwala siyang mabuti si Jehova at lubos siyang umaasa na aayusin ni Jehova ang sitwasyon. Nanampalataya si Job na kung hindi man ayusin ni Jehova ang kalagayan habang buháy pa siya, gagawin niya iyon sa hinaharap—bubuhayin niyang muli si Job. Totoong-totoo para kay Job ang pag-asang pagkabuhay-muli. Kung totoo rin sa atin ang pag-asang iyan, hindi matitinag ang katapatan natin, manganib man ang buhay natin.

13. Bakit dapat nating tandaan ang mga ginawa ni Satanas kay Job?

13 Dapat din nating tandaan kung ano ang mga ginawa ni Satanas para sirain ang katapatan ni Job kasi iyan din ang ginagawa niya sa atin ngayon. Pansinin ang akusasyon ni Satanas: “Ibibigay ng isang tao [hindi lang ni Job] ang lahat ng kaniya para sa buhay niya.” (Job 2:4, 5) Pinapalitaw ni Satanas na hindi naman talaga natin mahal ang Diyos na Jehova at na tatalikuran natin Siya maisalba lang ang buhay natin. Pinapalitaw rin ni Satanas na hindi tayo mahal ng Diyos at na bale-wala sa Kaniya ang mga pagsisikap natin na mapasaya Siya. Dahil alam na natin ang mga ginagawa ni Satanas, hindi na niya madadaya ang mga tulad natin na umaasa kay Jehova.

14. Ano ang puwede nating malaman tungkol sa sarili natin kapag may pagsubok? Ilarawan.

14 Dapat nating ituring ang pagsubok na pagkakataon para makilala pa ang sarili natin. Nakatulong kay Job ang mga pagsubok para makita niya ang mga kahinaan niya at maitama ang mga iyon. Halimbawa, nalaman niya na kailangan pa pala niyang maging mas mapagpakumbaba. (Job 42:3) Marami pa rin tayong puwedeng malaman tungkol sa sarili natin kapag may pagsubok. Sinabi ni Nikolay, * isang brother na ibinilanggo kahit may malala siyang sakit: “Parang X-ray ang bilangguan. Makikita rito ang panloob na pagkatao ng isang Kristiyano.” Kapag nakita natin ang mga kahinaan natin, maitatama natin ang mga iyon.

15. Kanino tayo dapat makinig, at bakit?

15 Kay Jehova tayo dapat makinig, hindi sa mga kaaway natin. Nakinig na mabuti si Job nang kausapin siya ni Jehova. Para ipakitang nagmamalasakit siya kay Job, parang ganito ang naging tanong ni Jehova sa kaniya: ‘Nakita mo ba ang kakayahan kong lumalang? Alam ko ang lahat ng nangyayari sa iyo. Sa tingin mo ba, hindi kita kayang pangalagaan?’ Mapagpakumbabang sumagot si Job at nagpakita ng pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova. “Narinig ng mga tainga ko ang tungkol sa iyo,” ang sabi niya, “pero ngayon ay nakikita ka na ng aking mga mata.” (Job 42:5) Malamang na nakaupo pa rin si Job sa abo, tadtad ng sugat ang katawan niya, at nagdadalamhati sa pagkamatay ng mga anak niya nang sabihin niya ang mga salitang iyon. Pero tiniyak pa rin ni Jehova na mahal niya si Job at na sinasang-ayunan niya siya.​—Job 42:7, 8.

16. Ayon sa Isaias 49:15, 16, ano ang dapat nating tandaan kapag may mga pagsubok?

16 Sa ngayon, puwede rin tayong insultuhin ng mga tao at tratuhin na walang halaga. Baka subukan pa nga nilang sirain ang reputasyon natin bilang indibidwal o bilang isang organisasyon, at ‘paratangan ng kung ano-anong masasamang bagay.’ (Mat. 5:11) Natutuhan natin sa mga nangyari kay Job na nagtitiwala si Jehova na mananatili tayong tapat sa kaniya kahit may mga pagsubok. Mahal tayo ni Jehova at hinding-hindi niya iiwan ang mga umaasa sa kaniya. (Basahin ang Isaias 49:15, 16.) Huwag makinig sa paninira ng mga kaaway ng Diyos! Nakaranas ang pamilya ni James, isang brother na taga-Turkey, ng matitinding pagsubok. Sinabi niya: “Nakita namin na masisiraan lang kami ng loob kung makikinig kami sa mga kasinungalingan tungkol sa bayan ng Diyos. Kaya nagpokus kami sa pag-asa na ilalaan ng Kaharian at nanatiling aktibo sa paglilingkod kay Jehova. Dahil diyan, nanatili kaming masaya.” Gaya ni Job, kay Jehova tayo nakikinig! Hindi masisira ng kasinungalingan ng mga kaaway natin ang pag-asa natin.

PATATATAGIN KA NG PAG-ASA MO

Pinagpala ni Jehova ang katapatan ni Job. Nabuhay nang masaya sa loob ng mahabang panahon si Job at ang asawa niya (Tingnan ang parapo 17) *

17. Ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ng mga tapat na lalaki at babae sa Hebreo kabanata 11?

17 Isa lang si Job sa mga lingkod ni Jehova na nanatiling matatag at malakas ang loob sa panahon ng matitinding pagsubok. Marami pang lingkod ng Diyos ang binanggit ni apostol Pablo sa liham niya sa mga Hebreo, at tinawag niya silang isang ‘malaking ulap ng mga saksi.’ (Heb. 12:1) Matitindi ang pagsubok na pinagdaanan nila. Pero nanatili silang tapat kay Jehova. (Heb. 11:36-40) Nasayang ba ang mga pagtitiis at pagsisikap nila? Hinding-hindi! Hindi man nila nakita ang katuparan ng lahat ng pangako ng Diyos noong nabubuhay sila, patuloy pa rin silang umasa kay Jehova. At dahil kumbinsido silang sinasang-ayunan sila ni Jehova, nagtitiwala silang makikita nila ang katuparan ng mga pangako niya. (Heb. 11:4, 5) Mapapatibay ng mga halimbawa nila ang determinasyon natin na patuloy na umasa kay Jehova.

18. Ano ang determinado mong gawin? (Hebreo 11:6)

18 Sa ngayon, nabubuhay tayo sa isang mundo na lalo pang sásamâ. (2 Tim. 3:13) Hindi pa tapos si Satanas. Patuloy pa rin niyang sinusubok ang mga lingkod ng Diyos. Anuman ang mangyari sa hinaharap, magsikap sana tayo nang husto para kay Jehova dahil “umaasa tayo sa isang buháy na Diyos.” (1 Tim. 4:10) Tandaan kung paano pinagpala ng Diyos si Job nang bandang huli. Nakita natin na “si Jehova ay napakamapagmahal at maawain.” (Sant. 5:11) Manatili rin sana tayong tapat kay Jehova at magtiwalang gagantimpalaan niya ang “mga humahanap sa kaniya nang buong puso.”​—Basahin ang Hebreo 11:6.

AWIT 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas

^ Kapag pagtitiis sa mga pagsubok ang pag-uusapan, madalas na si Job ang naiisip natin. Ano ang matututuhan natin sa mga naranasan ng tapat na taong ito? Matututuhan natin na hindi tayo puwedeng pilitin ni Satanas na iwan si Jehova. Matututuhan din natin na alam ni Jehova ang lahat ng nangyayari sa atin. At kung paanong tinapos ni Jehova ang mga paghihirap ni Job, darating din ang araw na tatapusin ni Jehova ang lahat ng pagdurusa natin. Kung ipinapakita natin sa mga ginagawa natin na talagang kumbinsido tayo sa mga ito, isa tayo sa mga talagang ‘umaasa kay Jehova.’

^ KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang salitang Hebreo na isinaling “umasa” ay nangangahulugang “maghintay” nang may pananabik sa isang bagay. Puwede rin itong tumukoy sa pagtitiwala sa isang tao o pananalig sa kaniya.​—Awit 25:2, 3; 62:5.

^ Binago ang ilang pangalan.

^ LARAWAN: Naranasan ni Job at ng asawa niya na mamatayan ng mga anak.

^ LARAWAN: Nagtiis si Job hanggang sa matapos ang mga pagsubok sa kaniya. Inalala ni Job at ng asawa niya ang pagpapala ni Jehova sa kanila at sa pamilya nila.