Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapayapaan—Paano Ka Magkakaroon Nito?

Kapayapaan—Paano Ka Magkakaroon Nito?

NABUBUHAY tayo sa magulong mundo kaya hindi madaling makamit ang kapayapaan. At kung mayroon man tayong kapayapaan, kadalasan nang mahirap itong mapanatili. Ano ang sinasabi ng Bibliya para magkaroon tayo ng tunay at namamalaging kapayapaan? At paano natin matutulungan ang iba na magkaroon nito?

ANO ANG KAILANGAN PARA MAGKAROON NG TUNAY NA KAPAYAPAAN?

Madarama lang natin ang tunay na kapayapaan kung nadarama nating ligtas tayo at panatag. Kailangan din tayong magkaroon ng matatag na pakikipagkaibigan sa ibang tao. Ang pinakamahalaga, dapat na maging malapít na kaibigan natin ang Diyos. Paano?

Dahil sa mga problema, marami ang nawawalan ng kapayapaan

Kapag sinusunod natin ang matuwid na mga utos at simulain ni Jehova, naipakikita nating nagtitiwala tayo sa kaniya at gusto nating magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa kaniya. (Jer. 17:7, 8; Sant. 2:22, 23) Kung gayon, lalapit siya sa atin at bibigyan niya tayo ng panloob na kapayapaan. Sinasabi ng Isaias 32:17: “Ang gawa [o, resulta] ng tunay na katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang paglilingkod ng tunay na katuwiran, katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda.” Magkakaroon tayo ng panloob na kapayapaan kung susundin natin si Jehova mula sa puso.—Isa. 48:18, 19.

Magkakaroon din tayo ng namamalaging kapayapaan sa tulong ng isang napakahalagang regalo mula sa ating Ama sa langit—ang kaniyang banal na espiritu.—Gawa 9:31.

TINUTULUNGAN TAYO NG ESPIRITU NG DIYOS NA MAGKAROON NG KAPAYAPAAN

Pangatlo ang kapayapaan sa mga aspekto ng “bunga ng espiritu” na binanggit ni apostol Pablo. (Gal. 5:22, 23) Dahil ang tunay na kapayapaan ay resulta ng espiritu ng Diyos, dapat tayong magpaakay sa impluwensiya nito. Tingnan natin ang dalawang paraan kung paano tayo tinutulungan ng espiritu ng Diyos na magkaroon ng kapayapaan.

Una, makatutulong ang regular na pagbabasa ng kinasihang Salita ng Diyos. (Awit 1:2, 3) Habang binubulay-bulay natin ang mensahe ng Bibliya, tinutulungan tayo ng banal na espiritu na maunawaan ang kaisipan ni Jehova sa maraming bagay. Halimbawa, makikita natin kung paano siya nananatiling mapagpayapa at kung bakit ang kapayapaan ay napakahalaga sa kaniya. Kung ikakapit natin ang mga aral na ito mula sa Salita ng Diyos, magkakaroon tayo ng higit na kapayapaan sa ating buhay.—Kaw. 3:1, 2.

Ikalawa, dapat nating ipanalangin sa Diyos na bigyan tayo ng banal na espiritu. (Luc. 11:13) Nangangako si Jehova na kung hihingin natin ang tulong niya, “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa [ating] mga puso at sa [ating] mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Fil. 4:6, 7) Kung lagi tayong aasa sa espiritu ni Jehova, bibigyan niya tayo ng saganang kapayapaan na para lang sa mga kaibigan niya.—Roma 15:13.

Paano sinunod ng ilan ang payo ng Bibliya at gumawa ng mga pagbabago para magkaroon sila ng kapayapaan—kay Jehova, sa kanilang sarili, at sa kanilang kapuwa?

KUNG PAANO SILA NAGKAROON NG KAPAYAPAAN

Sa kongregasyong Kristiyano ngayon, may mga dating “magagalitin” na nagbago at naging mas maalalahanin, mabait, matiisin, at mapagpayapa. * (Kaw. 29:22) Totoo ito sa dalawang kapatid na natulungang mapaglabanan ang galit at magkaroon ng mapayapang kaugnayan sa iba.

Ang pagsunod sa mga simulain sa Bibliya at paghiling ng espiritu ng Diyos ay tutulong sa atin na magkaroon ng kapayapaan

Dahil negatibong mag-isip si David, lumalabas ito sa pagsasalita niya. Bago siya naging lingkod ng Diyos, mapamuna siya sa iba at mabagsik magsalita sa mga kapamilya niya. Nang maglaon, nakita ni David na dapat siyang magbago at maging mapagpayapa. Ano ang nakatulong sa kaniya? Sinabi niya, “Sinunod ko ang mga simulain sa Bibliya, kaya naman lumalim ang respeto namin sa isa’t isa bilang pamilya.”

Nakaapekto sa pag-uugali ni Rachel ang pamilyang pinagmulan niya. Inamin niya, “Hanggang ngayon, hiráp pa rin akong kontrolin ang galit ko dahil lumaki ako sa pamilyang magagalitin.” Ano ang nakatulong sa kaniya na maging mas mapagpayapa? Sinabi niya, “Regular akong nananalangin para sa tulong ni Jehova.”

Sina David at Rachel ay dalawa lang sa mga halimbawang nagpapakita na kapag sinunod natin ang mga simulain sa Bibliya at hiniling ang tulong ng espiritu ng Diyos, magkakaroon tayo ng kapayapaan. Kaya kahit nabubuhay tayo sa isang galít na mundo, puwede pa rin tayong magkaroon ng panloob na kapayapaan na nagdudulot ng magandang kaugnayan sa ating mga kapamilya at kapuwa Kristiyano. Pero pinasisigla tayo ni Jehova: “Makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Posible ba talaga iyan? At ano ang magagandang resulta ng pagsisikap nating makipagpayapaan?

MAKIPAGPAYAPAAN SA IBA

Sa ating ministeryo, inaanyayahan natin ang iba na makinabang sa ating mapayapang mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Isa. 9:6, 7; Mat. 24:14) Nakatutuwa naman, marami ang tumutugon dito. Bilang resulta, hindi na sila nadaraig ng galit o negatibong kaisipan dulot ng masasamang bagay na nangyayari sa paligid nila. Nagkaroon na sila ng tunay na pag-asa sa hinaharap at napasigla silang ‘hanapin ang kapayapaan, at itaguyod iyon.’—Awit 34:14.

Pero may mga hindi tumutugon nang positibo sa mensahe natin. (Juan 3:19) Gayunman, tinutulungan tayo ng espiritu ng Diyos na sabihin sa kanila ang mabuting balita sa mapayapa at magalang na paraan. Sa gayon ay nasusunod natin ang tagubilin ni Jesus sa ministeryo: “Kapag kayo ay pumapasok sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan; at kung ang bahay ay karapat-dapat, hayaang ang kapayapaan na ninanais ninyo ay dumoon; ngunit kung hindi iyon karapat-dapat, hayaang ang kapayapaan mula sa inyo ay bumalik sa inyo.” (Mat. 10:11-13) Kung susundin natin ang payo ni Jesus, aalis tayo nang payapa sa bahay na iyon, na umaasang makikinig din ang may-bahay sa hinaharap.

Naitataguyod din natin ang kapayapaan kapag magalang tayong nakikipag-usap sa mga opisyal ng gobyerno—kasali na ang mga salansang sa gawain natin. Halimbawa, dahil sa diskriminasyon, hindi inaaprobahan ng isang bansa sa Africa ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Para masolusyunan ito sa mapayapang paraan, isang brother na dating misyonero sa bansang iyon sa Africa ang inatasang kumausap sa ambassador nito na nasa London, England. Ipaliliwanag niya sa opisyal ang tungkol sa mapayapang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa bansa nito. Ano ang kinalabasan?

“Pagdating ko sa reception desk,” ang kuwento ng brother, “napansin ko ang damit ng receptionist, kaya alam kong mula siya sa isang partikular na tribo. Dahil marunong ako ng wika ng tribo nila, binati ko siya sa sarili niyang wika. Nagulat siya, at tinanong ako, ‘Ano’ng sadya mo rito?’ Magalang kong sinabi na gusto kong makausap ang ambassador. Tinawagan niya ang opisyal, kaya lumabas ito at binati ako sa kanilang katutubong wika. Pagkatapos, nakinig siyang mabuti habang ipinaliliwanag ko ang tungkol sa mapayapang gawain ng mga Saksi.”

Dahil sa magalang na paliwanag ng brother, nawala ang maling pagkaunawa at negatibong pananaw ng ambassador sa ating gawain. Nang maglaon, inalis ng gobyerno ng bansang iyon sa Africa ang mga restriksiyon nito sa pagtatayo. Napakasaya ng mga kapatid dahil maganda ang kinalabasan nito! Oo, kung magiging magalang tayo sa iba, makikinabang tayo at magkakaroon ng kapayapaan.

MAGKAROON NG KAPAYAPAAN MAGPAKAILANMAN

Ang bayan ni Jehova ngayon ay may espirituwal na paraiso na punong-puno ng kapayapaan. Makatutulong kang mapanatili ang kapayapaang ito kung lilinangin mo sa iyong buhay ang aspektong ito ng bunga ng espiritu. Ang pinakamahalaga, matatamo mo ang pagsang-ayon ni Jehova at magkakaroon ka ng saganang kapayapaan sa bagong sanlibutan ng Diyos magpakailanman.—2 Ped. 3:13, 14.

^ par. 13 Ang kabaitan ay tatalakayin sa isang artikulo sa seryeng ito tungkol sa bunga ng espiritu ng Diyos.