Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Gaano kahalaga ang musika sa Israel noon?

NAPAKAHALAGA ng musika sa bansang Israel. Sa Bibliya, madalas banggitin ang pag-awit at pagtugtog ng mga instrumento. Ang totoo, malaking bahagi ng Bibliya ay mga awit—nandiyan ang aklat ng Mga Awit, Awit ni Solomon, at Mga Panaghoy, na isinulat para kantahin. Sinasabi naman sa aklat na Music in Biblical Life na kitang-kitang ginagamit ng mga Israelita ang musika sa iba’t ibang gawain nila sa buhay.

Musika sa buhay ng mga Israelita. Kumakanta at tumutugtog ng mga instrumento ang mga Israelita para ipakita ang nararamdaman nila. (Isa. 30:29) Kapag may mga selebrasyon, tumutugtog ng tamburin ang mga babae, kumakanta ng masasayang awitin, at sumasayaw; halimbawa, kapag may bagong hari, kapag nanalo sila sa digmaan, o kapag may mga kapistahan para sa pagsamba. (Huk. 11:34; 1 Sam. 18:​6, 7; 1 Hari 1:​39, 40) Kumakanta rin ang mga Israelita para ipakita ang kalungkutan nila kapag may namatay. (2 Cro. 35:25) “Talagang ang mga Hebreo ay isang bayan na mahilig sa musika,” ang sabi ng Cyclopedia nina McClintock at Strong.

Musika sa palasyo ng hari. Gustong-gusto ng mga hari ng Israel na makinig sa musika. Halimbawa, inatasan ni Haring Saul si David na tumugtog sa palasyo. (1 Sam. 16:​18, 23) At noong si David na ang hari, gumawa siya ng mga instrumento, kumatha ng magagandang awit, at bumuo ng orkestra na tumugtog sa templo ni Jehova. (2 Cro. 7:6; Amos 6:5) Noong si Solomon na ang hari, sinasabing may mga lalaki at babaeng mang-aawit sa palasyo.​—Ecles. 2:8.

Musika para sa pagsamba. Higit sa lahat, ginagamit ng mga Israelita ang musika para sambahin si Jehova. Ang totoo, sinasabi sa Bibliya na 4,000 ang manunugtog noon sa templo sa Jerusalem. (1 Cro. 23:5) Tumutugtog sila ng mga simbalo, instrumentong de-kuwerdas, alpa, at trumpeta. (2 Cro. 5:12) Pero hindi lang ang mahuhusay na manunugtog na ito ang gumamit ng musika para sambahin si Jehova. Lumilitaw na kinakanta ng maraming Israelita ang mga Awit ng Pag-akyat kapag naglalakbay sila papunta sa mga taunang kapistahan sa Jerusalem. (Awit 120-134) At ayon sa mga akdang Judio, inaawit ng mga Israelita ang mga Salmong Hallel a sa panahong kinakain ang hapunan ng Paskuwa.

Napakahalaga pa rin sa ngayon ng musika sa bayan ng Diyos. (Sant. 5:13) Bahagi pa rin ng pagsamba natin ang pag-awit kay Jehova. (Efe. 5:19) Napapalapit din tayo sa mga kapatid kapag kasama natin silang umaawit. (Col. 3:16) Kapag umaawit tayo o nakikinig ng musika tungkol kay Jehova, napapatibay tayo at nakakatulong ito para makayanan natin ang mga problema. (Gawa 16:25) Talaga ngang napakagandang paraan ang musika para ipakita ang pananampalataya at pagmamahal natin kay Jehova!

a Awit 113 hanggang 118 ang tinutukoy ng mga Israelita na mga Salmong Hallel, na inaawit nila para purihin si Jehova