Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Nang pasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, nasaan ang 70 alagad na isinugo niya noon para mangaral? Iniwan ba nila si Jesus?

Hindi natin dapat isipin na itinakwil sila ni Jesus o na iniwan nila siya kaya wala sila sa Hapunan ng Panginoon. Pinili lang talaga ni Jesus na makasama ang mga apostol niya sa pagkakataong iyon.

Kinikilala ni Jesus bilang mga alagad niya ang 12, pati na ang 70 iba pa. Noong umpisa, pumili si Jesus sa mga alagad niya ng 12 lalaki, na tinawag na mga apostol. (Luc. 6:​12-16) Nasa Galilea siya noon nang “[tawagin] niya ang 12 apostol” at ‘isugo sila para ipangaral ang Kaharian ng Diyos at magpagaling.’ (Luc. 9:​1-6) Pagkatapos, nang pumunta siya sa Judea, “nag-atas [siya] ng 70 iba pa at isinugo sila nang dala-dalawa.” (Luc. 9:51; 10:1) Kaya may mga alagad si Jesus sa iba’t ibang lugar na nangangaral tungkol sa kaniya.

Posibleng kasama ng mga Judio na naging alagad ni Jesus ang mga pamilya nila kapag ipinagdiriwang nila ang taunang Paskuwa. (Ex. 12:​6-11, 17-20) Nang malapit nang mamatay si Jesus, pumunta siya sa Jerusalem kasama ang mga apostol niya. Pero hindi niya ipinatawag ang lahat ng alagad niya, na nasa Judea, Galilea, at Perea, para sama-samang ipagdiwang ang Paskuwa. Maliwanag na gusto ni Jesus na mga apostol lang ang makasama niya sa pagkakataong ito. Sinabi niya: “Inaasam-asam ko ang sandaling ito na makasalo kayo sa hapunan para sa Paskuwa bago ako magdusa.”​—Luc. 22:15.

May dahilan si Jesus kung bakit niya ginawa iyan. Malapit na siyang mamatay bilang “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sangkatauhan.” (Juan 1:29) Mangyayari iyan sa Jerusalem kasi doon inihahandog ang mga hain sa Diyos. Ipinapaalala ng korderong pampaskuwa sa mga Israelita na pinalaya sila ni Jehova mula sa Ehipto. Pero higit pa diyan ang gagawin ng sakripisyo ni Jesus. Mapapalaya nito ang lahat ng tao sa kasalanan at kamatayan. (1 Cor. 5:​7, 8) Dahil sa sakripisyo ni Jesus, ang 12 apostol ay magiging bahagi ng pundasyon ng kongregasyong Kristiyano. (Efe. 2:​20-22) Kapansin-pansin, sinasabi rin na may “12 batong pundasyon” sa banal na lunsod na Jerusalem at makikita sa mga iyon ang “12 pangalan ng 12 apostol ng Kordero.” (Apoc. 21:​10-14) Maliwanag na may mahalagang papel na gagampanan ang tapat na mga apostol para matupad ang layunin ng Diyos. Kaya maiintindihan natin kung bakit gustong makasama ni Jesus ang tapat na mga apostol na ito sa huling Paskuwa at sa kasunod nito, ang Hapunan ng Panginoon.

Hindi kasama ni Jesus sa hapunang ito ang 70 at ang iba pang alagad. Pero makikinabang pa rin ang lahat ng alagad na iyon sa pinasimulan ni Jesus na Hapunan ng Panginoon kung mananatili silang tapat. Ang lahat ng alagad na naging pinahirang Kristiyano ay magiging bahagi ng tipan ng Kaharian na binanggit ni Jesus sa mga apostol noong gabing iyon.​—Luc. 22:​29, 30.