Hakbang 7
Magpakita ng Magandang Halimbawa
Bakit mahalaga ito? Nakapagtuturo ang iyong mga kilos. Ang mga salita ay karaniwan nang naghahatid lamang ng impormasyon. Halimbawa, baka sinasabi ng mga magulang sa kanilang mga anak na dapat silang maging magalang at huwag magsisinungaling. Pero kung bubulyawan ng mga magulang na ito ang isa’t isa o ang kanilang mga anak, at magsisinungaling para makaiwas sa mga obligasyon, itinuturo nilang ito ang dapat ikilos ng mga adulto. Ang pagtulad sa mga magulang ang “isa sa pinakamabisang paraan na natututo ang mga bata,” ang sabi ng awtor na si Dr. Sal Severe.
Ang hamon: Ang mga magulang ay hindi sakdal. “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos,” isinulat ni apostol Pablo. (Roma 3:23) Tungkol naman sa pagkontrol sa ating pagsasalita, sumulat ang alagad na si Santiago: “Ang dila, walang isa man sa sangkatauhan ang makapagpaamo nito.” (Santiago 3:8) Bukod diyan, karaniwan nang sinusubok ng mga anak na sagarin ang pasensiya ng kanilang magulang. “Hindi ko maubos-maisip kung bakit kayang-kaya akong galitin ng aking mga anak,” ang sabi ni Larry na may dalawang anak at karaniwan nang mahinahon at mapagtimpi.
Ang solusyon: Sikaping maging mabuting halimbawa—hindi ang maging sakdal. At gamitin ang iyong paminsan-minsang pagkukulang upang magturo ng magandang aral. “Kapag nagalit ako sa aking mga anak o nagkamali ako ng desisyon na nakaapekto sa kanila,” ang sabi ni Chris na may dalawang anak, “inaamin ko ang aking pagkakamali at humihingi ako ng tawad. Itinuturo nito sa aking mga anak na nagkakamali rin ang mga magulang at na kaming lahat ay dapat magsikap na pagbutihin ang aming paggawi.” Si Kostas, na naunang binanggit, ay nagsabi: “Nakita kong dahil humihingi ako ng tawad kapag nagagalit ako, natuto ang aking mga anak na mag-sorry din kapag nagkakamali sila.”
Sinabi ng Diyos na Jehova: “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Kapag ang sinasabi ng isang may awtoridad ay iba sa kaniyang ginagawa, naiinis ang mga bata na gaya ng matatanda, o baka mas nayayamot pa nga sila kaysa sa matatanda. Kung gayon, bakit hindi mo itanong ang mga ito sa iyong sarili sa pagtatapos ng bawat araw: Kung hindi man ako nagsalita sa maghapon, anong mga aral kaya ang natutuhan ng aking mga anak sa aking mga ikinilos? Ito rin ba ang mga aral na gusto kong sabihin sa aking mga anak?
[Blurb sa pahina 9]
“Ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili?”—Roma 2:21
[Mga larawan sa pahina 9]
Kapag humihingi ng tawad ang magulang, gagawin din ito ng anak