Makapagtitiwala Ka ba sa Payo ng Bibliya?
Makapagtitiwala Ka ba sa Payo ng Bibliya?
‘Dapat ko bang paniwalaan ang sinasabi ng taong ito sa akin?’ Baka itanong mo iyan sa iyong sarili kapag may ahenteng nagbebenta sa iyo ng segunda-manong sasakyan o may pulitikong nangangako sa mga tao habang nangangampanya. Hindi mo gustong sayangin ang iyong pera o panahon sa mga produkto at impormasyong hindi naman mahalaga.
BAKA mapag-isip-isip mo rin: ‘Mayroon ba akong matututuhang mahalaga sa Bibliya? Makikinabang ba ako kung babasahin ko at pag-aaralan ang aklat na iyon?’ Mababasa sa isang talata mismo sa Bibliya ang susi upang masagot ang mga tanong na iyan: “Ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng kaniyang gawa.” (Mateo 11:19, Magandang Balita Biblia) Oo, ang resulta ng pagsunod ng tao sa isang payo, o “karunungan,” ang magpapatunay kung ang payong iyon ay kapaki-pakinabang. Ang kasunod na mga pananalita ay mula sa mga taong gumugol ng panahon upang pag-aralan ang Bibliya. Ang kanilang sinabi ay tutulong sa iyo na magpasiya kung dapat mo bang basahin at pag-aralan ang natatanging aklat na iyon.
Mga Tanong Tungkol sa Kamatayan at sa Kabilang-Buhay
Ilang panahon na ang nakalilipas nang mamatay ang ina ni Karen. Mula pagkabata, naniniwala si Karen, taga-Estados Unidos, na aakyat sa langit ang mabubuting tao pagkamatay nila. Pero hindi nakaaliw sa kaniya ang paniniwalang iyon. Naisip niya: ‘Ano na kaya ang hitsura ni Inay ngayong nasa langit na siya? Paano ko siya makikita pagdating ko roon, kung doon ako mapupunta? Kapag namatay ako, mapupunta kaya ako sa ibang dako?’
Nagsimulang makipag-aral ng Bibliya si Karen sa mga Saksi ni Jehova. Natutuhan niya na ang mga patay ay wala sa langit kundi parang natutulog lamang nang mahimbing. “Sila ay walang anumang kabatiran,” ang binabanggit ng Eclesiastes 9:5. Pero makikita pa kaya niyang muli ang kaniyang ina?
Nagkaroon siya ng kaaliwan at pag-asa dahil sa maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong mamangha rito, sapagkat ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ni Kristo] at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Natutuhan ni Karen na ang mga patay ay muling bubuhayin dito sa lupa ng Diyos ng Bibliya sa pamamagitan ng Kaniyang Anak. “Talagang makatuwiran ang turo ng Bibliya tungkol sa kamatayan at pagkabuhay-muli,” ang sabi niya.
Aling Paraan ng Pagsamba ang Tama?
Noong 14 na taóng gulang si Angela, isang dalagita mula sa Romania, nagdasal ang isang ministro ng Pentecostal para makatanggap si Angela ng banal na espiritu, at nagsimula siyang magsalita ng ibang mga wika. Pero naisip ng mga magulang niya na hindi ayon sa Bibliya ang mga turo ng Pentecostal. Ang kaniyang pamilya ay hindi na nagsimba at nagsimula silang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova.
Dismayado man noong una, di-nagtagal ay nakita ni Angela ang kaibahan ng ginagawa ng dati niyang relihiyon sa itinuturo ng Bibliya. Halimbawa, nabasa niya ang Juan 17:3 na nagsasabi: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” Natanto ni Angela na kailangan munang matuto ang isa tungkol sa Diyos bago siya makatanggap ng pagsang-ayon Niya. “Paano ako nakatanggap ng espiritu ng Diyos noon gayong halos wala naman akong kaalam-alam tungkol sa kaniya?” ang tanong niya. Sinabi ni Angela, “Nagpapasalamat ako kay Jehova dahil tinulungan niya akong malaman sa pamamagitan ng kaniyang kinasihang Salita kung paano ko siya sasambahin sa tamang paraan.”
Payo na Nakapagpapabago ng Buhay
“Napakamainitin ng ulo ko,” ang sabi ni Gabriel, isang lalaking taga-India. “Kapag galit ako, naninigaw ako, naghahagis ng mga bagay-bagay at nananakit ng iba. Ang pag-aaral ng Bibliya ang tumulong sa akin na pigilin ang aking galit. Ngayon, kahit nakakagalit na ang situwasyon, mahinahon pa rin ako.”
Nabasa ni Gabriel ang mga tekstong gaya ng Kawikaan 16:32, na ganito ang sinasabi: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki, at siyang sumusupil sa kaniyang espiritu kaysa sa bumibihag ng lunsod.” Si Dhiraj, isa pang lalaki na dating magagalitin, ay nagkomento, “Ang teksto ring iyon ang tumulong sa akin na maunawaan na isa palang kahinaan ang pagiging magagalitin, samantalang ang pagpipigil sa sarili ay tanda ng kalakasan.”
Si Philip ay miyembro ng isang gang sa Timog Aprika. Bahagi na ng buhay niya ang pakikipagbasag-ulo, pagnanakaw, at pagmumura. Nakulong siya dahil sa mga krimeng nagawa niya. Pero sa kabila ng kaniyang paraan ng pamumuhay, gustung-gustong makilala ni Philip ang Diyos. Nang makipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, sumidhi ang kaniyang pagnanais na maglingkod sa Diyos at ipinasiya niyang magbago. Tumigil na siya sa kaniyang masasamang gawain at hindi na muling nakipag-ugnayan sa dati niyang mga kasamahan sa krimen. Anong mga katotohanan sa Bibliya ang nagpakilos sa kaniya na magbago?
Ipinakita sa kaniya ng mga Saksi ni Jehova ang mga pananalita ni Jesus sa Juan 6:44. Mababasa roon: “Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin.” Sinabi ni Philip, “May nakitang mabuti sa akin si Jehova at inakay niya ako sa kaniyang bayan, sa kamangha-manghang kapatirang ito.” Isinapuso rin ni Philip ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa awa ni Jehova sa mga nagsisising makasalanan. “Ang mga ulat na ito,” ang sabi niya, “ang tumulong sa akin na maunawaang makatuwiran si Jehova sa pakikitungo sa nagsisising di-sakdal na mga tao.”—2 Samuel 12:1-14; Awit 51.
Ang binatang Australianong si Wade ay isang lasenggo, adik, sugarol, at nagkaroon ng maraming kinakasama. Pero hindi siya naging maligaya. Isang araw, may nakausap siyang mga Saksi ni Jehova at tinanggap niya ang kanilang alok na walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ano ang natutuhan ni Wade?
“Talagang humanga ako sa pakikitungo ni Jesus sa mga tao,” ang sabi ni Wade. “Nagpakita siya ng kabaitan, habag, at pag-ibig sa lahat, pati na sa mga bata. Habang dumarami ang aking natututuhan, lalo kong ninanais na tularan siya. Tinuruan ako ng Bibliya kung paano maging tunay na lalaki at pasulungin ang aking personalidad.” Pero kumusta naman ang lahat ng masasamang ginawa niya noon? Ganito ang pagpapatuloy ni Wade: “Itinuro sa akin ng Bibliya na kung pagsisisihan ko ang aking mga kasalanan at babaguhin ang aking paggawi, patatawarin ako ng Mateo 5:5) Nilinis ni Wade ang kaniyang buhay at sinasamba niya si Jehova ngayon nang may malinis na budhi.
Diyos. Sa katunayan, maaari akong mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. Sa wakas, may kinabukasang naghihintay sa akin!” (Ang kababasa mong mga pananalita ay mula sa mga taong gustong mapabuti ang kanilang buhay. Sinuri nila ang Bibliya upang alamin kung makatutulong ang mga turo nito na malutas ang kanilang mga problema at masagot ang kanilang mga tanong. Dahil sa naranasan nilang magagandang resulta, nakumbinsi sila na maaari nilang pagtiwalaan ang praktikal na patnubay ng Bibliya. Magagawa mo rin iyon.
Ganito ang mababasa sa isang matagal nang kinasihang kapahayagan: “Maligaya ang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagtatamo ng kaunawaan, sapagkat ang pagkakamit nito bilang pakinabang ay mas mabuti kaysa sa pagkakamit ng pilak bilang pakinabang at ang pagkakamit nito bilang ani kaysa sa ginto. Ito ay mas mahalaga kaysa sa mga korales, at ang lahat ng iba pang kaluguran mo ay hindi maipapantay rito. Kahabaan ng mga araw ang nasa kanang kamay nito; sa kaliwang kamay nito ay may kayamanan at kaluwalhatian. Ang mga daan nito ay mga daan ng kaigayahan, at ang lahat ng landas nito ay kapayapaan. Ito ay punungkahoy ng buhay para sa mga tumatangan dito, at yaong mga nanghahawakan dito nang mahigpit ay tatawaging maligaya.”—Kawikaan 3:13-18.
[Kahon/Larawan sa pahina 25]
KUNG PAANO NATULUNGAN NG BIBLIYA ANG ISANG BILANGGO
Napakaligaya ng pag-aasawa ng lalaking si Bill. Pero bago ang unang taóng anibersaryo ng kanilang kasal, nakulong siya dahil sa kasalanang nagawa niya maraming taon na ang nakararaan.
Nang matanggap niyang hindi na siya malaya, nagpasiya si Bill na gawing makabuluhan ang kaniyang buhay habang nasa bilangguan. “Nagbabasa ako at nag-aaral ng Bibliya sa aking higaan,” ang sabi niya. Ikinapit din niya ang kaniyang mga natututuhan. “Mabait ako at palakaibigan sa aking mga kasamang bilanggo at napansin nilang ayaw kong gawin ang masasamang bagay na ginagawa nila. Ganito ang sinasabi nila tungkol sa akin: ‘Ginugugol ni Bill ang kaniyang panahon dito sa paraang gusto niya, para makilala ang Diyos at mag-aral ng Bibliya. Hindi siya magiging problema ng sinuman.’
“Dahil sa aking reputasyon, hindi ako isinasali ng ibang mga bilanggo sa mga away at gulo. Nakita ng mga guwardiya na hindi ako gagawa ng anumang problema. Kaya inirekomenda nilang bigyan ako ng trabahong maghihiwalay sa akin mula sa karamihan ng mga bilanggo nang halos buong maghapon. Naging malaking proteksiyon sa akin ang pagsunod sa Bibliya.”
Dumalo si Bill sa pulong ng mga Saksi ni Jehova na ginaganap sa bilangguan at masigla niyang ibinabahagi sa ibang mga bilanggo ang mga natututuhan niya. Samantalang nasa bilangguan, nabautismuhan siya bilang isang Saksi ni Jehova. Ganito ang sinabi niya habang ginugunita ang kaniyang nakaraan: “Sinayang ko ang halos 50 taon ng aking buhay, at gusto kong makabawi. Kumbinsido ako na magagawa lamang iyon ng isang bilanggo kung susundin niya ang mga turo ng Bibliya. At matututuhan mo kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya sa pamamagitan ng pakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Iyan ang tanging relihiyon na nagtuturo ng katotohanan ng Bibliya. Ganiyan lang kasimple ’yan.”
Ngayon, malaya na si Bill at masigasig na naglilingkod sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos. Siya at ang kaniyang asawa ay patuloy na nag-aaral ng Salita ng Diyos at namumuhay ayon sa mga turo nito. Totoong-totoo sa kanila ang binabanggit sa Isaias 48:17, 18: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung magbibigay-pansin ka lamang sana sa aking mga utos! Ang iyong kapayapaan nga ay magiging gaya ng ilog, at ang iyong katuwiran ay magiging gaya ng mga alon sa dagat.”
[Larawan sa pahina 23]
Karen, E.U.A.
[Larawan sa pahina 23]
Angela, Romania
[Larawan sa pahina 24]
Dhiraj, India
[Larawan sa pahina 24]
Gabriel, India
[Larawan sa pahina 24, 25]
Si Philip at ang kaniyang pamilya, Timog Aprika
[Larawan sa pahina 24]
Wade, Australia