Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mont Blanc—Ang “Tuktok” ng Europa

Mont Blanc—Ang “Tuktok” ng Europa

Mont Blanc​—Ang “Tuktok” ng Europa

BATA pa lang ang naturalistang taga-Switzerland na si Horace-Bénédict de Saussure (1740-1799), manghang-mangha na siya sa pagkalaki-laking kabundukan na kilala ngayon bilang Mont Blanc, ang higante ng Alps. Alam niyang napakahirap nitong akyatin, kaya nag-alok siya ng gantimpala sa unang makakarating sa taluktok nito na may taas na 4,807 metro. Taóng 1741 nang unang tangkaing akyatin sa sistematikong paraan ang taluktok nito. Pero noon lamang Agosto 1786 narating ng dalawang taga-Chamonix, Pransiya​—sina Jacques Balmat, isang minero ng kristal, at Michel-Gabriel Paccard, isang doktor​—ang mismong taluktok ng Mont Blanc. Nang sumunod na taon, pinangunahan ni Saussure ang isang grupo ng mga siyentipiko sa pag-akyat sa “tuktok” ng Europa, at noong 1788 naakyat niya ang Col du Géant, at nanatili roon nang 17 araw. Ang mga ito ang kauna-unahang rekord ng matagumpay na pag-akyat ng bundok bilang isport.

Noong 1855, inakyat ng isang grupo sa pangunguna ng mga giyang Italyano ang isa pang bahagi ng Mont Blanc. Mas mahirap itong akyatin. Pagkalipas lamang ng siyam na taon, naakyat ang taluktok mula sa bahagi ng Italya. Ang unang matatapang na umakyat sa taluktok ng Mont Blanc ay walang makabagong kagamitan. Baston lang na may bakal sa dulo ang gamit nila. Noon, “ang pag-akyat sa taluktok ng bundok, mula sa paanan nito nang walang ideya kung saan daraan, ay nangangailangan ng lakas ng loob at tatag ng katawan na tila hindi pangkaraniwan para sa mga umaakyat ng bundok sa ngayon,” ang sabi ng heograpong si Giotto Dainelli. Ngayon, ilang beses nang naakyat maging ang mga bahagi ng bundok na mahirap marating.

Bagaman nasa pusod ng Europa, napakatagal na panahong hindi naaakyat ang Mont Blanc. Sa katunayan, ang kauna-unahang dokumento na bumabanggit sa bundok ay naisulat noon lamang 1088 C.E. Sa isang mapa na pag-aari ng mga mongheng Benedictine sa Chamonix, tinatawag itong rupes alba, na nangangahulugang “puting bundok.” Pero sa loob ng maraming siglo, Isinumpang Bundok ang tawag dito ng mga tagaroon dahil sa mga demonyo at dragon na diumano’y naninirahan doon. Lumilitaw na ang pangalang Mont Blanc ay unang nakita sa isang drowing noong 1744, isang pahiwatig na malapit nang maglaho ang nakakatakot na reputasyon nito.

Mont Blanc Mula sa Malayo

Makikita mo lang ang kabuuan ng Mont Blanc kapag nasa eroplano ka. Sumasaklaw ito nang mga 600 kilometro kuwadrado at may tagaytay na 50 kilometro ang haba​—na siyang nagsisilbing hanggahan ng Italya, Pransiya, at Switzerland​—at ang ilang taluktok nito ay mahigit 4,000 metro ang taas. Ang kabundukang ito ay binubuo ng mga crystalline schist at granito, na nabuo sa ilalim ng lupa. Para sa mga heologo, bata pa ang bundok na ito​—350 milyong taóng gulang “lamang” ito. Dahil sa hangin at glacier, nagbago na ang anyo nito. Mayroon itong mga bitak, uka, at mga taluktok na ubod nang ganda at gustung-gusto ng mga mahilig umakyat ng bundok.

Mont Blanc sa Malapitán

Puwede rin namang makita sa malapitán ng mga hindi eksperto sa pag-akyat ng bundok ang Mont Blanc. Kailangan lang nilang sumakay sa cable car na sinimulang gamitin noong 1958. Ang pinakamataas na bahaging nararating ng cable car ay ang Aiguille du Midi, na 3,842 metro ang taas sa kapantayan ng dagat. Mula roon, kitang-kita ang napakagandang tanawin ng Chamonix Valley sa ibaba.

Sa ngayon, kung topograpiya ang pag-uusapan, wala nang maitatago ang Mont Blanc. Hindi ka magsasawang pagmasdan ang ganda ng bundok lalo na kapag bukang-liwayway at takipsilim. Kapag tumatama ang sinag ng araw sa malamig at batong “tuktok” ng Europa, pumupula ito at tila naglalagablab ang mga granito.

[Kahon/Larawan sa pahina 23]

Tunel ng Mont Blanc​—Nagkatotoong Ilusyon

“May nakikita akong dalawang libis na iisa ang wikang ginagamit at iisang lahi ang nakatira. Darating ang panahon, isang haywey ang gagawin sa ilalim ng Mont Blanc at pagdurugtungin ang dalawang libis.” Pagkalipas ng dalawang siglo, natupad ang ilusyong iyan ni Horace-Bénédict de Saussure. Noong 1814, ang unang kahilingan ay isinumite sa hari ng Piedmont-Sardinia; pero nagsimula lang ang paggawa ng tunel noong 1959 at natapos noong 1965. * Ang haba ng tunel ay 11.6 kilometro​—mula sa bahagi ng Italya na 1,381 metro ang taas hanggang sa bahagi ng Pransiya na may taas na 1,274 na metro.

Noong Marso 24, 1999, isang malaking trahedya ang naganap sa loob ng tunel. Isang trak ang nasunog. Umabot nang 1,000 digri Celsius ang temperatura, anupat maraming sasakyan ang natupok. Tatlumpu’t siyam ang nahirapang huminga at namatay, at mga 30 naman ang nasugatan. Matapos ang isang-taóng imbestigasyon, nagsimula ang pagkukumpuni sa tunel. Noong Hunyo 25, 2002, nabuksang muli ang tunel sa kabila ng protesta ng mga residente at mga environmentalist na nagsasabing nagdudulot ng polusyon ang maraming sasakyang dumaraan doon. Kamakailan, 132,474 na sasakyan ang dumaan sa tunel sa loob lang ng apat na buwan.

[Talababa]

^ par. 12 Para sa detalye, tingnan ang Awake!, isyu ng Pebrero 8, 1963, pahina 16-19.

[Larawan]

Monumento ni H. B. de Saussure sa Chamonix, Pransiya

[Credit Line]

Library of Congress, Prints & Photographs Division, Photochrom Collection, LC-DIG-ppmsc-04985

[Kahon/Larawan sa pahina 24, 25]

PAGLALAKAD SA PALIBOT NG “HIGANTE”

Bagaman teritoryo ng mga eksperto sa pag-akyat ng bundok ang kabundukan ng Mont Blanc, puwede ring mapagmasdan ng mga hindi umaakyat ng bundok ang ganda nito sa pamamagitan ng paglalakbay sa palibot nito. Karaniwan na, ang pinakamagandang mga litrato ng bundok ay kuha, hindi mula sa taluktok nito, kundi mula sa malayo. Napakaraming inilaang lugar sa palibot ng Mont Blanc na nagbibigay ng makapigil-hiningang tanawin. Malalakad ng mga mahilig sa kalikasan at matitibay ang tuhod ang palibot nito na inaabot nang 130 kilometro. Ang tinatawag na Mont Blanc Tour ay nagdurugtong sa ilan sa mga inilaang lugar na iyon. Sa paikot na rutang ito, makakarating ka sa Pransiya, Italya, at Switzerland. Ang paglalakbay ay binubuo ng sampung yugto, na aabot nang tatlo hanggang pitong oras bawat araw. Para sa mga kulang sa panahon, puwede nilang libutin ang isa sa maraming bundok na nakapalibot sa “higante.”

[Larawan]

Ang Aiguille du Midi ang pinakamataas na bahaging nararating ng cable car

[Credit Line]

Courtesy Michel Caplain; http://geo.hmg.inpg.fr/mto/jpegs/020726/L/12.jpg

[Mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PRANSIYA

SWITZERLAND

ITALYA

Mont Blanc

[Larawan sa pahina 22]

Inakyat ni Saussure ang Mont Blanc noong 1787 (isang pagsasalarawan)

[Credit Line]

© The Bridgeman Art Library International

[Larawan sa pahina 23]

Mont Blanc