Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Daigdig na Walang Relihiyon—Mas Mabuti Nga Ba?

Isang Daigdig na Walang Relihiyon—Mas Mabuti Nga Ba?

Isang Daigdig na Walang Relihiyon​—Mas Mabuti Nga Ba?

PINAPANGARAP ng mga bagong ateista ang isang daigdig na walang relihiyon​—walang suicide bomber, digmaan dahil sa relihiyon, at sakim na pastor o ebanghelisador sa TV na nangungurakot sa kanilang kawan. Gusto mo rin ba iyon?

Bago sumagot, tanungin ang sarili, ‘May katibayan ba na bubuti ang kalagayan ng daigdig kung ang lahat ng tao ay hindi naniniwala sa Diyos?’ Pag-isipan ito: Halos 1.5 milyong Cambodian ang namatay habang itinatatag ng kilusang Khmer Rouge ang estadong ateistiko na Marxist. Sa USSR, isang ateistikong bansa, sampu-sampung milyon katao ang namatay sa pamamahala ni Joseph Stalin. Totoo, ang gayong kasamaan ay hindi lang dahil sa ateismo. Pero ipinakikita nito na hindi garantiya ng kapayapaan at pagkakaisa ang ateismo.

Marami ang sasang-ayon na ang relihiyon ay ugat ng labis na pagdurusa ng tao. Pero maisisisi ba ito sa Diyos? Hindi! Wala siyang kasalanan, kung paanong walang kasalanan ang gumawa ng kotse sa isang aksidente dahil gumamit ng cellphone ang drayber nito. Bukod sa mga paniniwala ng tao, mayroon pang mas malalim na sanhi ang pagdurusa. Ayon sa Bibliya, ito ay ang likas na di-kasakdalan. “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Ang di-kasakdalan ay umaakay sa pagiging makasarili, pagmamapuri sa sarili, paghahangad na masunod kung ano ang gusto ng isa, at karahasan. (Genesis 8:21) Dahil din dito, nagmamatuwid ang mga tao at pinipili ang mga paniniwalang kumukunsinti sa mali. (Roma 1:24-27) Tama ang sinabi ni Jesu-Kristo: “Mula sa puso ay nanggagaling ang mga balakyot na pangangatuwiran, mga pagpaslang, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga bulaang patotoo, mga pamumusong.”​—Mateo 15:19.

Isang Malaking Pagkakaiba

Mahalaga kung gayon na makita ang pagkakaiba ng tunay na pagsamba​—pagsamba na kalugud-lugod sa Diyos​—at ng huwad na pagsamba. Matutulungan ng tunay na pagsamba ang mga tao na labanan ang likas na di-kasakdalan. Itataguyod nito ang mapagsakripisyong pag-ibig, kapayapaan, kabaitan, kabutihan, kahinahunan, pagpipigil sa sarili, katapatan sa asawa, at paggalang sa kapuwa. (Galacia 5:22, 23) Samantala, makikita sa huwad na relihiyon ang pagsunod sa gusto ng nakararami​—‘kinikiliti ang kanilang mga tainga,’ gaya ng sinasabi ng Bibliya​—sa pamamagitan ng pagkunsinti sa masasamang bagay na kinondena ni Jesus.​—2 Timoteo 4:3.

Posible kayang makadagdag pa ang ateismo sa gayong kalituhan sa kung ano ang tama at mali? Kung ‘walang Diyos,’ hindi natin kailangang managot sa Kataas-taasan, at “wala ring mga pamantayan na kailangang sundin,” ang sabi ng propesor sa batas na si Phillip Johnson. Kaya depende sa bawat tao kung ano ang pamantayang moral na susundin niya​—kung gusto man niyang magkaroon ng anumang pamantayan. Tiyak na isa ito sa mga dahilan kung bakit lalong nagkakainteres ang ilang tao sa ateismo.​—Awit 14:1.

Gayunman, ang totoo, hindi hahayaan ng Diyos na magpatuloy ang ateistiko o relihiyosong kasinungalingan at ang mga sumusuporta rito. * Nangangako ang Diyos: “Ang mga matuwid [sa moral at espirituwal] ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.” (Kawikaan 2:21, 22) Ang resulta nito ay isang bagay na hindi kayang abutin ng tao, ng anumang pilosopiya, at ng anumang institusyon​—kapayapaan at kaligayahan sa buong daigdig.​—Isaias 11:9.

[Talababa]

^ par. 8 Mababasa sa kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova ang isang makatuwirang paliwanag sa Bibliya tungkol sa pansamantalang pagpapahintulot ng Diyos sa kasamaan at pagdurusa.

[Kahon sa pahina 6]

ANG PANGMALAS NG DIYOS SA KASAMAAN NG RELIHIYON

Ang lupaing ibinigay sa sinaunang Israel ay tirahan ng mga Canaanita, mga taong imoral ang pamumuhay​—kabilang sa ginagawa nila ang insesto, sodomiya, at bestiyalidad​—at may mga ritwal sa paghahandog ng anak. (Levitico 18:2-27) Sinabi sa aklat na Archaeology and the Old Testament na may nahukay na “mga bunton ng abo at labí ng mga kalansay ng mga sanggol sa mga sementeryo sa palibot ng mga altar ng mga pagano, na nagpapahiwatig na laganap noon ang [paghahandog ng anak].” Ayon naman sa isang aklat tungkol sa Bibliya, sinasamba ng mga Canaanita ang kanilang mga diyos sa pamamagitan ng pagpapakasasa sa sekso at paghahandog ng kanilang panganay na anak sa mga diyos ding iyon. Idinagdag pa nito: “Nagtataka nga ang mga arkeologong naghukay sa mga kagibaan ng mga lunsod sa Canaan kung bakit hindi sila agad nilipol ng Diyos.”

Ang paglipol ng Diyos sa mga Canaanita ay isang seryosong babala sa atin sa ngayon na hindi niya pahihintulutang magpatuloy ang paggamit sa pangalan niya sa kasamaan. “Nagtakda [ang Diyos] ng isang araw kung kailan nilalayon niyang hatulan ang tinatahanang lupa ayon sa katuwiran,” ang sabi sa Gawa 17:31.

[Mga larawan sa pahina 7]

Kapuwa ang mga may relihiyon at walang relihiyon ay nakagawa ng matinding kasamaan

Pagsuporta ng Simbahan kay Hitler

Bungo ng mga biktima ng Khmer Rouge, Cambodia

[Credit Line]

AP Photo