Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Napatunayan ba ng Siyensiya na Walang Diyos?

Napatunayan ba ng Siyensiya na Walang Diyos?

Napatunayan ba ng Siyensiya na Walang Diyos?

SA LOOB ng limang dekada, mataas ang tingin ng mga kasamahan ng Britanong pilosopo na si Antony Flew sa kaniya bilang isang ateista. Ang journal niya na “Teolohiya at Palsipikasyon” noong 1950, ang “pinakamaraming ulit na naimprentang publikasyon tungkol sa pilosopiya nitong [ika-20] siglo.” Noong 1986, tinawag si Flew na “pinakamatalino sa mga makabagong kritiko ng teismo” (paniniwala sa Diyos o mga diyos). Kaya marami ang gulat na gulat noong 2004 nang sabihin ni Flew na nagbago ang kaniyang paniniwala.

Bakit nagbago ng paniniwala si Flew? Sa maikli, dahil sa siyensiya. Nakumbinsi siya na ang uniberso, mga batas ng kalikasan, at ang buhay mismo ay hindi maaaring basta nagkataon lang. Makatuwiran ba ang konklusyong ito?

Paano Nagkaroon ng mga Batas ng Kalikasan?

Sinabi ng pisiko at awtor na si Paul Davies na napakahusay ng siyensiya sa pagpapaliwanag ng mga nangyayari sa kalikasan gaya ng ulan. Pero ang sabi niya: “Kung tungkol sa . . . mga tanong na gaya ng ‘Bakit may mga batas ng kalikasan?,’ ang sagot ay hindi gaanong malinaw. Hindi masagot ng mga tuklas sa siyensiya ang mga ganitong tanong: marami sa malalalim na tanong sa simula pa lang ng sibilisasyon ay gumugulo pa rin sa ating isip hanggang sa ngayon.”

“Ang mahalaga ay hindi ang basta pagkakaroon ng batas sa kalikasan,” ang isinulat ni Flew noong 2007, “kundi ang mga batas na ito ay unibersal, ‘magkakaugnay,’ at may tumpak na matematikal na pormula. Tinawag ito ni Einstein na ‘pisikal na katibayan ng karunungan.’ Ang dapat nating itanong ay kung paano naging ganito ang ayos ng kalikasan. Tiyak na ito ang naitanong ng mga siyentipiko mula kay Newton, kay Einstein, at hanggang kay Heisenberg​—at nasagot nila. Ang sagot nila ay Karunungan ng Diyos.”

Oo, maraming iginagalang na mga siyentipiko ang nag-iisip na kaayon ng siyensiya ang maniwala sa matalinong Pinagmulan. Sa katunayan, mahirap isiping nagkataon lang ang pag-iral ng uniberso, ang mga batas nito, at ang buhay. Alam natin na may nagdisenyo sa anumang gadyet​—lalo pa nga sa mga napakasopistikado.

Aling Pananampalataya ang Pipiliin Mo?

Gustong ipamarali ng mga bagong ateista na ang siyensiya ang basehan ng kanilang paniniwala. Pero ang totoo, kapuwa ang ateismo at teismo ay hindi lubusang nakasalig sa siyensiya. Pareho nitong kailangan ng pananampalataya​—ateismo na nakasalig sa pananampalatayang nagkataon lang ang pag-iral ng buhay; teismo sa isang matalinong Pinagmulan. Itinataguyod ng mga bagong ateista na “ang pananampalataya ng lahat ng relihiyon ay bulag na pananampalataya,” ang isinulat ni John Lennox, propesor ng matematika sa University of Oxford sa Inglatera. Sinabi pa niya: “Kailangan nating ipagdiinang mali sila.” Kaya ang tanong: Aling pananampalataya ang mapatutunayang tama​—ang sa mga ateista o ang sa mga relihiyoso? Halimbawa, isaalang-alang ang pinagmulan ng buhay.

Sinasabi agad ng mga ebolusyonista na nananatiling misteryo ang pinagmulan ng buhay​—bagaman maraming nagkakasalungatang teoriya tungkol dito. Sinasabi ni Richard Dawkins, isang kilalang bagong ateista, na sa napakaraming planetang posibleng umiiral sa uniberso, tiyak na lilitaw ang buhay saanman. Pero hindi sigurado rito ang maraming iginagalang na siyentipiko. Sinabi ng propesor sa Cambridge na si John Barrow na “walang patutunguhan ang paniniwala na ang buhay at pag-iisip ay bunga ng ebolusyon. Napakaraming dahilan para maniwalang ang buhay ay imposibleng lumitaw na lang basta sa isang masalimuot at magulong kapaligiran. Isang kayabangan na sabihing kapag may sapat na karbon at panahon, lahat ng bagay ay posibleng lumitaw.”

Tandaan din na ang buhay ay hindi basta pinagsama-samang kemikal na mga elemento. Sa halip, nakabatay ito sa isang napakasalimuot na impormasyon na naka-encode sa DNA. Kaya kapag pinag-uusapan ang pinagmulan ng buhay, pinag-uusapan din ang pinagmulan ng biyolohikal na impormasyon. Saan lang puwedeng manggaling ang alam nating impormasyon? Sa isang salita, sa karunungan. Masasabi bang tsamba lang ang masasalimuot na impormasyong gaya ng isang programa sa computer, pormula sa algebra, ensayklopidiya, o maging resipi ng isang cake? Siyempre hindi. Kung gayon, lalong imposibleng tsamba lang ang husay at pagiging sopistikado ng impormasyong nasa genes ng mga buhay na organismo.

Nagkataon Lang​—Kaayon ba ng Siyensiya?

Ayon sa mga ateista, “ang uniberso ay kung ano ito, misteryoso, at nagkataon lang na lumitaw rito ang buhay,” ang paliwanag ni Paul Davies. “Kung hindi gayon, wala tayo rito at hindi natin ito mapag-uusapan,” ang sabi ng mga ateista. “Magkakaugnay man o hindi ang mga batas sa uniberso, wala pa rin itong disenyo, layunin, o kahulugan na maiintindihan natin.” “Ang maganda sa paniniwalang ito,” ang sabi ni Davies, “ay napakadali nitong ipagtanggol o lusutan.” Kaya madali nang iwasan ang isyu.

Sinabi ng molecular biologist na si Michael Denton sa kaniyang aklat na Evolution: A Theory in Crisis na ang teoriya ng ebolusyon ay “mas maitutulad sa astrolohiya noong Edad Medya, kaysa isang seryosong . . . teoriya ng siyensiya.” Sinabi rin niya na ang turo ng ebolusyon ni Darwin ay isa sa pinakamatinding kathang-isip sa ating panahon.

Maliwanag na kathang-isip lang ang teoriya na nagkataon lang ang pag-iral ng lahat ng bagay. Pag-isipan ito: Ipagpalagay na may nahukay ang isang arkeologo na isang magaspang na bato na halos hugis parisukat. Puwede niyang sabihing nagkataon lang ang hugis nito, na maaaring makatuwiran naman. Pero nang makahukay siya ng isang bato na eksaktong hugis ng ulo at balikat ng isang tao at makikita kahit ang kaliit-liitang detalye, sasabihin ba niyang nagkataon lang ito? Hindi. Sasabihin ng kaniyang sentido kumon na, ‘May gumawa nito.’ Kaayon ng pangangatuwirang ito, sinasabi ng Bibliya: “Bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Hebreo 3:4) Sang-ayon ka ba?

“Habang nadaragdagan ang alam natin tungkol sa uniberso,” ang isinulat ni Lennox, “lalong tumitibay ang teoriya na may isang Diyos na lumalang, na nagdisenyo ng uniberso nang may layunin, anupat mas nagiging katanggap-tanggap ito bilang pinakamahusay na paliwanag kung bakit tayo narito.”

Nakalulungkot na isa sa nagpapahina sa paniniwala sa Diyos ay ang paggamit ng pangalan niya sa paggawa ng masama. Kaya iniisip ng ilan na bubuti ang kalagayan ng daigdig kung walang relihiyon. Ano sa palagay mo?