Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Sa 95.2 milyong tonelada ng mga nahuhuli sa dagat taun-taon, mga 38.5 milyon ang hindi kailangan. “Kung 40 porsiyento ng mga nahuhuli sa dagat ay ituturing na basura, hindi na dadami ang mga isda,” ang sabi ni Karoline Schacht na isang eksperto sa pangingisda ng World Wildlife Fund.—BERLINER MORGENPOST, ALEMANYA.
“Ang mga baka, tupa, at kambing ay parang mga inosenteng biktima lang ng mga taong mahilig sa karne, pero . . . sa buong daigdig, 18 porsiyento ng greenhouse gas sa atmospera [pangunahin nang methane] ay galing sa dighay ng mga ito—mas marami pa kaysa sa pinagsama-samang ibinubuga ng lahat ng uri ng sasakyan.”—NEW SCIENTIST, BRITANYA.
Sinauna at Napakatibay na Pandikit
Nadiskubre ng mga siyentipiko sa KwaZulu-Natal sa Timog Aprika ang isang napakatibay na pandikit na ginawa libu-libong taon na ang nakalipas. “Ang pandikit ay kasintibay ng nabibili sa mga hardware ngayon,” ang sabi ng diyaryong The Star sa Johannesburg. Sinasabing ginamit ng sinaunang mga mangangaso ang pandikit para ikabit ang ulo ng pana o sibat sa hawakan nito. Nahirapan ang mga siyentipiko na gayahin ang pormula nito—gamit ang mapulang bakal, taba ng hayop, acacia gum, at buhangin—pati ang temperaturang kailangan para matuyo ito sa apoy. Kaya naman, “saludo” sila sa mga gumawa ng pandikit na ito.
Mas Kaunti ang Tulog, Mas Sípunin
“Ang mga taong natutulog nang wala pang pitong oras sa gabi ay halos tatlong beses na mas malamang na sipunín kaysa sa nakakatulog nang may average na walong oras o higit pa,” ang sabi ng isang ulat mula sa Carnegie Mellon University, sa Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A. At ang mga taong hindi nakakatulog “nang 8 porsiyento ng panahong nakahiga sila sa kama ay lima at kalahating beses na malamang” na sipunín kaysa sa mga mahimbing matulog. “Marami ang nakaaalam ng epekto ng pagtulog sa imyunidad. Pero ito ang unang ebidensiya na kahit ang kaunting istorbo sa pagtulog ay makaaapekto sa kakayahan ng katawan na labanan ang mga virus na sanhi ng sipon,” ang sabi ni Sheldon Cohen, ang punong awtor ng pag-aaral. “Dahilan din ito kung bakit dapat ayusin ng isa ang kaniyang iskedyul para kumpleto ang tulog niya sa gabi.”
Maraming Bagong Taniman
“May sapat na lugar sa daigdig na mapagtatamnan ng pagkain para sa lumalaking populasyon ng tao,” ang sabi ng magasing New Scientist. “At di-tulad ng inaasahan, karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa Aprika.” Binanggit sa magasin ang isang ulat tungkol sa agrikultura na inilathala ng Organization for Economic Cooperation and Development at ng United Nations Food and Agriculture Organization. Ayon sa ulat, ang lupa na ginagamit ngayon para sa agrikultura ay maaaring maging higit pa sa doble. “Mahigit sa kalahati ng karagdagang lupa na magagamit ay matatagpuan sa Aprika at Latin Amerika,” ang sabi ng ulat.