Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong

Sino ba Ako Talaga?

Sino ba Ako Talaga?

Nakita ni Michael na papalapit si Brad kaya kinabahan na siya sa mangyayari. “Mikey, subukan mo ’to!” ang sabi ni Brad. May iniabot si Brad, at nakita ni Michael ang inaasahan niyang makita​—isang stick ng marijuana. Ayaw niyang tanggapin iyon, pero ayaw din niyang magmukhang killjoy. “Ahh . . . siguro next time na lang. Okey lang ba?” ang malumanay na sagot ni Michael.

Nakita ni Jessica na papalapit si Brad, at handa siya sa mangyayari. “Jess, subukan mo ’to!” ang sabi ni Brad. May iniabot si Brad, at nakita ni Jessica ang inaasahan niyang makita​—isang stick ng marijuana. “Hindi, ayoko,” ang matatag na sagot ni Jessica. “Gusto ko pang mabuhay nang matagal. At saka akala ko, alam mong masama iyan sa katawan!”

SA MGA eksenang ito, bakit mas madaling napaglabanan ni Jessica ang panggigipit? Dahil mayroon siyang isang bagay na wala si Michael. Alam mo ba kung ano iyon? Identity. Hindi ito ID na may pangalan at larawan. Ito ay ang pagkaalam kung sino ka talaga at kung anong mga prinsipyo ang pinaninindigan mo. Kung alam mo ang mga ito, makatatanggi ka sa tukso na gumawa ng mali anupat ikaw ang kokontrol sa buhay mo sa halip na hayaang iba ang kumontrol nito. Paano ka magkakaroon ng gayong paninindigan? Makatutulong ang pagsagot sa sumusunod na mga tanong.

1 ANO ANG MAGAGANDANG KATANGIAN KO?

Kung bakit ito dapat bigyang-pansin: Kung alam mo ang iyong mga kakayahan at magagandang katangian, magkakaroon ka ng pagtitiwala sa sarili.

Pag-isipan: Iba-iba ang talento at kakayahan ng mga tao. Halimbawa, ang ilan ay mahusay sa sining o musika, at ang iba naman ay magaling sa isport. Si Raquel ay magaling magkumpuni ng kotse. * “Noong mga 15 anyos ako,” ang sabi niya, “naisip ko na gusto kong maging mekaniko.”

Halimbawa sa Bibliya: Sumulat si apostol Pablo: “Kung ako man ay di-bihasa sa pananalita, tiyak namang hindi ako gayon sa kaalaman.” (2 Corinto 11:6) Dahil sa kaniyang malalim na kaalaman sa Kasulatan, nakapanindigan si Pablo sa harap ng mga sumasalansang. Hindi nakapagpahina ng loob niya ang kanilang negatibong saloobin.​—2 Corinto 10:10; 11:5.

Suriin ang sarili. Isulat sa ibaba ang isang talento o kakayahan mo.

․․․․․

Ilarawan naman ang isang magandang katangian mo. (Halimbawa, ikaw ba ay mapagmalasakit? bukas-palad? maaasahan? laging nasa oras?)

․․․․․

“Sinisikap kong makatulong sa mga tao. Kung kailangan ng isa ng makakausap at busy ako, ihihinto ko ang ginagawa ko at pakikinggan ko siya.”​—Brianne.

Kung wala kang matukoy na magandang katangian mo, mag-isip ng isang bagay na napasulong mo mula noong bata ka pa at isulat ito sa ibaba.​—Halimbawa, tingnan ang kahong  “Ang Sinasabi ng Ibang Kabataan.”

․․․․․

2 ANO ANG MGA KAHINAAN KO?

Kung bakit ito dapat bigyang-pansin: Kung paanong ang kadena ay malamang na maputol sa pinakamahinang bahagi nito, puwede ring masira ang identity mo kung padaraig ka sa mga kahinaan mo.

Pag-isipan: Walang taong perpekto. (Roma 3:23) Ang bawat isa ay may ilang ugali na gusto nilang mabago. “Bakit kaya nagpapaapekto ako sa mga walang kakuwenta-kuwentang bagay?” ang tanong ni Seija. “Wala namang kabagay-bagay, ikinaiinis ko na, at hindi ko na makontrol ang emosyon ko!”

Halimbawa sa Bibliya: Alam ni Pablo ang mga kahinaan niya. Sumulat siya: “Tunay ngang nalulugod ako sa kautusan ng Diyos ayon sa aking pagkatao sa loob, ngunit nakikita ko sa aking mga sangkap ang isa pang kautusan na nakikipagdigma laban sa kautusan ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa kautusan ng kasalanan.”​—Roma 7:22, 23.

Suriin ang sarili. Anong kahinaan ang kailangan mong kontrolin?

․․․․․

“Napansin ko na pagkatapos kong manood ng mga love story, medyo nalulungkot ako at gusto ko ring ma-in love. Kaya ngayon alam ko nang dapat akong mag-ingat sa ganoong klase ng panoorin.”​—Bridget.

3 ANO ANG MGA TUNGUHIN KO?

Kung bakit ito dapat bigyang-pansin: Kung may mga tunguhin ka, may direksiyon at layunin ang buhay mo. Malamang na iiwasan mo rin ang mga tao at sitwasyon na makahahadlang sa mga plano mo.

Pag-isipan: Sasakay ka ba ng taxi at sasabihin sa drayber na magpaikut-ikot lang hanggang sa maubusan siya ng gasolina? Kahangalan iyan​—at magastos pa! Makatutulong ang mga tunguhin para magkaroon ng direksiyon ang buhay mo​—mayroon kang tiyak na destinasyon at plano kung paano makararating doon.

Halimbawa sa Bibliya: Sumulat si Pablo: “Ang paraan ng aking pagtakbo ay hindi walang katiyakan.” (1 Corinto 9:26) Sa halip na magpatangay lang sa agos, nagtakda si Pablo ng mga tunguhin at namuhay ayon doon.​—Filipos 3:12-14.

Suriin ang sarili. Isulat sa ibaba ang tatlong tunguhin na gusto mong maabot hanggang sa susunod na taon.

  1. ․․․․․

  2. ․․․․․

  3. ․․․․․

Ngayon, piliin ang tunguhin na pinakamahalaga sa iyo, at isulat kung ano ang magagawa mo ngayon para maabot iyon.

․․․․․

“Kung hindi ako magiging busy, walang mangyayari sa buhay ko. Mas maganda kung may tunguhin at sikaping maabot iyon.”​—José.

4 ANO ANG MGA PANINIWALA KO?

Kung bakit ito dapat bigyang-pansin: Kung wala kang paninindigan sa mga paniniwala mo, madali kang matatangay ng agos. Gaya ng isang hunyango, mag-iiba-iba ka ng kulay para mapatulad sa mga kasamahan mo​—isang malinaw na indikasyon na wala kang sariling identity.

Pag-isipan: Hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na ‘patunayan sa kanilang sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.’ (Roma 12:2) Kapag kumikilos ka ayon sa pinaniniwalaan mo, nagiging tapat ka sa sarili mo​—anuman ang ginagawa ng iba.

Halimbawa sa Bibliya: Noong tin-edyer pa si propeta Daniel, ‘ipinasiya niya sa kaniyang puso’ na susundin niya ang mga kautusan ng Diyos, kahit napawalay siya sa kaniyang pamilya at mga kapuwa mananamba. (Daniel 1:8) Sa paggawa nito, naging tapat siya sa sarili niya. Namuhay si Daniel ayon sa kaniyang mga paniniwala.

Suriin ang sarili. Ano ang mga paniniwala mo? Halimbawa:

  • Naniniwala ka ba sa Diyos? Kung oo, bakit? Ano ang nakakumbinsi sa iyo na talagang may Diyos?

  • Naniniwala ka ba na para sa kabutihan mo ang mga pamantayang moral ng Diyos? Kung oo, bakit? Halimbawa, ano ang nakakumbinsi sa iyo na mas magiging maligaya ka kung susundin mo ang mga batas ng Diyos tungkol sa sex kaysa kung gagayahin mo ang imoral na pamumuhay ng mga kasamahan mo?

Hindi mo kailangang sagutin agad ang mga tanong na iyan. Pag-isipang mabuti kung bakit mo pinaniniwalaan ang isang bagay. Kung gagawin mo iyan, mas maipagtatanggol mo ang iyong paniniwala.​—Kawikaan 14:15; 1 Pedro 3:15.

“Sa iskul, pinupuntirya ng mga kaeskuwela ang mga kahinaan mo, at ayokong magmukhang walang paninindigan pagdating sa relihiyon ko. Kaya pinag-aralan kong mabuti ang dahilan ng mga pinaniniwalaan ko. Sa halip na sabihing ‘Hindi ko puwedeng gawin iyan kasi bawal sa relihiyon namin,’ sinasabi ko, ‘Sa tingin ko, hindi tama iyan.’ Ito ang aking mga paniniwala.”​—Danielle.

Alin ang gusto mong makatulad​—isang nalagas na dahon na kung saan-saan ipinapadpad ng hangin o isang puno na nakatayo pa rin kahit napakalakas ng bagyo? Patibayin mo ang iyong identity para maging tulad ka ng punong iyan. Sa gayo’y masasagot mo ang tanong na, Sino ba ako talaga?

Kung sigurado ka sa iyong identity, katulad ka ng isang puno na nakatayo pa rin kahit napakalakas ng bagyo

 

^ par. 8 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.