Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Titanic—“Ang Pinakasikat na Barko sa Kasaysayan”

Ang Titanic—“Ang Pinakasikat na Barko sa Kasaysayan”

Ang Titanic​—“Ang Pinakasikat na Barko sa Kasaysayan”

ABRIL 10, 1912: Ang Titanic ay naglayag mula sa Southampton, England, patungo sa New York, E.U.A.

ABRIL 11: Pagkatapos magsakay ng mga pasahero sa Cherbourg, France, at sa Queenstown (ngayon ay Cobh), Ireland, naglayag ang Titanic sa Atlantiko.

ABRIL 14: Mga 11:40 n.g., bumangga ang Titanic sa isang iceberg.

ABRIL 15: Noong 2:20 n.u., lumubog ang Titanic, na ikinasawi ng mga 1,500 katao.

ANONG klase ng barko ang Titanic? Bakit ito lumubog? Para masagot ang mga tanong na iyan, makatutulong ang pagbisita sa Ulster Folk and Transport Museum, malapit sa Belfast sa Northern Ireland.

Ang Titanic​—Bakit Ito Nakilala?

Ayon kay Michael McCaughan, dating tagapangasiwa ng Folk and Transport Museum, ang Titanic “ang pinakasikat na barko sa kasaysayan.” Pero hindi naiiba ang Titanic. Ikalawa ito sa tatlong malalaking barko na ginawa ng Harland and Wolff sa Belfast. * Ang Titanic ang isa sa pinakamalalaking barko noon, na may habang 269 na metro at lapad na 28 metro.

Ipinagawa ng kompanyang White Star ang malalaking barkong iyon para matalo nila ang mga kakompetensiya sa ruta sa North Atlantic. Hindi nito matalo ang Cunard Line pagdating sa bilis. Kaya nagpagawa ito ng mas malalaki at mas mararangyang barko para maakit ang mayayaman at kilaláng mga tao.

Pero may isa pang magiging pakinabang sa Titanic. “Halos 900,000 katao ang nandarayuhan sa Estados Unidos taun-taon sa pagitan ng 1900 at 1914,” ang sabi ni William Blair, tagapangasiwa ng National Museums Northern Ireland. Napakalaki ng kinikita ng mga kompanya ng barko sa paghahatid sa kanila mula sa Europa patungong Estados Unidos, at diyan sana gagamitin ang Titanic.

Ang Trahedya

Alam ng kapitan ng Titanic, si E. J. Smith, na mapanganib ang paglalayag sa North Atlantic dahil sa mga iceberg. Madalas kasi siyang maglayag sa rutang ito sa barkong Olympic. Nagbigay ng babala tungkol sa iceberg ang ibang mga barko, pero ang mga ito ay hindi pinansin o baka hindi natanggap.

Pagkatapos, bigla na lang nagbabala ang mga bantay ng Titanic na may iceberg sa unahan nila​—pero huli na ang lahat! Nailiko pa ng opisyal na naka-duty ang barko para hindi ito sumalpok sa iceberg pero nahagip pa rin nito ang gilid ng iceberg. Nasira ang kaha ng barko​—at pinasok ng tubig ang ilang kompartment nito sa unahan. Nalaman ni Captain Smith na wala nang pag-asa ang barko. Nagpadala siya ng mensaheng SOS at iniutos na ibaba ang mga lifeboat.

Ang Titanic ay may 16 na lifeboat at apat na collapsible boat. Makapaglululan ang mga ito ng mga 1,170 katao. Pero mga 2,200 ang pasahero at tripulante ng barko! Ang nangyari pa, maraming bangka ang umalis na kahit hindi pa punô. At karamihan sa mga ito ay hindi man lang naghanap ng mga tumalon sa dagat na posibleng buhay pa. Dahil dito, 705 katao lang ang nakaligtas!

Ang Resulta

Pagkatapos ng sakunang iyon, nagpatupad ang mga awtoridad ng mga batas para maging mas ligtas ang paglalayag sa dagat. Isa rito ay nagsasabing dapat na may sapat na lifeboat para sa lahat ng pasahero ng barko.

Matagal nang ipinapalagay na lumubog agad ang Titanic dahil nagkaroon ito ng malaking biyak sa kaha nang ito’y bumangga. Pero noong 1985, matapos matagpuan ang Titanic sa sahig ng karagatan, iba ang naging konklusyon ng mga imbestigador​—rumupok ang bakal ng barko dahil sa napakalamig na tubig anupat ito’y lumutong at madaling nabiyak. Wala pang tatlong oras matapos itong bumangga, nahati ito at lumubog, anupat naging isa sa pinakamalagim na sakuna sa kasaysayan ng paglalayag. *

[Mga talababa]

^ Ang Titanic ay pangalawa sa Olympic at sinundan ng Britannic.

^ Basahin ang kuwento ng isang nakaligtas sa paglubog ng Titanic sa Gumising! ng Abril 22, 1982, pahina 3-9.

[Mapa sa pahina 14]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Southampton

Cherbourg

Queenstown (Cobh)

Lugar kung saan bumangga ang Titanic

New York

KARAGATANG ATLANTIKO

[Larawan sa pahina 12, 13]

Noong ginagawa ang “Titanic

[Larawan sa pahina 13]

Mga propeler ng “Titanic

[Larawan sa pahina 13]

Mga trabahador na pauwi mula sa pagawaan ng barko ng Harland and Wolff sa Belfast, Ireland

[Larawan sa pahina 14]

Si E. J. Smith, kapitan ng “Titanic” (kanan), kasama ang chief purser na si Herbert McElroy

[Credit Line]

© Courtesy CSU Archive/age fotostock

[Picture Credit Lines sa pahina 12]

Pages 12 and 13: Leaving Southampton, under construction, and shipyard: © National Museums Northern Ireland; propellers: © The Bridgeman Art Library

[Picture Credit Line sa pahina 15]

© SZ Photo/Knorr & Hirth/Bridgeman Art Library