Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kakaibang mga Hamon sa Stepfamily

Kakaibang mga Hamon sa Stepfamily

Kakaibang mga Hamon sa Stepfamily

● Ayon sa eksperto sa stepfamily na si Dr. Patricia Papernow, kung susubukan mong ayusin ang mga problema ng isang stepfamily na ginagamit na basehan ang sitwasyon ng isang orihinal na pamilya, para mong “binabaybay ang mga kalye ng New York City gamit ang mapa ng Boston.”

Sa katunayan, ang mga hamon sa stepfamily ay hindi lang naiiba kundi mas komplikado kaysa sa mga nararanasan ng isang orihinal na pamilya. Inilarawan pa nga ng sikologong si William Merkel ang stepfamily bilang “ang pinakakomplikado, di-natural, at pinakamahirap na ugnayan ng mga tao.”

Kung ganiyan ang stepfamily, paano kaya ito magtatagumpay? Ang ugnayan sa isang stepfamily ay maikukumpara sa tahi ng pinagdugtung-dugtong na retaso ng tela na ginawang kumot. Kahit ang tahi ay madaling masira sa simula, puwede itong maging kasintibay ng isang buong tela kapag natapos​—kung maingat ang pagkakatahi rito.

Isaalang-alang natin ang ilang hamong napapaharap sa mga stepfamily at ang mga hakbang na nakatulong sa marami para “mapagdugtung-dugtong” ang kanilang mga buhay. Pagkatapos, makikilala natin ang apat na matagumpay na stepfamily.

HAMON 1: HINDI NATUTUPAD ANG MGA INAASAHAN

“Akala ko, tatanggapin ako ng mga anak ng mister ko kung mamahalin ko sila at bibigyan ng atensiyon, pero walong taon na, wala pa ring nangyayari.”​—Gloria. *

KADALASAN, iniisip ng mga pumapasok sa muling pag-aasawa na hindi sila magkakaproblema. Inaasahan ng mga magulang na maiiwasan nila o maaayos ang mga pagkakamali nila noon at muli silang makadarama ng pag-ibig o kapanatagan. May mga inaasahan na imposible talagang mangyari, pero kapag hindi natupad ang anumang inaasahan ng isa, nakaka-stress iyon. Ang sabi nga ng Bibliya: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” (Kawikaan 13:12) Paano kung pinanghihinaan ka ng loob dahil hindi natutupad ang mga inaasahan mo?

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Huwag bale-walain ang kalungkutang nadarama mo, anupat iniisip na lilipas din iyon. Tukuyin ang isang bagay na nakakadismaya sa iyo dahil hindi ito natutupad. Pagkatapos, isipin kung bakit gusto mong mangyari iyon, para maintindihan mo kung bakit inaasam-asam mo pa rin iyon. Saka isipin kung ano ang mas makatotohanang asahan sa kasalukuyan. Narito ang ilang halimbawa:

1. Sa simula pa lang, mamahalin ko na ang mga anak ng asawa ko at mamahalin din nila ako.

Bakit? Pangarap kong magkaroon ng maligayang pamilya.

Mas makatotohanan: Matututuhan din naming mahalin ang isa’t isa pagtagal-tagal. Ang mahalaga ngayon, panatag kami at may respeto sa isa’t isa.

2. Makapag-a-adjust agad kami sa isa’t isa.

Bakit? Handa na kami sa bagong pasimula.

Mas makatotohanan: Karaniwan na, umaabot ng apat hanggang pitong taon bago tuluyang makapag-adjust sa isa’t isa ang bagong pamilya. Normal lang ang mga problema namin.

3. Hindi namin pag-aawayan ang pera.

Bakit? Dahil nagmamahalan kami, hindi namin pag-aawayan ang maliliit na bagay.

Mas makatotohanan: Hindi pa naaayos ang pinansiyal na sitwasyon sa una naming pag-aasawa. Baka hindi pa namin handang pagsamahin ang lahat ng pera namin.

HAMON 2: KUNG PAANO MAGKAKAINTINDIHAN ANG ISA’T ISA

“Ang bilis naming naka-adjust​—komportable agad kami sa isa’t isa.”​—Yoshito.

“Mga sampung taon din bago ko tuluyang natanggap ang bago kong pamilya.”​—Tatsuki, stepson ni Yoshito.

GAYA nina Yoshito at Tatsuki, baka hindi talaga nagkakaintindihan ang mga miyembro ng stepfamily. Bakit ito dapat pag-isipan? Kapag nagkaproblema, baka gusto mo agad lutasin iyon. Gayunman, para magtagumpay ka sa gagawin mo, dapat mo munang maintindihan ang pamilya mo.

Mahalagang pag-isipan kung paano ka nakikipag-usap, dahil ang pananalita ay puwedeng makasira kung paanong puwede itong makatulong. Sinasabi sa Bibliya: “Ang kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila.” (Kawikaan 18:21) Paano mo magagamit ang iyong dila para magkaintindihan kayo sa halip na magkaroon ng gap?

ANG PUWEDE MONG GAWIN

• Maging interesado at maunawain sa nadarama ng bawat isa sa halip na maging mapanghusga. Halimbawa:

Kapag sinabi ng anak mo, “Nami-miss ko si Daddy,” unawain siya. Sa halip na sabihing, “Pero mahal ka ng stepdad mo at mas mabuti siyang ama kaysa sa daddy mo,” puwede mong sabihin: “Alam kong nahihirapan ka. Ano nga ang pinakanami-miss mo sa daddy mo?”

Sa halip na akusahan ang bago mong asawa sa pagsasabing, “Kung naging mas mabuting magulang ka sana, hindi magiging ganiyan kabastos ang anak mo,” sabihin ang nadarama mo. Maaari mong sabihin: “Puwede mo bang sabihan si Luke na batiin man lang ako pagdating niya ng bahay? Malaking bagay sa ’kin ’yon.”

• Kapag magkakasama kayo sa pagkain, paglilibang, at pagsamba, gamitin ang mga panahong ito para higit na makilala ang isa’t isa.

• Regular na mag-usap bilang pamilya at tiyaking naroon ang lahat. Pagsalitain ang bawat isa nang walang sumasabad. Mag-umpisa sa isang bagay na maganda tungkol sa bagong pamilya, at saka sabihin ang isang ikinababahala. Maging magalang kahit hindi ka sang-ayon sa sinabi, at hayaan ang lahat na magmungkahi ng solusyon.

HAMON 3: PAGTANGGAP SA MGA BAGONG KAPAMILYA

“Mag-uusap-usap ang asawa ko at ang mga anak niya at saka nila ako kokomprontahin. Para akong ibang tao na nanghihimasok sa buhay nila.”​—Walt.

ANG pangamba na baka ituring kang ibang tao ng sarili mong pamilya ay posibleng siyang dahilan ng iba pang problema. Halimbawa:

• Ang mga batang mabuti ang relasyon sa magiging stepparent ay maaaring mahirapan pagkatapos maikasal ang magulang nila.

• Ang isang stepparent ay nagseselos sa anim-na-taóng gulang na anak ng asawa niya.

• Nagkakaroon ng malalaking pagtatalo tungkol sa di-gaanong mahahalagang bagay.

Apektado rin nito ang tunay na mga magulang, dahil nahihirapan din sila kapag tila hindi nagkakasundo ang bagong pamilya. Ang sabi nga ni Carmen: “Naiipit ako sa pagitan ng asawa ko at ng dalawa kong anak. Ang hirap!”

Ang Gintong Aral ang solusyon sa hamong ito. Sinabi ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Paano mabubuklod ang lahat ng miyembro ng isang stepfamily nang walang naa-out-of-place?

ANG PUWEDE MONG GAWIN

• Unahin ang iyong asawa. (Genesis 2:24) Gumugol ng panahon kasama ng bago mong asawa, at linawin sa mga anak mo ang kaniyang papel sa pamilya. Halimbawa, puwedeng sabihin ng mga ama sa kanilang mga anak kahit bago pa magpakasal: “Mahal ko si Anna, at magiging asawa ko siya. Inaasahan kong magiging magalang kayo sa kaniya.”

• Maglaan ng panahon para makasama ang bawat isa sa mga anak mo. Kung gagawin mo ito, maipadarama mo sa kanila kung gaano sila kahalaga sa iyo at kung gaano mo sila kamahal.

• Gumugol ng panahon kasama ng bawat isa sa mga anak ng asawa mo para mapalapit ka sa kanila nang hindi kailangan ang tulong ng magulang nila.

• Hayaang maka-adjust ang mga bata sa bagong pamilya nang hindi kinakalimutan ang dati nilang pamilya. Mas makabubuti kung hindi hihilingan ang mga anak na gumamit ng mga terminong pangmagulang gaya ng “Mama” o “Papa.” Sa simula, maaaring hindi pa komportable ang mas matatandang anak na gumamit ng mga salitang gaya ng “pamilya” o “tayo” para sa stepfamily.

• Bigyan ang mga anak ng kani-kaniyang gawaing-bahay, upuan sa hapag-kainan, at lugar sa bahay. Kasali na rito ang mga anak na padalaw-dalaw lang sa inyo.

• Pag-isipan kung kailangan ninyong lumipat ng bagong tirahan o ayusin ang kasalukuyang tinitirhan para hindi mailang ang mga bagong miyembro ng pamilya.

HAMON 4: PAGDIDISIPLINA SA MGA ANAK

“Kapag dinidisiplina ko ang mga anak ni Carmen, inaamo niya sila sa halip na suportahan ako.”​—Pablo.

“Nasasaktan ako kapag masyadong istrikto si Pablo sa mga anak ko.”​—Carmen.

BAKIT maaaring pagmulan ng problema ng isang stepfamily ang pagpapalaki sa mga anak? Maaaring maluwag sa pagdidisiplina ang isang nagsosolong magulang. Nang madagdag sa pamilya ang stepparent, posibleng hindi pa ganoon kalapít ang loob niya sa mga anak ng asawa niya. Dahil diyan, maaaring isipin ng stepparent na napakaluwag ng kaniyang asawa sa mga anak nito, samantalang iniisip naman ng asawa niya na napakahigpit niya sa mga bata.

Nagpapayo ang Bibliya na maging timbang sa pagpapalaki sa mga anak: “Huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay [ng Diyos na] Jehova.” (Efeso 6:4) Itinatawag-pansin dito na dapat turuan ang mga anak na magkaroon ng tamang kaisipan sa halip na basta kontrolin ang kanilang pagkilos. Kasabay nito, hinihimok ang mga magulang na maging mabait at mapagmahal para hindi kainisan ng mga bata ang kanilang pagdidisiplina.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

• Magkaroon ng mga patakaran sa bahay, kasama ang mga dati nang ipinatutupad. Pag-isipan ang kapakinabangan ng gayong mga patakaran sa sumusunod na eksena:

Stepmother: Jennifer, hindi ka puwedeng makipag-text hangga’t hindi tapos ang assignment mo.

Jennifer: Bakit, nanay ba kita?

Stepmother: Hindi nga, Jen, pero ako ang may pananagutan sa iyo ngayon, at ang patakaran ay hindi puwedeng mag-text hangga’t hindi tapos ang assignment.

• Huwag gumawa ng maraming patakaran ni agad baguhin ang mga dating rutina. Ang tila simpleng kahilingan ng isang stepparent ay maaaring maging napakahirap para sa isang anak na nakadaramang biglang nagbago ang mundo niya. Siyempre pa, mahalaga ang ilang bagong patakaran, gaya ng pagrespeto sa privacy ng kapamilya at tamang pananamit, lalo na kung may mga anak na tin-edyer.

• Lutasin ang mga di-pagkakasundo nang pribado, hindi sa harap ng mga anak. Pag-usapan ang partikular na ikinilos ng anak sa halip na ang ipinapalagay na maling pagdidisiplina sa kaniya noon.

[Talababa]

^ Binago ang ilang pangalan sa seryeng ito.

[Larawan sa pahina 3]

Parang imposibleng maging maligaya ang isang stepfamily

[Larawan sa pahina 4]

Makinig na mabuti para maunawaan ang nadarama at ikinababahala ng bawat isa

[Larawan sa pahina 6]

Kung may di-pagkakasundo ang mga magulang, dapat nila itong lutasin nang pribado