Ang Kahanga-hangang Lemon
MAY alam ka bang isang bagay na puwedeng maging gamot, panlinis, pandisimpekta, at pampaganda pa? Puwede itong maging pagkain, juice, at pagkunan ng langis. Ang ganda-ganda ng hitsura nito, mayroon nito sa iba’t ibang lugar sa daigdig, at ito’y mura lang. Baka nga mayroon ka nito ngayon sa kusina mo. Ano ito? Ang lemon!
Ang lemon ay sinasabing nagmula sa Timog-Silangang Asia. Unti-unti itong dinala sa kanluran hanggang sa Mediteraneo. Hiyang ang mga puno ng lemon sa banayad na klima, kaya naman namumunga ito nang husto sa mga bansang gaya ng Argentina, Italya, Mexico, Spain, at maging sa ilang lugar sa Aprika at Asia. Depende sa uri nito at kung saan ito nakatanim, ang isang puno ay makapamumunga nang mula 200 hanggang 1,500 lemon kada taon. Ang mga tanim na lemon ay namumunga sa magkakaibang panahon kung kaya may lemon sa buong taon.
Mga Lemon sa Italya
Pinagtatalunan ng marami kung nagtanim ng lemon ang mga sinaunang Romano. May mga ebidensiyang nagpapatunay na kilala ng mga Romano ang citron, na kabilang din sa pamilya ng sitrus at parang malaking lemon. Ang puno ng citron at ang bunga nito ay espesipikong binanggit ng Romanong istoryador na si Pliny na Nakatatanda sa kaniyang akda na Natural History. Gayunman, naniniwala ang mga eksperto na pamilyar din ang mga Romano sa lemon. Bakit? Dahil ang makikita sa kanilang maraming fresco at moseyk ay larawan ng lemon, at hindi citron. Ang isang halimbawa nito ay ang nasa malaking bahay na nahukay sa Pompeii, na angkop tawaging The Orchard House, dahil mayroon itong mga fresco na naglalarawan sa iba’t ibang uri ng halaman, kasali na ang puno ng lemon. Pero noong panahong iyon, malamang na bibihira lang ang puno ng lemon at marahil ay ginagamit lang na gamot. Hindi masabi kung madali bang mag-alaga noon ng lemon at kung gaano ito kalaganap.
Ang isla ng Sicily, na may mahabang tag-init at banayad na taglamig, ang nangungunang taniman ng mga sitrus, kasali na ang lemon. Pero nakapagtatanim din ng primera-klaseng lemon sa ibang mga lugar, karamiha’y sa mga lupaing malapit sa baybayin.
Ang magandang bayan ng Sorrento ay nasa timog ng Naples, at nasa timog naman nito ang napakagandang baybayin ng Amalfi na mahigit 40 kilometro ang haba. Nasa baybaying ito ang magagandang bayan ng Amalfi, Positano, Vietri sul Mare, at iba pa. Ang mga lemon na galing sa Sorrento at sa baybayin ng Amalfi ay may Protection Authority certificate, isang garantiya na doon inani ang mga iyon. Tama lang naman na protektahan ng mga tagaroon ang mga puno nila ng lemon dahil ang mga ito ay sadyang itinanim sa gilid ng bundok, kung saan naaarawan nang husto ang mga iyon at namumunga ng napakabango at makatas na lemon.
Hindi mo kailangan ng malawak na lote para makapag-alaga ng puno ng lemon. Puwedeng mag-alaga nito kahit sa isang balkonaheng naaarawan, dahil ang bansot na mga puno ng lemon ay maaaring itanim sa paso at maganda ring dekorasyon. Hiyang ang mga ito sa lugar na naaarawan at hindi mahangin, lalo na sa tabi ng pader. Kapag masyado namang maginaw sa taglamig, ang mga ito ay kailangang balutan o isilong.
Hindi Lang Pampalasa
Gaano ka kadalas gumamit ng lemon? Ang iba ay naglalagay ng isang hiwa ng lemon sa tsaa; ginagamit naman ng iba ang balat ng lemon o ang kaunting katas nito sa paggawa ng keyk. Baka nakapagtimpla ka na rin ng lemonada. Ang magagaling na kusinero sa buong mundo ay laging may lemon para magamit sa pagluluto. Pero nasubukan mo na bang gamitin ang katas ng lemon bilang pandisimpekta o pang-alis ng mantsa?
Ang totoo, ikinukuskos ng iba ang lemon sa kanilang sangkalan para linisin ito at disimpektahin. Sa halip na gumamit ng bleach sa pag-aalis ng mantsa o paglilinis ng lababo, ang ilan ay gumagamit ng pinaghalong katas ng lemon at baking soda. At sinasabing kapag naglagay ng hiwáng lemon sa refrigerator o sa dishwasher, mawawala ang masamang amoy nito.
Ang lemon ay napagkukunan ng citric acid, na ginagamit na natural na preserbatibo at pampaasim sa pagkain o inumin. Ang balat naman ng lemon ay napagkukunan ng pectin, na inilalagay sa mga pagkain bilang pampalapot, emulsifier, at gelling agent. Mayroon ding langis na nakukuha sa balat ng lemon na ginagamit sa mga pagkain, gamot, at kosmetik. Talagang napakaraming pakinabang sa prutas na ito. Oo, ang lemon ay makulay, malasa, at maraming mapaggagamitan.