Ang Magagawa ng mga Magulang
“Sobrang dami ng estudyante sa bawat classroom! Walang mga electric fan, kaya napakainit.”—Luis, Bolivia.
“Konti lang ang titser sa iskul namin, kaya hindi nabibigyan ng personal na atensiyon ang mga estudyante. Wala roong mapa, walang mga gamit sa laboratory, walang library.”—Dorcus, Myanmar.
“Nahihirapan ang karamihan sa mga titser ko na kontrolin ang mga estudyante. Kung minsan, masyadong pasaway ang mga estudyante, kaya ang hirap mag-aral.”—Nina, South Africa.
GAYA ng ipinakikita ng mga pananalita sa itaas, ang kalagayan sa ilang paaralan ay hindi angkop para sa pag-aaral. Bilang magulang, paano mo matutulungan ang iyong mga anak na makinabang sa kanilang pag-aaral sa kabila ng mga hamon? Narito ang ilang mungkahi.
Humanap ng mga paraan para tumulong.
Sa halip na magpokus sa mga problema—na malamang na hindi mo kontrolado—magpokus sa kung ano ang puwede mong gawin. Kung parang nahihirapan ang iyong anak sa isang subject o hiráp na hiráp siya sa dami ng homework, pag-usapan ninyong dalawa ang ilang posibleng solusyon. Halimbawa, kailangan mo ba siyang paglaanan ng komportableng lugar sa bahay para sa pag-aaral? Kailangan ba ng anak mo ng tulong sa paggawa ng iskedyul para magawa niya ang mga dapat niyang tapusin? Kailangan ba niya ng tutor? Para sa iba pang mungkahi, baka puwede mong kausapin ang kaniyang titser at guidance counselor. Isipin na sila’y mga kakampi mo, hindi kalaban.
Tulungan ang iyong anak na magpokus sa talagang layunin ng pag-aaral.
Makatutulong ang edukasyon para ang iyong anak ay lumaking responsable at marunong sa buhay. Ang tunguhin ng pag-aaral ay hindi basta malaman kung paano magpapayaman. Gayunman, ipinakikita ng pagsasaliksik na maraming kabataan ang nag-aaral sa iskul sa tunguhing magpayaman. Ipinapayo ng Bibliya ang pagkakaroon ng timbang na pananaw sa materyal na mga bagay. Bagaman sinasabi nito na “ang salapi ay pananggalang,” nagbababala rin ito na “yaong mga determinadong maging mayaman” ay hindi magiging tunay na maligaya.—Eclesiastes 7:12; 1 Timoteo 6:9.
Makatutulong ang edukasyon para ang iyong anak ay lumaking responsable at marunong sa buhay
Hayaang matuto ang iyong anak mula sa mga problema sa buhay.
Maraming titser ang nagsasabi na kung mahirap kausap ang ilang estudyante, mas lalo na ang ilang magulang. May mga magulang na agad nakikialam at nagrereklamo kapag ang kanilang anak ay nagkaproblema sa iskul o mababa ang nakuha nito sa exam. Halimbawa, ayon sa isang report sa magasing Time, isang propesora ang may mga estudyanteng “tumatawag sa kanilang mga magulang gamit ang kanilang cellphone para magsumbong tungkol sa kanilang mababang grade at saka iaabot ang cellphone sa kaniya, sa oras mismo ng klase, dahil gustong makialam ng magulang. At mayroon daw mga magulang na nagsasabing malaki ang ibinabayad nila para sa edukasyon ng kanilang anak, at nagpapahiwatig na A lang ang tatanggapin nilang grade ng anak nila.”
Maraming titser ang nagsasabi na kung mahirap kausap ang ilang estudyante, mas lalo na ang ilang magulang
Ang gayong mga magulang ay hindi nakatutulong sa kanilang mga anak. Sa katunayan, sa halip na “saklolohan” ang kanilang mga anak, pinagkakaitan nila ang mga ito ng pagkakataong “maranasan kung paano magdesisyon, mabigo, at ayusin ang kanilang mga gusot,” ang sabi ni Polly Young-Eisendrath sa kaniyang aklat na The Self-Esteem Trap. Sinabi pa niya: “Kung ang mga magulang ang palaging lumulutas ng mga problema ng kanilang mga anak sa halip na ang mga ito, ang mga magulang ang matututo; walang matututuhan ang mga anak at hindi nila makakayang harapin ang mga problema kapag nagsarili na sila.”
Maging makatuwiran kung gaano karaming edukasyon ang ipakukuha sa iyong anak.
Gaya ng nabanggit na, makatutulong ang edukasyon para maging responsableng adulto ang iyong anak. (Genesis 2:24) Pero gaano katagal na pag-aaral sa iskul ang kailangan para maabot ang tunguhing iyan?
Huwag isipin na kailangang mag-aral sa unibersidad ang anak mo para kumita nang sapat. May ibang opsyon na hindi gaanong magastos. Ang totoo, sa ilang kaso, ang kita ng mga kumuha ng vocational course ay kapareho lang ng kita ng mga nagtapos sa unibersidad.
Mahalagang tandaan: Ang mga eskuwelahan ay may mga limitasyon, at ang mga kabataan ay napapaharap sa mga hamon na ibang-iba sa mga hamon sa nakalipas na ilang dekada. Pero sa tulong mo, ang iyong anak ay puwedeng makinabang sa kaniyang pag-aaral! Bilang pamilya, maaari ninyong pag-usapan ang mga mungkahi sa pahina 3 hanggang 7 ng inimprentang edisyon ng magasing ito.