Ang mga Kabataan ay Nagtatanong
Ano ang Maaasahan Ko sa Pag-aasawa?—Bahagi 2
SA NAKARAANG ISYU, tinalakay natin ang ilan sa mga pakinabang at hamon na maaasahan sa pag-aasawa.
SA ISYUNG ITO, tatalakayin natin kung bakit dapat mong asahan ang mga di-inaasahan.
Lagyan ng ✔ ang mga kahon na napili mo at lagyan ng numero mula sa itinuturing mong pinakamahalaga sa iyo.
Inaasahan ko na ang mapapangasawa ko ay . . .
- maganda/guwapo
- magpapadama sa akin na mahalaga ako
- kapareho ko ng tunguhin
- mag-e-enjoy rin sa mga libangang gusto ko
Kung naghahanap ka ng mapapangasawa, hindi naman masamang asahan ang mga nabanggit. Baka nga may makita kang nagtataglay ng lahat ng iyan. Pero sa totoo lang, nagbabago ang tao sa paglipas ng panahon—at maging ang mga kalagayan.
Mahalagang tandaan: Para maging matagumpay ang pag-aasawa, dapat mong asahan ang mga di-inaasahan.
Ang maganda. Maaaring ikatuwa mo ang ilang bagay na hindi mo inaasahan.
“Ngayong mag-asawa na kami, nakita ko ang sense of humor ni Maria * na hindi ko gaanong napapansin noong magkasintahan kami. Palibhasa’y hindi namin masyadong sineseryoso ang aming mga sarili, hindi nagiging mabigat ang mga problema.”—Mark.
Ang hindi maganda. May mga bagay na hindi inaasahan sa pag-aasawa na makapagpapalungkot sa iyo. Narito ang isang halimbawa.
Ipagpalagay nang goal mo at ng iyong mapapangasawa na maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Pero paano kung pagkatapos ninyong makasal, nagkasakit nang malubha ang iyong asawa at imposible nang maabot pa ninyo ang inyong goal? Ang totoo, posibleng mangyari iyan dahil ayon sa Bibliya, “ang masasamang bagay ay nangyayari sa lahat!” (Eclesiastes 9:11, Holy Bible—Easy-to-Read Version) Tiyak na mag-aalala ka sa kalagayan ng asawa mo—at manghihinayang din dahil hindi na ninyo maaabot ang inyong goal. Kung mangyari ang ganiyang sitwasyon, wala ka nang magagawa kundi ang tanggapin ito at mag-adjust. Tutal, ang pinakasalan mo ay ang tao at hindi ang isang goal.
Mahalagang tandaan: Sinasabi ng Bibliya na ang mga pumapasok sa pag-aasawa ay makararanas ng mga “kapighatian.” (1 Corinto 7:28) Kung minsan, ang mga kapighatian ay dahil sa mga di-inaasahang sitwasyon.
Paano ka makapaghahanda para sa mga di-inaasahan? Kung mag-aasawa ka, kailangan mo ang dalawang bagay.
1. MAKATUWIRANG PANANAW
Kahit magkasundo kayo ng mapapangasawa mo sa maraming bagay, dapat mo pa ring asahan na
- hindi kayo laging magkakásundo sa lahat ng bagay.
- hindi kayo laging magkakápareho ng priyoridad.
- hindi kayo laging magkakápareho ng gustong gawin.
- hindi kayo laging magiging sweet na sweet sa isa’t isa.
Ang mga sitwasyong gaya ng nabanggit sa itaas ay karaniwan lang. Pero hindi ito sisira sa inyong pag-aasawa maliban na lang kung hahayaan ninyo! Tandaan, sinasabi ng Bibliya na ‘binabata ng pag-ibig ang lahat ng bagay’ at ‘hindi ito kailanman nabibigo.’—1 Corinto 13:4, 7, 8.
Tandaan: Hindi ang mga problema ang makapagpapatibay o makasisira sa inyong pag-aasawa kundi ang paraan ninyo ng pagharap dito.—Colosas 3:13.
2. PAGIGING TAPAT SA SUMPAAN
Kung determinado ka at ang iyong asawa na maingatan ang inyong pagsasama, anuman ang mangyari, mas mapagtatagumpayan ninyo ang mga di-inaasahang problema.—Mateo 19:6.
Para sa ilan, ang sumpaan sa pag-aasawa ay isang pabigat. Pero hindi totoo iyan. Ang totoo, pinatitibay nito ang inyong ugnayan bilang mag-asawa. Kapag dumating ang mga di-inaasahang sitwasyon, ikaw at ang iyong asawa ay hahanap ng solusyon sa halip na basta makipaghiwalay.
Para maunawaan mo kung gaano kahalaga ang pagiging tapat sa sumpaan, kailangan mong maging makatuwiran sa iyong inaasahan sa halip na maging idealistiko. Para ipakita ang pagkakaiba nito, sagutin ang mga sumusunod.
1. Ipagpalagay nang mayroon kang libreng tiket sa eroplano papunta sa alinmang bansa sa daigdig. Saan ka pupunta, at bakit?
Destinasyon:
Dahilan:
- magandang tanawin
- kultura
- klima
- libangan
- iba pa
2. Ipagpalagay na one-way lang ang tiket mo at permanente ka nang titira sa mapipili mong destinasyon.
Ngayon, saan ka pupunta?
- Destinasyon:
- o Hindi na lang ako aalis.
Sa paghahalimbawa sa itaas, malamang na magkaiba ang sagot mo sa una at ikalawang tanong. At kahit magkapareho pa ito, malamang na pinag-isipan mong mabuti ang ikalawang sagot. Kasi sa halip na isiping isa kang bakasyunistang nakahiga sa beach o nagha-hiking sa bundok, ang iisipin mo’y isa kang residente na makararanas hindi lang ng magagandang bagay sa lugar na iyon kundi pati ng mga hamon na kaakibat ng pamumuhay roon.
Ganiyan ang dapat na maging pananaw mo sa pag-aasawa. Kasi sa paglipas ng panahon, maaaring magbago ang mga kalagayan. Tiyak na pati ikaw at ang asawa mo ay magbabago. Ang tagumpay ninyo ay nakadepende nang malaki sa kakayahan ninyong harapin ang mga di-inaasahan.
Pag-isipan: Paano mo hinaharap ang mga di-inaasahang sitwasyon ngayong wala ka pang asawa?
^ par. 15 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
TANUNGIN ANG MGA MAGULANG MO
Ano pong mga di-inaasahang pagpapala at hamon ang naranasan ninyo noong bagong kasal kayo? Ano po ang puwede kong gawin para maihanda ang sarili ko sa mga di-inaasahan kapag nag-asawa na ako?