Naging Matiisin Sila sa Akin
Mahilig ako noon sa alak at karahasan. Pero isang araw, nakatanggap ako ng malungkot na balita, na nag-udyok sa akin na suriin ang buhay ko. Ikukuwento ko sa inyo.
ISINILANG ako noong 1943 sa Rubottom, Oklahoma, E.U.A. Marahas ako noong kabataan ako. Nasa huling taon ako sa haiskul nang matuto akong uminom ng alak. Ang tatay ko ay isang basag-ulerong manginginom kaya naging barkada kami. Magkasama kaming pumupunta sa mga sayawan at iba pang pagtitipon para lang uminom at makipag-away.
Noong 1966, pinakasalan ko si Shirley, at nagkaroon kami ng dalawang anak, sina Angela at Shawn. Pero tuloy pa rin ako sa pag-inom. Para madagdagan ang kita ko, nagtanim ako at nagtinda ng marijuana. Nagtrabaho rin ako bilang bouncer sa mga bar sa lugar namin, na gustung-gusto ko dahil lagi akong nakakainom ng alak at nakikipag-away. Wala akong anumang kinatatakutan noon, at wala akong pakialam sa damdamin ng iba.
“Huwag Mo Akong Ipapakausap sa mga Karelihiyon Mo!”
May pinsang lalaki si Shirley na lumipat sa California, na pagkatapos mag-aral ng Bibliya roon ay naging isang Saksi ni Jehova. Nang bumalik siya sa Oklahoma, ikinuwento niya kay Shirley ang mga natutuhan niya, na agad namang nakumbinsi na ito ang katotohanan. Pagkatapos ng isang masinsinang pag-aaral sa Bibliya, si Shirley rin ay naging isang Saksi at nabautismuhan noong 1976. Hindi ako interesado sa relihiyon niya. “Huwag mo akong ipapakausap sa mga karelihiyon mo!” ang sabi ko. “Wala ring mangyayari.”
Tapat si Shirley sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, at patuloy pa rin siyang nagpakita ng pagmamahal sa akin. Sa katunayan, niyayaya niya ako sa tuwing dadalo silang mag-iina sa Kingdom Hall. Pati si Angela ay nagsasabi, “Sana po, Dad, kasama namin kayo.”
Palibhasa’y may mga ginagawa akong ilegal, lagi akong may dalang baril. May mga pagkakataon ding hindi ako umuuwi nang ilang araw, na pinagtatalunan naming mag-asawa. Pagbalik ko, sumasama ako kay Shirley sa mga pulong para suyuin siya. Mabait sa akin ang mga Saksi, at mukha namang maganda ang mga turo nila.
Nang maglaon, inalok ako ng isang elder sa kongregasyon na mag-aral ng Bibliya. Pumayag naman ako. Pero wala akong ipinagbago—unang-una na, dahil tuloy pa rin ang pakikisama ko sa mga dati kong kaibigan. Alam ito ng elder na iyon kaya binanggit niya sa akin ang ilang simulain sa Bibliya tungkol sa panganib ng masasamang kasama. (1 Corinto 15:33) Kahit galing sa Bibliya ang payo niya, minasama ko iyon, huminto ako sa pag-aaral, at lalong gumawa ng masama. Dahil sa aking pride, nasaktan ko si Shirley at ang mga anak ko!
“Mahal Ka Pa Rin Namin”
Noong 1983, nakatanggap ako ng isang malungkot na balita. Namatay ang pamangkin kong lalaki, na malapít sa akin. Dinamdam ko ito nang husto, at ito ang nag-udyok sa akin na mag-isip-isip. Alam kong nasasaktan ko ang asawa ko at mga anak ko—mga taong mahalaga sa akin. Kailangan ko na talagang magbago. Sa libing ng pamangkin ko, inakbayan ako ng isang may-edad nang Saksi, si John, at sinabi, “Gusto kong malaman mo na mahal ka pa rin namin.” Iyon mismo ang pampatibay na kailangan ko! Kinabukasan, tinawagan ko si John at sinabing gusto ko na ulit mag-Bible study, anupat umaasang maikakapit ko na ang mga matututuhan ko—na dapat sana’y noon ko pa ginawa.
Sa unang pag-aaral namin, tinalakay namin ang tungkol sa panalangin at sinabi ko kay John na susubukan kong manalangin. Noong sumunod na araw, naghanap ako ng disenteng trabaho, pero wala akong makita. Habang nagmamaneho ng aking pickup, nanalangin ako nang malakas, “Jehova, kung gusto mong manatili ako rito, dapat ihanap mo ako ng trabaho.” Pagkatapos naisip ko, ‘Kalokohan ’to—nagsasalita akong mag-isa.’ Ang dami ko pa talagang kailangang gawin para magtiwala ako sa Diyos bilang ang “Dumirinig ng panalangin”—at para mapasulong pa ang aking panalangin! (Awit 65:2) Pero kataka-taka, kinabukasan, may nag-alok sa akin ng trabaho!
Dahil sa bisa ng panalangin, mas sumidhi ang pag-ibig ko kay Jehova at mas tumibay ang pagtitiwala ko sa patnubay niya
Mula noon, nananalangin na ako nang madalas at marubdob. Nakita kong lagi akong pinagpapala ni Jehova. Matagal na akong naniniwala sa Diyos, pero dahil sa mga karanasan ko, napatunayan kong totoo ang sinasabi sa 1 Juan 5:14: “Anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” Dahil sa bisa ng panalangin, mas sumidhi ang pag-ibig ko kay Jehova at mas tumibay ang pagtitiwala ko sa patnubay niya.—Kawikaan 3:5, 6.
Nang muli akong dumalo sa mga pulong, malugod akong tinanggap ng mga Saksi. Bukod diyan, nakikita ko na ngayon na talagang ‘iniibig nila ang isa’t isa nang masidhi mula sa puso,’ at nakaantig ito sa akin nang husto. (1 Pedro 1:22) Mas napahalagahan ko rin ang binabanggit sa Kawikaan 13:20: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”
Maraming taon ding naghirap at nagdusa ang pamilya ko dahil sa akin, pero sinisikap ko na ngayong maging mapagpayapa at maging mas mabuting asawa, ama, at kausap. Sinusunod ko na ang payo ng Bibliya na “dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan” at na ‘huwag yamutin ng mga ama ang kanilang mga anak upang hindi sila masiraan ng loob.’—Efeso 5:28; Colosas 3:21.
Siyempre pa, tuwang-tuwa ang pamilya ko dahil nagbago na ako. Kitang-kita kong totoo ang sinabi ni Jesus sa Mateo 5:3: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” Sa wakas, talagang maligaya na ako!
Noong Hunyo 1984, ang anak kong si Angela ay ininterbyu sa asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Ikinuwento niya kung anong uri ng tao ako noon at ang mga pagbabagong ginawa ko. Bilang pagtatapos, sinabi niyang masayang-masaya siya na makitang isa ako sa mga nakaupo sa unahan na mababautismuhan nang araw na iyon.
Malaki ang pasasalamat ko na matiisin si Jehova sa mga taong gaya ko! Nagpapasalamat din ako kay Shirley at sa mga anak ko dahil naging matiisin sila sa akin. Isang tunay na Kristiyano si Shirley, na matapat na sumusunod sa binabanggit ng 1 Pedro 3:1: “Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae.” Dahil sa kaniyang katapatan, pagtitiis, at mahusay na paggawi sa kabila ng masamang pag-uugali ko, nagkaroon ako ng pagkakataong magbago.
Mula nang mabautismuhan ako, malimit kong gawing halimbawa si Shirley para patibayin ang iba na may di-sumasampalatayang asawa na maging matiisin sa kanila. “Sa tamang panahon,” ang sabi ko sa kanila, “gagamitin ni Jehova ang kaniyang Salita, ang Bibliya, at ang inyong mabuting paggawi para tulungan ang inyong asawa na magbago—kahit pa nga parang malabong mangyari iyon.”