Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA

Matalinong Paggamit ng Panahon—Paano?

Matalinong Paggamit ng Panahon—Paano?

“Kung marami lang sana akong panahon!” Gaano kadalas mo nang nasabi iyan? Pagdating sa oras, walang mahirap, walang mayaman—lahat ay pantay-pantay. Isa pa, mahirap man o mayaman ay hindi kayang mag-ipon ng panahon. Kapag lumipas na ito, hinding-hindi na ito maibabalik. Kaya naman dapat tayong maging matalino sa paggamit ng ating panahon. Paano? Tingnan natin ang apat na paraan na nakatulong sa marami.

Paraan 1: Maging Organisado

Magtakda ng priyoridad. “[Tiyakin] ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga,” ang payo ng Bibliya. (Filipos 1:10) Gumawa ng listahan ng mga bagay na mahalaga o kailangang gawin agad, anupat tinatandaan na ang isang bagay na mahalaga—halimbawa, pagbili ng makakain sa hapunan—ay baka hindi naman talaga kailangang gawin agad. At ang isang bagay na parang kailangang gawin agad—habulin ang simula ng paborito mong programa sa TV—ay baka hindi naman talaga ganoon kaimportante. *

Magplano. “Kapag ang kasangkapang bakal ay pumurol at hindi hinasa ng isa ang talim nito, gagamitin nga niya ang kaniyang sariling kalakasan,” ang sabi ng Eclesiastes 10:10, pero idinagdag nito na “ang paggamit ng karunungan sa ikapagtatagumpay ay nagdudulot ng kapakinabangan.” Ang aral? Kung ihahasa mo ang iyong kasangkapang bakal, ibig sabihin, kung magpaplano ka, magagamit mo ang iyong panahon sa pinakamabisang paraan. Isaisantabi o alisin ang di-mahahalagang gawain na umuubos lang ng panahon at lakas. Kapag nagkaroon ka ng ekstrang panahon dahil natapos mo agad ang isang gawain, puwede mo nang simulan ang kasunod. Kung magpaplano ka, mas marami kang matatapos, gaya ng isang mahusay na manggagawa na naghahasa ng kaniyang kasangkapang bakal.

Pasimplehin ang buhay mo. Matutong tumanggi sa mga bagay na hindi mahalaga o umuubos lang ng panahon. Kapag napakarami mong dapat gawin at asikasuhin, lalo kang mai-stress at mawawalan ng kagalakan.

 Paraan 2: Iwasan ang mga Pang-agaw ng Panahon

Pagpapaliban-liban at pagpapatumpik-tumpik. “Siyang nagbabantay sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi; at siyang tumitingin sa mga ulap ay hindi gagapas.” (Eclesiastes 11:4) Ang aral? Ang pagpapaliban-liban ay umaagaw ng iyong panahon, at hindi mo nagagawa ang mga bagay na dapat mong gawin. Kung hihintayin ng isang magsasaka ang pinakamagandang kalagayan, baka hindi na siya makapaghasik ng binhi o makapag-ani. Sa katulad na paraan, baka sa kagustuhan nating makasiguro, nagpapatumpik-tumpik tayo. O baka iniisip nating dapat muna nating malaman ang lahat ng impormasyon bago tayo magdesisyon. Siyempre pa, kailangang pag-aralang mabuti ang mga importanteng desisyon. “Pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang,” ang sabi ng Kawikaan 14:15. Pero ang totoo, may mga desisyong hindi natin tiyak ang kalalabasan.—Eclesiastes 11:6.

Pagiging perpeksiyonista. ‘Ang karunungan mula sa itaas [o mula sa Diyos] ay makatuwiran,’ ang sabi ng Santiago 3:17. Totoong kapuri-puring magkaroon ng mataas na pamantayan. Pero baka naman sa sobrang taas nito ay hindi mo na ito maabot at mabigo ka. Halimbawa, dapat asahan ng isang taong nag-aaral ng ibang wika na magkakamali siya, at alam niyang matututo siya mula rito. Pero ang isang perpeksiyonista ay malamang na takót magkamali, na pipigil sa pagsulong niya. Napakahalaga ngang maging makatuwiran sa ating inaasahan! “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin [o, mababang-loob],” ang sabi ng Kawikaan 11:2. Bukod diyan, ang mga mahinhin at mapagpakumbaba ay hindi nagbibigay ng labis na importansiya sa sarili at kaya nilang tawanan ang kanilang pagkakamali.

“Kapag namimili ka, hindi talaga pera ang ibinabayad mo. Ang ibinabayad mo ay panahon.”—What to Do Between Birth and Death

 Paraan 3: Maging Balanse at Makatotohanan

Balansehin ang trabaho at paglilibang. “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:6) Ang mga workaholic ay kadalasan nang hindi nakikinabang sa bunga ng kanilang “dalawang dakot ng pagpapagal.” Wala na silang natitirang panahon o lakas. Gusto naman ng mga tamad ang “dalawang dakot” na kapahingahan at nag-aaksaya sila ng napakahalagang panahon. Ang Bibliya ay nagmumungkahi ng balanseng pangmalas: Magtrabahong mabuti at masiyahan sa mga pakinabang na dulot nito. Ang kasiyahang ito ay “kaloob ng Diyos.”—Eclesiastes 5:19.

Huwag magpuyat. “Sa kapayapaan ay mahihiga ako at matutulog,” ang sabi ng isang manunulat ng Bibliya. (Awit 4:8) Karamihan sa mga adulto ay nangangailangan ng mga walong-oras na tulog para makinabang nang husto ang katawan, emosyon, at isip. May kinalaman sa isip, napakahalagang maglaan ng panahon sa pagtulog dahil nagpapasulong ito ng konsentrasyon at memorya, kung kaya madaling matuto ang isa. Pero kung kulang siya sa tulog, pupurol ang isip niya, malapit siya sa disgrasya, madaling magkamali, at bugnutin.

Magtakda ng makatotohanang tunguhin. “Mas mabuti ang pagtingin ng mga mata kaysa sa pagpapagala-gala ng kaluluwa [o, “paghahabol sa mga pagnanasa ng isa”].” (Eclesiastes 6:9) Ang punto? Ang matalinong tao ay hindi sunud-sunuran sa mga kagustuhan niya, lalo na kung ang mga ito ay hindi makatotohanan o imposibleng mangyari. Kaya hindi siya nahihikayat ng tusong mga advertisement o pangungutang. Sa halip, kontento na siya sa mga bagay na kaya niyang maabot.

 Paraan 4: Magpagabay sa Mabubuting Pamantayan

Isaisip ang iyong mga pamantayan. Sa tulong ng iyong mga pamantayan, nalalaman mo kung ano ang mabuti, importante, at kapaki-pakinabang. Kung ang buhay mo ay isang panà, mga pamantayan mo ang mag-aasinta sa panang iyon. Kung gayon, ang mabubuting pamantayan ay tutulong sa iyo na maitakda ang mahuhusay na priyoridad sa buhay at magamit nang husto ang bawat araw at oras ng iyong panahon. Saan mo makikita ang gayong mga pamantayan? Marami ang nagbabasa ng Bibliya dahil sa nakahihigit na karunungan nito.—Kawikaan 2:6, 7.

Gawing pangunahing pamantayan ang pag-ibig. Ang pag-ibig ay “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa,” ang sabi ng Colosas 3:14. Hindi tayo magiging maligaya at panatag kung walang pag-ibig, lalo na sa loob ng pamilya. Ang mga taong nagwawalang-bahala rito, anupat inuuna marahil ang pagpapayaman o propesyon, ay hindi magiging maligaya. Kaya naman pangunahing pamantayan sa Bibliya ang pag-ibig, at daan-daang ulit itong binabanggit doon.—1 Corinto 13:1-3; 1 Juan 4:8.

Maglaan ng panahon para sa espirituwal na pangangailangan. Si Geoff ay may maibiging asawa, dalawang masasayang anak, mabubuting kaibigan, at magandang trabaho bilang paramedic. Pero sa trabaho niya, madalas siyang makakita ng mga taong nagdurusa at namamatay. “Ganito na lang ba talaga ang buhay?” ang tanong niya. Isang araw, nakabasa siya ng literatura sa Bibliya na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova, at nasagot nito ang kaniyang katanungan.

Ikinuwento ni Geoff sa kaniyang asawa’t mga anak ang natututuhan niya, at naging interesado rin sila. Ang buong pamilya ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya, na nagpabago sa buhay nila at nakatulong para magamit nila ang kanilang panahon sa mas matalinong paraan. Nagkaroon din sila ng napakagandang pag-asang mabuhay magpakailanman sa isang daigdig na wala nang pagdurusa.—Apocalipsis 21:3, 4.

Ang karanasang ito ni Geoff ay nagpapaalaala sa sinabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Handa ka bang maglaan ng panahon para sa iyong espirituwal na pangangailangan? Wala nang mas matalinong paraan ng paggamit ng iyong panahon para masulit, hindi lang bawat araw ng buhay mo, kundi ang buong buhay mo.

^ par. 5 Tingnan ang “20 Paraan Para Magkaroon ng Higit na Panahon,” sa Gumising! ng Abril 2010.