Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA

Kung Paano Makokontrol ang Paggasta

Kung Paano Makokontrol ang Paggasta

ANG HAMON

Sa tuwing dumarating ang bank statement ninyo at mga bayarin, parang dumadaan lang sa kamay ninyo ang pera. Bago pa lang kayong nagsasama pero hindi na makontrol ang inyong paggasta. Kasalanan ba ito ng asawa mo? Sandali lang. Pag-isipan ninyo ito bilang magka-team at tingnan ang ilang dahilan kung bakit kayo nalagay sa ganitong sitwasyon. *

ANG DAHILAN

Pag-a-adjust. Kung nasa poder ka ng mga magulang mo bago ka nag-asawa, ngayon mo pa lang mararanasang magbayad ng mga bill at makihati sa gastusin. Baka magkaiba rin ang paraan ninyong mag-asawa ng paghawak sa pera. Halimbawa, baka ang isa ay mahilig gumastos samantalang ang isa naman ay mahilig magtipid. Kailangan ang panahon para makapag-adjust ang mag-asawa at may mapagkasunduan pagdating sa paghawak ng pera.

Tulad ng mga damo sa isang hardin, ang utang na napabayaan ay lálakí nang lálakí

Pagpapaliban-liban. Inamin ni Jim, isa na ngayong matagumpay na negosyante, na noong bagong kasal siya, hindi siya organisado, at malaki ang naging epekto nito sa kanilang mag-asawa. “Dahil hindi ko agad binabayaran ang bill namin,” ang sabi niya, “umabot nang libo-libong dolyar ang binayaran naming mag-asawa sa penalty. Naubos ang pera namin!”

Pangungutang. Napakadaling gumastos kapag hindi mo nakikita ang perang lumalabas sa iyo. Ganiyan ang puwedeng mangyari kapag gumagamit ka ng credit o debit card, electronic banking, at nagsa-shopping sa Internet. Dahil sa pangungutang, napakadali rin para sa mga bagong kasal na gumastos nang sobra-sobra.

Anuman ang dahilan, ang pera ay puwedeng magdulot ng malulubhang problema sa inyong pagsasama. “Sinasabi ng maraming mag-asawa na pera ang pangunahing problema nila, kahit marami sila nito,” ang sabi ng aklat na Fighting for Your Marriage. “Madalas pag-awayan ang pera.”

 ANG PUWEDE MONG GAWIN

Makipagtulungan. Sa halip na magsisihan, magtulungan sa pagkontrol ng inyong gastos. Sa simula pa lang, pagkasunduan na ninyo na hindi ninyo hahayaang sirain ng pera ang inyong pagsasama.Simulain sa Bibliya: Efeso 4:32.

Magbadyet. Isulat ang lahat ng gastos ninyo sa loob ng isang buwan, gaanuman ito kaliit. Sa gayon, matutukoy ninyo kung saan napupunta ang pera ninyo at kung ano ang mga di-kinakailangang gastusin.

Ilista ang lahat ng kinakailangang gastusin, kasama na ang pagkain, damit, upa o hulog sa bahay, bayad sa kotse, at iba pa. Lagyan ng ‘price tag’ ang bawat kategorya, at tayahin kung magkano ang magagastos ninyo para dito sa loob ng, halimbawa, isang buwan.Simulain sa Bibliya: Lucas 14:28.

“Ang nanghihiram ay lingkod ng taong nagpapahiram.”Kawikaan 22:7

Maglaan ng pondo buwan-buwan para sa magkakahiwalay na gastusin (pagkain, upa, gasolina, at iba pa). Ginagawa ito ng iba sa pamamagitan ng paglalagay ng cash sa mga envelope, isang envelope sa bawat kategorya. * Kapag naubos ang laman ng isang envelope, ihihinto na nila ang paggasta sa kategoryang iyon o kukuha sila ng pera mula sa ibang envelope.

Suriin ang pangmalas mo sa mga ari-arian. Ang kaligayahan ay hindi nakadepende sa pagkakaroon ng pinaka-latest na mga gamit. Tutal, sinabi ni Jesus: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Kadalasan nang makikita sa iyong paggasta kung talagang naniniwala ka sa mga salitang iyan.Simulain sa Bibliya: 1 Timoteo 6:8.

Gumawa ng mga pagbabago. “Sa umpisa, parang okey naman sa badyet ang mga bagay na gaya ng cable TV at pagkain sa labas, pero ’pag nagtagal, masakit na sa bulsa ang mga ito,” ang sabi ni Aaron, dalawang taon nang kasal. “Natutuhan naming tanggihan ang ilang bagay para makapamuhay kami ayon sa aming badyet.”

^ par. 4 Bagaman ang artikulong ito ay para sa mga bagong kasal, kapit sa lahat ng mag-asawa ang mga simulaing tinatalakay rito.

^ par. 14 Kung nagbabayad ka gamit ang electronic banking o credit card, ilagay sa bawat envelope ang listahan ng mga transaksiyon, sa halip na cash.