Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 SULYAP SA NAKARAAN

Mga Morisco—Pinalayas sa Espanya

Mga Morisco—Pinalayas sa Espanya

Sinasabing halos lahat ng ginawa ng mga Kastila sa malungkot na kuwentong ito ay dahil sa impluwensiya ng simbahan. Isa itong kuwento na sulit basahin.

GUSTO ng monarkiya ng Espanya na maging Kristiyanong Estado ito na may iisang kalipunan ng mga batas. Diumano, ang mga Morisco ay itinuturing na pagano, kaya naman ang pamamalagi nila ay isang malaking kasalanan sa mata ng Diyos. Pagkalipas ng maraming taon, nagkaroon ng isang desisyon. Ano iyon? Kailangang palayasin ang mga Morisco! *

SAPILITANG PAGKUMBERTE

Sa loob ng daan-daang taon, ang mga Moro sa Espanya—isang maliit na grupo ng mga Muslim na tinatawag na Mudéjar—ay namuhay nang payapa sa mga lupaing sakop ng mga Katoliko. Dati, may mga lugar na legal ang kanilang katayuan at pinapayagan silang sumunod sa sarili nilang batas at kaugalian, pati na sa sarili nilang relihiyon.

Pero noong 1492, sinakop ng mga Katolikong sina Haring Ferdinand II at Reyna Isabella ang Granada, ang huling bahagi ng Iberia na kontrolado pa rin ng mga Muslim. Bilang kasunduan ng pagsuko, ang mga Moro doon ay binigyan ng mga karapatang gaya ng sa mga Mudéjar. Pero di-nagtagal, pinatindi ng mga Katolikong lider ang pag-uusig at panggigipit na magpakumberte ang maliit na grupong ito ng  mga Muslim na nasasakupan nila. Nagprotesta ang mga Moro sa paglabag na ito sa napagkasunduan, kaya naghimagsik sila noong 1499. Pinatigil ito ng mga sundalo ng gobyerno, pero mula noon, ang mga Muslim sa iba’t ibang lugar ay pinilit na magpakumberte o kaya’y umalis ng bansa. Morisco ang itinawag ng mga Kastila sa mga nagpakumberte at nanatili sa Espanya.

“HINDI MABUBUTING KRISTIYANO NI TAPAT NA MGA SAKOP”

Pagsapit ng 1526, ipinagbawal ang Islam sa buong Espanya, pero palihim pa ring isinasagawa ng maraming Morisco ang kanilang relihiyon. Sa kalakhang bahagi, bilang isang grupo, napanatili nila ang kanilang sariling kultura.

Noong una, pinahihintulutan pa ang pagiging Katoliko ng mga Morisco kahit sa pangalan lang. Tutal, napapakinabangan naman sila bilang mga artisano, bihasang manggagawa, trabahador, at nagbabayad din sila ng buwis. Pero dahil ayaw nilang makiisa, kinainisan sila at nakaranas ng diskriminasyon mula sa gobyerno at mga mamamayan. Maaaring ang kawalang-katarungang ito ay dahil na rin sa hinala ng simbahan na hindi taimtim ang kanilang pagpapakumberte.

Di-nagtagal, ang pagpapahintulot ay napalitan ng pamimilit. Noong 1567, ipinaalám sa publiko ang desisyon ni Haring Philip II na ipagbawal ang wika, pananamit, kaugalian, at tradisyon ng mga Morisco. Dahil dito, nagkaroon na naman ng paghihimagsik at pagdanak ng dugo.

Tinatayang mga 300,000 Morisco ang napilitang umalis sa Espanya dahil sa matinding paghihirap

Ayon sa mga istoryador, kumbinsido ang mga tagapamahala ng Espanya na “ang mga Morisco ay hindi mabubuting Kristiyano ni tapat na mga sakop.” Dahil diyan, inakusahan ang mga Morisco ng pakikipagsabuwatan sa mga kalaban ng Espanya—mga piratang Barbary, mga Protestanteng Pranses, at mga Turko—para masalakay ng mga banyagang ito ang bansa. Dahil sa diskriminasyon at takot na magtaksil ang mga Morisco, nagpasiya si Philip III na palayasin sila noong 1609. * Nang sumunod na mga taon, ang mga taong pinaghihinalaang Morisco ay pinag-usig. Sa ganitong kahiya-hiyang pamamaraan, ang Espanya ay naging saradong Katoliko.

^ par. 4 Sa wikang Kastila, ang Morisco ay nangangahulugang “Mumunting Moro.” Ginagamit ng mga istoryador ang terminong ito sa di-mapanghamak na paraan para tumukoy sa mga dating Muslim na nagpakumberte sa Katolisismo at namalagi sa Iberian Peninsula matapos bumagsak ang huling kaharian ng mga Muslim doon noong 1492.

^ par. 12 Ipinapalagay rin ng mga istoryador na sa paanuman, isang tagapamahala ng Espanya ang nakinabang nang husto sa mga nakumpiskang lupain na pag-aari ng mga Morisco.