Pagmamasid sa Daigdig
Daigdig
Ang karahasan laban sa kababaihan ay naging “pangglobong problema sa kalusugan na parang epidemya,” ayon sa World Health Organization (WHO). “Mga 35% ng lahat ng babae ang daranas ng karahasan mula sa kanilang asawa o kinakasama, o kaya naman ay mula sa ibang tao,” ang sabi ng WHO. “Ang karahasan mula sa asawa o kinakasama ang pinakakaraniwan . . . , na nakaaapekto sa 30% ng mga babae sa buong daigdig.”
Britain
Sa 64,303 katao na sinurbey, 79 na porsiyento ang nagsabing “relihiyon ang isang sanhi ng pagdurusa at alitan sa mundo ngayon.” Karagdagan pa, natuklasan ng isang sensus sa England at Wales noong 2011 na 59 na porsiyento lang ng populasyon ang nagsasabing Kristiyano sila, na bumaba mula sa 72 porsiyento noong 2001. Nang panahon ding iyon, ang bilang ng mga nagsasabing wala silang relihiyon ay tumaas mula 15 hanggang 25 porsiyento.
China
Ayon sa report ng media, isang batas na inamyendahan kamakailan ang nagsasabing hindi lang dapat laging dalawin ng adultong mga anak ang kanilang nagkakaedad nang mga magulang kundi dapat din nilang asikasuhin ang “emosyonal na pangangailangan” ng mga ito. Ang batas ay “hindi nagtatakda ng anumang parusa” sa mga anak na hindi sumusunod dito.
Europa
Pinepeke na ngayon ng mga sindikato ang mga bilihing gaya ng kosmetik, sabong panlaba, at pati pagkain. “Kahit mumurahing ingredient, pinepeke na rin basta mapagkakakitaan,” ang sabi ng presidente ng isang food-security consultancy. Tinataya ng isang eksperto na 10 porsiyento ng pagkaing nabibili sa mauunlad na bansa ang may halo na.