Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Isang Malinaw at Mabisang Sagisag”

“Isang Malinaw at Mabisang Sagisag”

SA SILANGANG pampang ng Motoyasu River sa Hiroshima City, Japan, makikita ang isang gusali na nananatiling sirâ mula pa noong 1945. Bakit kaya halos 70 taon na ang nakalilipas, hindi pa rin ito ipinaaayos?

Ang tatlong-palapag na gusaling ito na yari sa laryo at argamasa ay naitayo noong 1915. Ginamit ito bilang exhibition hall para itaguyod ang komersiyo. Pero nabago iyan noong Agosto 6, 1945, alas-otso kinse ng umaga. Nang sandaling iyon, ang atomic bomb, na ginamit sa digmaan sa kauna-unahang pagkakataon, ay sumabog sa ere mga 550 metro sa ibabaw ng lunsod at halos sa tapat mismo ng exhibition hall. Namatay ang lahat ng nasa loob nito. Pero nakatayo pa rin ang gitnang bahagi ng gusali.

Ang sirang gusaling ito ay “isang malinaw at mabisang sagisag ng pinakamapangwasak na puwersang nilikha ng tao,” ang sabi ng isang artikulo ng UNESCO. * Noong 1996, ang gusaling ito ay idinagdag sa UNESCO World Heritage List bilang Hiroshima Peace Memorial.

Pero nakalulungkot, ang sagisag na ito ay hindi man lang nakapigil sa digmaan, na karaniwan nang dahil sa kasakiman, nasyonalismo, at pagkakapootan ng lahi, relihiyon, at tribo. Kung gayon, magwawakas pa ba ang mga digmaan?

Ang sagot ng Bibliya ay oo! “Pinatitigil [ng Diyos] ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa,” ang sabi ng Awit 46:9. “Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karwahe ay sinusunog niya sa apoy.” Kasabay nito, ang pamahalaan ng tao ay papalitan ng Diyos ng kaniyang sariling pamahalaan—ang Kaharian ng Diyos, sa kamay ni Jesu-Kristo, na itinalagang “Hari ng mga hari.”Apocalipsis 11:15; 19:16.

Pagkatapos nito, ang mga sagisag ng digmaan ay hindi na kakailanganin. “Ang mga dating bagay”—kabagabagan at dalamhati—“ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon,” ang sabi ng Isaias 65:17.

^ par. 4 United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization.