Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TAMPOK NA PAKSA

Mga Sekreto Para sa Masayang Buhay

Mga Sekreto Para sa Masayang Buhay

“Magiging masaya ako kapag nagkaasawa ako at nagkaanak.”

“Magiging masaya ako kapag nagkaroon ako ng sariling bahay.”

“Magiging masaya ako kapag nakuha ko ang trabahong iyon.”

“Magiging masaya ako kapag . . . ”

GANIYAN ka rin ba? Kapag naabot mo na ang tunguhin mo o nakuha mo na ang isang bagay na gusto mo, magiging masaya ka na ba habambuhay? O unti-unti rin itong maglalaho? Totoong nakapagpapasaya ang mga bagay na ito, pero pansamantala lang iyon. Ang habambuhay na kaligayahan ay hindi lang dahil sa mga naabot natin o sa mga bagay na nakuha natin. Sa halip, gaya ng mabuting kalusugan, ang tunay na kaligayahan ay may iba’t ibang dahilan.

Hindi tayo magkakapareho. Ang nagpapasaya sa iyo ay baka hindi naman nagpapasaya sa iba. Nagbabago rin tayo habang nagkakaedad. Pero may mga bagay na napatunayang talagang nakapagpapasaya sa buhay. Halimbawa, ang pagiging kontento, di-mainggitin, pagmamahal sa iba, at pagiging positibo at pagkakaroon ng matatag na kalooban ay nagdudulot ng tunay na kaligayahan. Tingnan natin kung bakit.

 1. MAGING KONTENTO

“Ang salapi ay pananggalang,” ang sabi ng isang nag-aral tungkol sa likas na ugali ng tao. Pero sinabi rin niya: “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita. Ito rin ay walang kabuluhan.” (Eclesiastes 5:10; 7:12) Ang punto niya? Kailangan natin ang pera para mabuhay, pero hindi tayo dapat maging sakim, dahil ang sakim ay walang kasiyahan! Sinubukan ng manunulat na si Haring Solomon ng sinaunang Israel kung magdudulot ng tunay na kaligayahan ang kayamanan at marangyang buhay. “Ang anumang bagay na naisin ng aking mga mata ay hindi ko inilayo sa mga ito,” ang sabi niya. “Hindi ko pinigilan ang aking puso sa anumang uri ng kasayahan.”Eclesiastes 1:13; 2:10.

Dahil sobrang yaman, si Solomon ay nagpatayo ng malalaking bahay, nagpagawa ng magagandang parke at mga tipunan ng tubig, at nagkaroon ng maraming katulong. Lahat ng gusto niya, nakukuha niya. Ano ang natutuhan niya? Naging masaya naman siya, pero hindi iyon nagtagal. “Narito! ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan,” ang sabi niya, “walang anumang kapaki-pakinabang.” Napoot pa nga siya sa buhay! (Eclesiastes 2:11, 17, 18) Oo, natutuhan niyang ang pagpapasarap sa buhay ay hindi nagpapasaya at walang kabuluhan. *

Totoo pa rin ba sa ngayon ang sinabing iyan ni Solomon? Sinabi ng isang artikulo sa Journal of Happiness Studies na “matapos masapatan ng isa ang pangunahin niyang mga pangangailangan, anumang sumobrang pera ay hindi makadaragdag sa kaligayahan niya.” Oo, ipinakikita ng mga pagsusuri na ang pagkakamal ng materyal, kapalit ng malinis na moral at kaugnayan sa Diyos, ay nag-aalis ng kaligayahan.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan.”Hebreo 13:5.

2. HUWAG MAINGGIT

Ang inggit ay ang “sakit o hinanakit na nadarama ng isa sa nakikitang kalamangan ng iba, kasabay ng pagnanasang sana’y ganoon din siya.” Gaya ng isang tumor, ang inggit ay nakaaapekto sa buhay ng isa at nag-aalis ng kaligayahan. Paano maaaring magsimula ang inggit? Paano natin masasabing naiinggit tayo? At paano natin ito malalabanan?

Sinasabi ng Encyclopedia of Social Psychology na ang mga tao ay may tendensiyang mainggit sa mga katulad nila, marahil sa edad, karanasan, o kalagayan sa lipunan. Halimbawa, baka hindi mainggit sa sikat na artista ang isang salesman. Pero baka mainggit siya sa katulad niyang salesman na nakaaangat sa kaniya.

Halimbawa, may ilang matataas na opisyal sa sinaunang Persia na nainggit, hindi sa hari, kundi sa isang opisyal din na nagngangalang Daniel. Dahil sa sobrang inis kay Daniel, nagpakana pa nga silang patayin ito! Pero nabigo sila. (Daniel 6:1-24) “Mahalagang makita ang masamang nagagawa ng inggit,” ang sabi ng nabanggit na ensayklopidiya. “Ito ang nagpapaliwanag kung bakit  ang inggit ay iniuugnay sa napakaraming kaso ng karahasan.” *

Ang inggit ay makaaapekto sa kakayahan ng isang tao na masiyahan sa mabubuting bagay

Paano mo masasabing naiinggit ka? Tanungin ang sarili: ‘Kapag nagtagumpay ang isang kasamahan, natutuwa ba ako o naiinis? Kapag nagkamali ang aking kapatid, matalinong kaklase, o katrabaho, nalulungkot ba ako o natutuwa?’ Kung ang sagot mo ay “naiinis” at “natutuwa,” posibleng naiinggit ka. (Genesis 26:12-14) “Ang inggit ay makaaapekto sa kakayahan ng isang tao na masiyahan sa mabubuting bagay at makapag-aalis ng pagpapahalaga sa maraming kaloob na dulot ng buhay. . . . Ang ganitong tendensiya ay hindi magdudulot ng kaligayahan,” ang sabi ng Encyclopedia of Social Psychology.

Malalabanan natin ang inggit kung tayo’y magiging tunay na mapagpakumbaba. Tutulong ito sa atin na magkaroon ng pagpapahalaga sa kakayahan at katangian ng iba. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo.”Filipos 2:3.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Huwag tayong maging egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.”Galacia 5:26.

3. MAHALIN ANG IBA

“May mas malaking epekto sa buhay ng mga tao ang nadarama nila sa iba kaysa sa kanilang trabaho, kita, komunidad, o maging sa kalusugan nila,” ang sabi ng aklat na Social Psychology. Sa madaling salita, para maging tunay na masaya ang mga tao, dapat silang magmahal at mahalin. “Kung . . . wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan,” ang sabi ng isang manunulat ng Bibliya.1 Corinto 13:2.

Hindi pa huli ang lahat. Halimbawa, ang tatay ni Vanessa ay abusado at alkoholiko. Noong 14-anyos si Vanessa, lumayas siya at nakitira sa iba’t ibang pamilya at sa isang bahay-ampunan na di-maganda ang sitwasyon kung kaya nakiusap siya sa Diyos na tulungan siya. Pagkatapos, sagot na rin siguro sa mga panalangin niya, pinatira siya sa isang pamilyang sumusunod sa sinasabi ng Bibliya na “ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait.” (1 Corinto 13:4) Dahil dito at sa mga natututuhan niya sa Bibliya, naghilom ang mga hinanakit niya at unti-unting nahasa ang kaniyang isip. “Sa school, ang mga grade ko na dati’y D at F ay naging A at B,” ang sabi niya.

Naaalaala pa rin ni Vanessa ang mga pinagdaanan niya. Pero masaya na siya ngayon kapiling ang asawa niya at dalawang anak na babae.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”Colosas 3:14.

 4. MAGING MATATAG AT POSITIBO

Sino nga ba ang walang problema? Gaya ng sabi sa Bibliya, may “panahon ng pagtangis” at “panahon ng paghagulhol.” (Eclesiastes 3:4) Kung matatag tayo, mahaharap natin ang mga problema. Tingnan natin ang karanasan nina Carol at Mildred.

Si Carol ay may problema sa gulugod, may diyabetis, sleep apnea, at macular degeneration na ikinabulag ng kaliwa niyang mata. Pero sinabi niya: “Hindi ko pinatatagal ang panghihina ng loob. Naaawa rin ako sa sarili ko. Pero inaalis ko ’yon sa isip ko at pinasasalamatan ang Diyos sa mga bagay na nagagawa ko pa, lalo na para sa iba.”

Si Mildred ay marami ring sakit gaya ng arthritis, breast cancer, at diyabetis. Pero gaya ni Carol, hindi siya nagpopokus sa mga problema niya. “Natutuhan kong mahalin at aliwin ang mga maysakit, na nakatulong sa akin,” ang sabi niya. “Sa totoo lang, kapag inaaliw ko ang iba, nalilimutan ko ang sarili kong problema.”

Masaya sina Carol at Mildred kapag inaaliw ang iba

Interesado naman silang dalawa na magpagamot. Pero hindi sila nakapokus doon, kundi sa kanilang saloobin at sa paggamit nila ng kanilang panahon. Kaya masaya sila at walang sinumang makapag-aalis nito. Marami ring nagmamahal sa kanila at inspirasyon sila ng mga dumaranas ng mga pagsubok.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Maligaya ang tao na patuloy na nagbabata ng pagsubok, sapagkat kapag sinang-ayunan siya ay tatanggapin niya ang korona ng buhay.”Santiago 1:12.

Kapag ikinapit, ang karunungan ng Bibliya ay nagiging “punungkahoy ng buhay para sa mga tumatangan dito, at yaong mga nanghahawakan dito nang mahigpit ay tatawaging maligaya.” (Kawikaan 3:13-18) Bakit hindi mo tuklasin ang katotohanang iyan sa pamamagitan ng pagkakapit ng karunungang nasa Bibliya? Tutal, gusto ng Awtor ng sagradong aklat na ito, na tinatawag na “maligayang Diyos,” na maging masaya ka rin.1 Timoteo 1:11.

^ par. 11 Ang ulat na ito ay nasa Eclesiastes 2:1-11.

^ par. 17 Ang isang kapansin-pansing kaso ay ang nangyari kay Jesu-Kristo. Sinasabi sa Marcos 15:10 na “dahil sa inggit ay ibinigay siya ng mga punong saserdote” para ipapatay.