“Ayokong Isipin ang Sakit Ko”
“Kailangan ko ng tulong sa tuwing hihiga ako at babangon sa kama. Nasasaktan ako kapag naglalakad. Nagsara ang lalamunan ko kaya hindi ako makalunok ng mga gamot para sa kirot. Nagkaroon ako ng mga sugat na di-gumagaling at ang ilan ay naging ganggrena na. Nagkaroon din ako ng ulcer at matinding heartburn. ‘Di ko maintindihan kung ano’ng nangyayari sa ‘kin. Sampung taóng gulang lang ako noon.”—Elisa.
SCLERODERMA—ibig sabihin, “matigas na balat”—ang tawag sa mga sakit na nagpapahirap sa mga 2.5 milyon katao sa buong daigdig. Localized scleroderma ang isang uri nito na karaniwan nang nakikita sa mga bata. Ang pangunahing sintomas ng sakit na ito ay paninigas ng mga tisyu ng balat.
Pero ang na-diagnose kay Elisa, sa edad na 10, ay systemic scleroderma. Naaapektuhan nito nang husto hindi lang ang balat kundi pati na ang mga internal organ, gaya ng bato, puso, baga, at gastrointestinal tract. Inisip ng mga doktor na kapag nagpagamot si Elisa, limang taon ang ihahaba ng buhay niya. Pero ngayon, makalipas ang mga 14 na taon, buháy na buháy pa rin si Elisa. Nananatili siyang positibo kahit hindi siya gumagaling. Ininterbyu ng Gumising! si Elisa tungkol sa kaniyang sakit at kung paano niya ito nakakayanan.
Kailan mo unang napansin na may problema ka sa kalusugan?
Noong siyam na taóng gulang ako, nasugatan ako sa siko, at napakasakit nito. Lumaki ang sugat at hindi ito gumagaling. Nang suriin ang dugo ko, nakitang may systemic scleroderma ako. Dahil mabilis na humina ang kalusugan ko, naghanap kami ng doktor na may karanasan sa sakit na ito.
Ano’ng nangyari sa paghahanap n’yo?
Nakahanap kami ng rheumatologist. Sinabi niya sa mga magulang ko na posibleng makontrol ang sakit ko at humaba pa nang limang taon ang buhay ko sa tulong ng chemotherapy. Ang problema, pahihinain nito ang immune system ko. Kahit simpleng sipon, puwede kong ikamatay.
‘Buti na lang, hindi nangyari ‘yon.
Nagpapasalamat nga ako’t buháy pa ako hanggang ngayon! Pero noong mga 12 anyos ako, nagsimula akong makaramdam ng matinding pananakit ng dibdib na tumatagal nang mga 30 minuto, dalawang beses sa isang araw kung minsan. Napapasigaw ako sa sobrang sakit.
Bakit kaya?
Natuklasan ng mga doktor na napakababa ng hemoglobin ko at na pagod na pagod ang puso ko sa pagbomba ng dugo papunta sa utak ko. Sa loob ng ilang linggo, nagamot naman ito. Pero inisip ko noon na puwedeng may mangyari sa ‘kin anumang oras. Ang lungkot-lungkot ko, at hindi ko na alam kung ano’ng gagawin ko.
Labing-apat na taon na mula nang ma-diagnose ang sakit mo. Kumusta ka na ngayon?
Lagi pa ring may masakit sa akin, at nagkaroon na rin ng mga komplikasyon ang scleroderma ko. Kasama na rito ang ulcer, lung fibrosis, at matinding heartburn. Pero ayokong isipin ang sakit ko o sayangin ang oras ko sa pagmumukmok. Marami pa akong ibang dapat gawin.
Gaya ng ano?
Mahilig akong magdrowing, manahi, at gumawa ng alahas. Pero ang pinakaimportante, bilang Saksi ni Jehova, nagtuturo ako ng Bibliya sa mga tao. Kapag hindi ako nakakapagbahay-bahay, sinisikap kong samahan ang ibang Saksi sa kanilang mga Bible study sa lugar namin. May sarili pa nga akong mga Bible study. Dahil sa ministeryo, nagkaroon ng kabuluhan ang buhay ko.
Bakit mo pa ginagawa ‘yan, hiráp na hiráp ka na nga sa sakit mo?
Alam ko kasing mahalaga at kapaki-pakinabang ang impormasyong ibinabahagi ko sa mga tao. Bukod diyan, kapag abala ako sa pagtulong sa iba, mas masaya ako. Pakiramdam ko pa nga, lumalakas ako! Sa mga pagkakataong iyon, nalilimutan kong may sakit ako.
Paano nakatulong ang Bibliya sa pagiging positibo mo?
Pinaaalalahanan ako nito na ang paghihirap ko, pati ng iba, ay pansamantala lang. Sinasabi ng Apocalipsis 21:4 na sa takdang panahon ng Diyos, “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Kapag naiisip ko ang mga tekstong gaya niyan, napapatibay ang pananampalataya ko sa pangako ng Diyos tungkol sa isang magandang kinabukasan—hindi lang para sa mga pinahihirapan ng malulubhang sakit kundi para sa lahat.