TAMPOK NA PAKSA | PRAKTIKAL PA BA ANG BIBLIYA SA NGAYON?
Mga Pamantayang Hindi Kumukupas —Pagpipigil sa Sarili
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Inilalabas ng hangal ang kaniyang buong espiritu, ngunit siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon.”—Kawikaan 29:11.
“Para akong inagaw sa kamatayan!”
MGA PAKINABANG: Kung ililista mo ang lahat ng pakinabang ng pagpipigil sa sarili, mangangailangan ka ng napakaraming papel! Sa kalusugan pa lang, may pakinabang na ito. “Ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan,” ang sabi ng Bibliya. Sinasabi rin nito na “ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.” (Kawikaan 14:30; 17:22) Sa kabaligtaran, ipinakikita ng mga pagsusuri na ang mga taong magagalitin at madalas makipagtalo ay mas malamang na magkasakit, lalo na sa puso. Pero siyempre, marami pang ibang pakinabang ang pagpipigil sa sarili.
Sinabi ni Cassius, mahigit 30 anyos: “Palaaway ako noon at mainitin ang ulo. Halos wala akong respeto sa sarili ko. Pero nagbago ang lahat ng ’yan nang ikapit ko ang mga simulain sa Bibliya. Natutuhan kong kontrolin ang galit ko, at naging mapagpakumbaba ako at mapagpatawad. Kung hindi, siguro nasa kulungan na ’ko ngayon. Para akong inagaw sa kamatayan!”