MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Balbas ng Pusa
ANG mga pusa ay karaniwang aktibo sa gabi. Lumilitaw na ang mga balbas nila ay tumutulong para matukoy nila ang kalapít na mga bagay at makahuli ng biktima, partikular na kapag madilim.
Pag-isipan ito: Ang mga balbas ng pusa ay nakakabit sa mga tissue na maraming nerve. Ang mga nerve na ito ay sensitibo sa kahit bahagyang paggalaw ng hangin. Bilang resulta, nadedetek ng pusa ang kalapít na mga bagay kahit hindi nito nakikita ang mga iyon
Dahil ang mga balbas ng pusa ay sensitibo sa galaw, ginagamit nila ito para matukoy ang lokasyon at pagkilos ng isang bagay o ng magiging biktima nila. Nakakatulong din ang kanilang balbas para matantiya ang laki ng isang butas bago nila ito pasukin. Sinasabi ng Encyclopædia Britannica na “hindi pa gaanong nauunawaan ang silbi ng mga balbas (vibrissae); pero alam natin na kapag pinutol ang mga ito, ang pusa ay pansamantalang mawawalan ng kakayahan.”
Ang mga siyentipiko ay nagdidisenyo ng mga robot na may sensor na katulad ng sa balbas ng pusa. Tutulong ito sa mga robot na maiwasan ang mga sagabal sa kanilang dinaraanan. Ang mga sensor na ito, tinatawag na e-whiskers, “ay magagamit sa maraming paraan sa advanced robotics, sa pagpapadali ng interaksiyon sa pagitan ng tao at computer, at sa iba pang nabubuhay na mga bagay,” ang sabi ni Ali Javey, isang siyentipiko sa faculty ng University of California sa Berkeley.
Ano sa palagay mo? Ang mga balbas ba ng pusa ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?