Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Turuan ang mga Anak na Magpigil sa Sarili

Turuan ang mga Anak na Magpigil sa Sarili

ANG HAMON

Parang walang alam ang anim-na-taóng gulang na anak mo tungkol sa pagpipigil sa sarili. Kapag may nakita siyang bagay na gusto niya, gusto niyang makuha iyon ngayon na! Kapag galít siya, kung minsan ay sumisigaw siya. Baka isipin mo, ‘Normal lang ba ang ganitong asal para sa isang bata? Lilipas din kaya ito paglaki niya, o panahon na para turuan ko siyang magpigil sa sarili?’

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Sinisira ng lipunan sa ngayon ang pagpipigil sa sarili. “Sa ating kunsintidor na lipunan, madalas marinig ng mga adulto at mga bata ang mensahe na dapat nating gawin ang anumang gusto natin,” ang isinulat ni Dr. David Walsh. “Mula sa nagmamalasakit na mga tagapayo hanggang sa mga manggagantso, lagi nating naririnig na dapat nating pagbigyan ang ating mga kagustuhan.” *

Mahalagang ituro ang pagpipigil sa sarili mula sa murang edad. Sa isang pangmatagalang pag-aaral, binigyan ng mga mananaliksik ang isang grupo ng mga batang apat na taóng gulang ng tig-iisang marshmallow at sinabihan sila na puwede nila itong kainin agad o kaya naman ay maghintay nang kaunti at bibigyan sila ng isa pang marshmallow bilang gantimpala sa kanilang paghihintay. Nang maglaon, pagka-graduate sa high school, ang mga batang nagpakita ng pagpipigil sa sarili sa edad na apat ay mas mahuhusay pagdating sa emosyon, pakikitungo sa iba, at sa pag-aaral kaysa sa mga batang hindi nakapaghintay.

May masasamang resulta ang hindi pagtuturo ng pagpipigil sa sarili. Naniniwala ang mga mananaliksik na nakaaapekto sa pag-develop ng utak ng bata ang mga karanasan nito. Ipinaliwanag ni Dr. Dan Kindlon kung ano ang ibig sabihin niyan: “Kung pinamimihasa natin ang ating mga anak, kung hindi natin sila tinuturuang maghintay, ipagpaliban ang kasiyahan, at labanan ang tukso, hindi mangyayari ang mga pagbabago sa utak na iniuugnay natin sa pagkakaroon ng mahusay na pagkatao.” *

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Magpakita ng halimbawa. Kumusta ka pagdating sa pagpapakita ng pagpipigil sa sarili? Nakikita ka ba ng anak mo na nagagalit kapag trapik, sumisingit sa pila sa groseri, o sumasabad kapag nag-uusap ang iba? “Para maituro sa ating mga anak ang pagpipigil sa sarili, ang pinakatuwirang paraan ay ang pagpapakita natin mismo nito,” ang isinulat ni Kindlon.—Simulain sa Bibliya: Roma 12:9.

Ituro sa iyong anak ang masasamang resulta. Depende sa edad ng iyong anak, ipakita sa kaniya na may mga pakinabang kung paglalabanan niya ang kaniyang mga kagustuhan at may masasamang resulta kung pagbibigyan niya ang mga ito. Halimbawa, kung nagagalit siya dahil sa di-magandang pakikitungo sa kaniya ng iba, tulungan siyang huminto at mag-isip-isip: ‘Makabubuti ba o makasasamâ kung gaganti ako? Mayroon bang mas magandang paraan para harapin ang sitwasyon—marahil magbilang nang hanggang 10 at hintaying lumamig ang ulo ko? Makabubuti kayang umalis na lang ako?’—Simulain sa Bibliya: Galacia 6:7.

Bigyan siya ng komendasyon. Purihin ang iyong anak kapag nakapagpakita siya ng pagpipigil sa sarili. Sabihin sa kaniya na hindi laging madaling kontrolin ang kaniyang mga kagustuhan pero tanda ng kalakasan kapag nagawa niya iyon. Sinasabi ng Bibliya: “Gaya ng lunsod na nilusob, na walang pader, ang taong hindi nagpipigil ng kaniyang espiritu.” (Kawikaan 25:28) Sa kabaligtaran, “siyang mabagal sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa sa makapangyarihang lalaki.”—Kawikaan 16:32.

Magpraktis. Gumawa ng game na gaya ng “Ano’ng Gagawin Mo?” o “Mabuti o Masama?” o iba pang katulad nito, kung saan pag-uusapan ninyo ang potensiyal na mga sitwasyon at isasadula ang posibleng mga reaksiyon, at sasabihin kung ang mga iyon ay “mabuti” o “masama.” Maging malikhain: Kung gusto mo, gumamit ng mga puppet, drowing, o iba pang paraan para maging kasiya-siya ito at nakapagtuturo. Ang tunguhin mo ay tulungan ang iyong anak na maunawaang mas mabuti ang magpigil sa sarili kaysa sa magpadalos-dalos.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 29:11.

Maging mapagpasensiya. Sinasabi ng Bibliya na “ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata.” (Kawikaan 22:15) Kaya huwag umasang matututo agad na magpigil sa sarili ang iyong anak. “Ito’y isang mahaba at mabagal na proseso na may kasamang pagsulong, pagkabigo, at higit pang pagsulong,” ayon sa aklat na Teach Your Children Well. Pero sulit ang pagsisikap. “Ang bata na marunong tumanggi,” pagpapatuloy ng aklat, “ay mas nasa kalagayang tanggihan ang droga sa edad na dose o ang sex sa edad na katorse.”

^ par. 6 Mula sa aklat na No: Why Kids—of All Ages—Need to Hear It and Ways Parents Can Say It.

^ par. 8 Mula sa aklat na Too Much of a Good Thing—Raising Children of Character in an Indulgent Age.