Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | KABATAAN

Kung Paano Magkakaroon ng Tunay na Kaibigan

Kung Paano Magkakaroon ng Tunay na Kaibigan

ANG HAMON

Dahil sa teknolohiya, makaka-connect ka na ngayon sa mas maraming tao—at mas madali na itong gawin. Pero baka hindi naman tunay ang ugnayang iyan. Sinabi ng isang kabataang lalaki: “Parang hindi naman nagtatagal ang pakikipagkaibigan ko. Pero ang Daddy ko at ang mga kaibigan niya, malalapít pa rin sila sa isa’t isa kahit napakatagal na!”

Bakit nagiging isang hamon sa ngayon ang pagkakaroon ng nagtatagal at tunay na pagkakaibigan?

ANG DAPAT MONG MALAMAN

Maaaring teknolohiya ang isang dahilan. Ang texting, social networking, at iba pang social media ay waring nakatutulong para mapanatili ang pagkakaibigan kahit hindi nagkikita. Pinalitan na ng mga text at tweet ang makabuluhang pag-uusap. “Iilan na lang ang nag-uusap nang mukhaan,” ang sabi ng aklat na Artificial Maturity. “Mas maraming panahon ang ginugugol ng mga estudyante sa harap ng computer kaysa sa pag-uusap nang mukhaan.”

Dahil sa teknolohiya, may mga pagkakataong parang nagiging mas malapít ang magkaibigan, pero ang totoo, hindi naman. “Nitong nakaraan,” ang sabi ng 22-anyos na si Brian, * “na-realize ko na matrabaho pala ang pagte-text sa mga kaibigan para kumustahin sila. Kaya hindi na ako nag-text para makita ko kung ilan sa kanila ang kusang kokontak sa akin. Ang totoo, kakaunti lang. Nakita kong hindi pala ako gano’n ka-close sa ilang kaibigan ko gaya ng iniisip ko.”

Pero hindi ba’t nakatutulong ang texting at social media para makausap ang mga kaibigan mo at sa gayo’y mapatibay ang pagkakaibigan ninyo? Oo—lalo na kung hindi lang sa ganitong paraan kayo nag-uusap. Ang social media ay kadalasan nang parang isang tulay na nagko-connect sa inyo, pero malayo pa rin kayo sa isa’t isa.

ANG PUWEDE MONG GAWIN

Alamin ang kahulugan ng tunay na pagkakaibigan. Inilalarawan sa Bibliya ang isang kaibigan bilang isa na “mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” (Kawikaan 18:24) Ganiyang uri ba ng kaibigan ang gusto mo? Ganiyang uri ka ba ng kaibigan? Para masagot mo ang mga tanong na iyan, isulat ang tatlong katangiang gusto mo sa isang kaibigan. Pagkatapos, isulat ang tatlong katangiang maipakikita mo sa isang kaibigan. Tanungin ang sarili: ‘Sino sa mga online contact ko ang nagpapakita ng mga katangiang gustong-gusto ko sa isang kaibigan? Ano’ng mga katangian ang gusto niyang ipakita ko sa kaniya?’—Simulain sa Bibliya: Filipos 2:4.

Magtakda ng mga priyoridad. Ang pagkakaibigan online ay madalas na dahil lang sa pagkakaroon ng magkaparehong interes, gaya ng libangan. Pero mas mahalaga ang magkatulad na prinsipyo kaysa sa magkaparehong interes. “Maaaring kaunti lang ang kaibigan ko,” ang sabi ng 21-anyos na si Leanne, “pero ang mga kaibigan kong ito ang tumutulong sa akin na maging mas mabuting tao.”—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 13:20.

Makisalamuha sa iba. Walang maikukumpara sa pag-uusap nang mukhaan, kung saan maoobserbahan ninyong pareho ang maliliit na detalye gaya ng tono ng boses, ekspresyon ng mukha, at galaw ng katawan.—Simulain sa Bibliya: 1 Tesalonica 2:17.

Gumawa ng liham. Kahit parang makaluma ang pagliham, nagpapahiwatig naman ito ng pagmamalasakit sa isa at na gusto mong ibigay sa kaniya ang iyong buong atensiyon. Ang gayong atensiyon ay bihira na ngayon. Halimbawa, sa aklat na Alone Together, isinulat ni Sherry Turkle ang tungkol sa isang kabataang lalaki na nagsabing wala siyang matandaang may sumulat sa kaniya sa buong buhay niya. Tungkol sa panahong nagsusulatan ang mga tao, sinabi niya: “Nami-miss ko ang panahong iyon kahit hindi pa ako ipinanganganak no’n.” Bakit hindi mo gawin ang lumang paraang iyan para makipagkaibigan?

Tandaan: Ang tunay na pagkakaibigan ay hindi lang basta kumustahan. Kailangang makita sa iyo at sa kaibigan mo ang pagmamahal, empatiya, pagpapasensiya, at pagpapatawad. Ang mga katangiang iyan ay makatutulong para maging kapaki-pakinabang ang pagkakaibigan. Pero hindi mo maipakikita ang mga iyon online.

^ par. 8 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.