TULONG PARA SA PAMILYA | KABATAAN
Kapag Namatay ang Iyong Magulang
ANG HAMON
Anim na taon lang si Dami nang mamatay ang tatay niya dahil sa aneurysm. Siyam na taóng gulang naman si Derrick nang mamatay ang tatay niya dahil sa sakit sa puso. Si Jeannie ay pitong taóng gulang nang mamatay ang nanay niya matapos ang isang-taóng pakikipaglaban sa ovarian cancer. *
Napakaaga nilang namatayan ng mahal sa buhay. Ganiyan din ba ang kuwento ng buhay mo? Kung oo, matutulungan ka ng artikulong ito na makayanan ang pangungulila. * Pero alamin muna natin ang ilang bagay tungkol sa pangungulila.
ANG DAPAT MONG MALAMAN
Maraming paraan sa pagdadalamhati. Ibig sabihin, ang paraan mo ng paglalabas ng iyong nadarama ay baka hindi katulad ng sa iba. “Walang sinusunod na simpleng parisan o listahan ng mga alituntunin para makayanan ang pagdadalamhating dulot ng kamatayan,” ang sabi ng aklat na Helping Teens Cope With Death. Ang mahalaga ay hindi natin sinasarili ang ating pangungulila. Bakit? Dahil . . .
Nakasasamâ ang pagkikimkim ng nadaramang pangungulila. Si Jeannie, na binanggit sa simula, ay nagsabi: “Sinabi ko sa sarili ko na kailangan kong magpakatatag para sa nakababata kong kapatid, kaya sinarili ko na lang ang nararamdaman ko. Kahit ngayon, madalas na hindi ko ipinakikitang nasasaktan ako, at hindi iyon nakabubuti sa akin.”
Sang-ayon diyan ang mga eksperto. “Hindi mo maikakaila o maitatago ang damdamin mo habang panahon,” ang sabi ng aklat na The Grieving Teen. “Lalabas at lalabas iyon sa panahong hindi mo inaasahan, posibleng sa pamamagitan ng silakbo ng emosyon o pagkakasakit.” Sa pagsisikap na kalimutan ang kinikimkim na pangungulila, maaaring bumaling ang isa sa pag-abuso sa alak o droga.
Posibleng makadama ng nakalilitong damdamin ang isang nangungulila. Halimbawa, may ilang nagagalit sa namatay dahil pakiramdam nila ay inabandona sila. Sinisisi ng iba ang Diyos, at iniisip na dapat sana ay hindi niya hinayaang mangyari iyon. Sinisisi naman ng marami ang sarili nila dahil sa nagawa o nasabi nila sa namatay, kasi hindi na sila makahingi ng tawad.
Maliwanag, hindi simpleng proseso ang pangungulila. Ano ang makatutulong para makapagpatuloy ka sa buhay?
ANG PUWEDE MONG GAWIN
Makipag-usap. Sa ganitong mga panahon, malamang na mas gusto mong mapag-isa. Pero ang pagsasabi ng niloloob mo sa isang kapamilya o kaibigan ay makatutulong para makayanan mo ang kirot na nadarama mo at huwag madaig ng trahedyang ito.—Simulain sa Bibliya: Kawikaan 18:24.
Gumawa ng diary. Magsulat ng mga bagay tungkol sa namatay na magulang. Halimbawa, ano ang hinding-hindi mo makakalimutan sa kaniya? Isulat ang magagandang katangian niya. Alin sa mga iyon ang gusto mong tularan?
Kung hindi mawala-wala ang mga negatibong kaisipan—halimbawa, kung lagi mong naiisip ang tungkol sa masasakit na nasabi mo sa iyong magulang bago siya namatay—isulat kung ano ang nadarama mo at kung bakit. Halimbawa, “Nakokonsensiya ako kasi nagtalo kami ni Tatay isang araw bago siya mamatay.”
Sumunod, tingnan kung talagang makatuwiran ang paninisi mo sa iyong sarili. “Hindi mo masisisi ang sarili mo dahil hindi mo naman alam na wala ka nang pagkakataong mag-sorry,” ang sabi ng The Grieving Teen. “Hindi makatotohanang isipin na ang isa ay hindi makapagsasalita o makagagawa ng isang bagay na kailangan niyang ihingi ng tawad sa bandang huli.”—Simulain sa Bibliya: Job 10:1.
Alagaan ang iyong sarili. Matulog at mag-ehersisyo nang sapat, at kumain ng masusustansiyang pagkain. Kung wala kang gana, kumain nang ilang beses sa maghapon ng kahit kaunti pero masustansiyang meryenda—hanggang sa bumalik ang iyong gana. Huwag daanin sa junk food o alak ang iyong pangungulila. Lalo lang nitong palalalain ang sitwasyon.
Manalangin sa Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.” (Awit 55:22) Ang pananalangin ay hindi lang nakapagpapagaan ng loob. Pakikipag-usap ito sa Diyos na ‘umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.’—2 Corinto 1:3, 4.
Ginagamit ng Diyos ang kaniyang Salita, ang Bibliya, para aliwin ang mga nagdadalamhati. Bakit hindi mo alamin ang itinuturo nito tungkol sa tunay na kalagayan ng mga patay at ang pag-asang pagkabuhay-muli? *—Simulain sa Bibliya: Awit 94:19.
^ par. 4 Mababasa mo rin ang kuwento ng buhay nina Dami, Derrick, at Jeannie sa susunod na artikulo.
^ par. 5 Ang artikulong ito ay para sa namatayan ng magulang, pero ang mga prinsipyong tatalakayin dito ay puwede rin sa namatayan ng kapatid o kaibigan.
^ par. 19 Tingnan ang kabanata 16 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1. Mada-download ito nang libre sa www.mr1310.com/tl. Tingnan sa PUBLIKASYON.