Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapag Nangungulila ang mga Anak

Kapag Nangungulila ang mga Anak

Nagdadalamhati ka ba sa pagkamatay ng isang kapamilya? Kung oo, paano mo makakayanan ang pangungulila? Tingnan natin kung paano nakatulong ang Bibliya sa tatlong kabataan para maharap nila ang mahirap na sitwasyong ito.

ANG KUWENTO NI DAMI

Dami

Noong una, parang pangkaraniwang sakit lang ng ulo ang nararamdaman ng tatay ko. Pero nang sobra na ang sakit, tumawag na si Nanay ng ambulansiya. Tanda ko pa noong kunin siya ng paramedik. Wala akong kamalay-malay na iyon na pala ang huling pagkakataong makikita ko siya nang buhay. Namatay si Tatay pagkaraan ng tatlong araw dahil sa aneurysm. Anim na taóng gulang lang ako noon.

Ilang taon ko ring sinisisi ang sarili ko sa pagkamatay niya. Hindi ko makalimutan ang eksena habang kinukuha siya ng paramedik, ’tapos ay tinatanong ko ang sarili ko: ‘Bakit nakatayo lang ako? Bakit wala akong ginawa?’ Nakikita ko ang matatanda na may problema sa kalusugan at nasasabi ko, ‘Mabuti pa sila buhay pa, samantalang ang tatay ko, wala na.’ Pagkatapos, tinulungan ako ni Nanay na mailabas ang niloloob ko. At bilang Saksi ni Jehova, nadama namin ang suporta ng kongregasyon.

Akala ng iba, sa mismong araw lang ng trahedya ang pagdadalamhati at pagkatapos ay mawawala na, pero hindi iyan totoo sa akin. Nadama ko lang talaga ang pangungulila noong tin-edyer na ako.

Ang masasabi ko sa mga kabataang namatayan ng magulang, “Sabihin n’yo sa iba ang pinagdaraanan n’yo. Kung mas maaga n’yong mailalabas ang inyong nadarama, mas makakabuti ito sa inyo.”

Totoo, mahirap na wala si Tatay sa mahahalagang pangyayari sa buhay ko. Pero nakatulong sa akin ang pangako ng Bibliya sa Apocalipsis 21:4. Sinasabi doon na malapit nang ‘pahirin ng Diyos ang bawat luha sa ating mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.’

ANG KUWENTO NI DERRICK

Derrick

Ang ilan sa hindi ko makakalimutan kay Tatay ay ang pamimingwit namin at pagkakamping sa bundok. Gustong-gusto niyang magpunta sa kabundukan.

Matagal-tagal ding pinahirapan si Tatay ng sakit sa puso. Tanda ko pa noong bata ako, minsan o dalawang beses ko siyang dinalaw sa ospital. Pero hindi ko alam na malala pala ang sakit niya. Namatay si Tatay sa sakit sa puso noong siyam na taóng gulang ako.

Noong mamatay siya, iyak ako nang iyak. Parang hindi ako makahinga at ayokong makipag-usap kahit kanino. Noon ko lang naramdaman ang kirot na iyon, at wala na akong gustong gawin. Sa umpisa, dinamayan ako ng mga kasama kong kabataan sa simbahan namin, pero sandali lang iyon. Sinasabi nila, “Oras na ng tatay mo” o “Tinawag na siya ng Diyos” o “Nasa langit na siya ngayon.” Hindi nakatulong sa akin ang mga sinabi nila, pero hindi ko naman talaga alam ang itinuturo ng Bibliya tungkol doon.

Pagkatapos, nakipag-aral ng Bibliya si Nanay sa mga Saksi ni Jehova, at di-nagtagal, sumali na rin kami ni Kuya sa pag-aaral. Nalaman namin ang tungkol sa kalagayan ng mga patay pati na ang magandang pangako ng Diyos na pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Pero ang teksto na talagang nakatulong sa akin ay ang Isaias 41:10. Sinabi ng Diyos: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo. Huwag kang luminga-linga, sapagkat ako ang iyong Diyos. Patitibayin kita. Talagang tutulungan kita.” Alam kong nasa tabi ko si Jehova, at napakalaking tulong nito sa akin noong nangungulila ako at maging hanggang sa ngayon.

ANG KUWENTO NI JEANNIE

Jeannie

Noong pitong taóng gulang ako, namatay sa kanser si Nanay. Parang nananaginip lang ako noong araw na iyon. Tanda ko pa na sa bahay siya binawian ng buhay. Nandoon sina lolo’t lola, kalmado silang lahat, at pritong itlog ang hapunan namin. Parang unti-unting gumuho ang mundo ko.

Noong panahong iyon—at sa loob ng ilang taon pagkatapos noon—inisip kong kailangan kong magpakatatag para sa aking maliit na kapatid. Kaya sinarili ko lang ang nadarama kong lungkot. Hanggang ngayon, kapag nalulungkot ako, madalas na kinikimkim ko lang ito. At hindi iyon nakabuti sa akin.

Hindi ko malilimutan ang pag-ibig at suporta sa amin ng mga kapuwa Saksi ni Jehova sa loob ng kongregasyon. Kahit bago pa lang kaming dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall, dinamayan kami ng aming kapananampalataya na parang matagal na nila kaming kapamilya. Parang hindi nga nagluto ng hapunan si Tatay sa buong santaon dahil laging may nagdadala nito.

Ang tekstong tumatak sa isip ko ay ang Awit 25:16, 17. Doon, nakiusap sa Diyos ang salmista: “Iharap mo sa akin ang iyong mukha, at pagpakitaan mo ako ng lingap; sapagkat ako ay nag-iisa at napipighati. Ang mga kabagabagan ng aking puso ay dumami; mula sa aking mga kaigtingan O ilabas mo ako.” Nakapagpapatibay malaman na hindi ka talaga nag-iisa kapag nalulungkot ka. Aalalayan ka ng Diyos. Sa tulong ng Bibliya, nakapagpatuloy ako sa buhay at nakapagpokus sa mga positibong bagay, gaya ng magandang pangako na pagkabuhay-muli. Umaasa akong magkakasama kaming muli ni Nanay sa paraisong lupa kung saan wala na siyang sakit.—2 Pedro 3:13.

Gusto mo bang matuto nang higit pa tungkol sa nakapagpapatibay na mensahe ng Bibliya para sa mga nangungulila? Mag-download ng libreng kopya ng publikasyong “Kapag Namatay ang Iyong Minamahal.” Magpunta sa www.mr1310.com/tl, at tingnan sa PUBLIKASYON > AKLAT AT BROSYUR.