ANG PANGMALAS NG BIBLIYA
Krus
Iniisip ng marami na ang krus ay sagisag ng Kristiyanismo. Pero hindi lahat ay naniniwala na dapat itong isuot o idispley sa bahay at simbahan.
Si Jesus ba ay namatay sa krus?
ANG SINASABI NG IBA
Pinatay ng mga Romano si Jesus sa pamamagitan ng pagbitin sa krus na gawa sa dalawang piraso ng kahoy.
ANG SABI NG BIBLIYA
Si Jesus ay “ibinitin sa poste” hanggang sa mamatay. (Gawa 5:30, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Ipinakikita ng dalawang salitang ginamit ng mga manunulat ng Bibliya na ang instrumentong ginamit para patayin si Jesus ay isang piraso lang ng kahoy, hindi dalawa. Ayon sa Crucifixion in Antiquity, ang ibig sabihin ng salitang Griego na stau·rosʹ ay “isang poste, sa pinakamalawak na kahulugan. Hindi ito katumbas ng ‘krus.’” Ang salitang xyʹlon na ginamit sa Gawa 5:30 ay “isa lamang patindig na istaka o tulos kung saan ipinako ng mga Romano ang mga sinasabing pinatay sa krus.” *
Iniuugnay rin ng Bibliya ang paraan ng pagpatay kay Jesus sa kautusan para sa sinaunang Israel. Itinakda ng kautusan: “Kung ang isang lalaki ay magkaroon ng isang kasalanang nararapat sa hatol na kamatayan, at pinatay siya, at ibinitin mo siya sa isang tulos, . . . yaong nakabitin ay isang bagay na isinumpa ng Diyos.” (Deuteronomio 21:22, 23) Tinukoy ni apostol Pablo ang kautusang iyan nang isulat niya na si Jesus ay naging “isang sumpa na kapalit natin, sapagkat nasusulat: ‘Isinumpa ang bawat tao na nakabayubay sa tulos [xyʹlon].’” (Galacia 3:13) Kaya ipinakita ni Pablo na si Jesus ay namatay sa tulos—sa isang piraso ng kahoy.
“Pinatay nila siya nang ibitin siya sa punongkahoy.”—Gawa 10:39, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Ginamit ba ng mga alagad ni Jesus ang krus sa pagsamba sa Diyos o bilang sagisag ng Kristiyanismo?
ANG SABI NG BIBLIYA
Walang sinasabi sa Bibliya na ang unang mga Kristiyano ay gumamit ng krus bilang sagisag ng kanilang pagsamba. Sa halip, ang mga Romano noong panahong iyon ang gumamit ng krus bilang sagisag ng kanilang mga diyos. Pagkatapos, mga 300 taon pagkamatay ni Jesus, ginamit ng Romanong emperador na si Constantino ang krus para sumagisag sa kaniyang hukbo, at nang maglaon ay iniugnay ito sa simbahang “Kristiyano.”
Kung ang mga pagano ay gumamit ng krus sa pagsamba sa kanilang diyos, gagamitin din kaya ito ng mga alagad ni Jesus sa kanilang pagsamba sa tunay na Diyos? Alam nila na matagal nang hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang pagsambang gumagamit ng “anyo ng anumang sagisag” at na dapat silang “tumakas . . . mula sa idolatriya.” (Deuteronomio 4:15-19; 1 Corinto 10:14) “Ang Diyos ay Espiritu,” na hindi nakikita ng mga mata ng tao. Kaya hindi gumamit ang unang mga Kristiyano ng mga bagay at sagisag na nakikita o nahahawakan para mas mapalapít sila sa Diyos. Sa halip, sinamba nila ang Diyos “sa espiritu,” ibig sabihin, pinapatnubayan sila ng di-nakikitang banal na espiritu ng Diyos. Sinamba rin nila ang Diyos sa “katotohanan,” ibig sabihin, kaayon ito ng kalooban ng Diyos gaya ng makikita sa Kasulatan.—Juan 4:24.
“Sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:23.
Paano maipakikita ng mga Kristiyano ang kanilang paggalang kay Jesu-Kristo?
ANG SINASABI NG MGA TAO
“Natural lang at makatuwiran na pagpakitaan ng natatanging paggalang at karangalan ang naging instrumento para sa kaligtasan. . . . Ang isa na sumasamba sa mga imahen ay sumasamba sa personang inilalarawan nito.”—New Catholic Encyclopedia.
ANG SABI NG BIBLIYA
Malaki ang utang na loob ng mga Kristiyano kay Jesus. Dahil sa kaniyang kamatayan, naging posible na mapatawad ang kanilang kasalanan, makalapit sa Diyos, at magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16; Hebreo 10:19-22) Hindi sinabi na para maipakita nila ang paggalang sa regalong iyon, ididispley nila ang sagisag ni Jesus o basta lang ipahahayag na naniniwala sila sa kaniya. Sa katunayan, “ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ay patay.” (Santiago 2:17) Dapat patunayan ng mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya kay Jesus. Paano?
“Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nag-uudyok sa amin,” ang sabi ng Bibliya, “sapagkat ito ang aming inihahatol, na ang isang tao ay namatay para sa lahat . . . Yaong mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa kanila at ibinangon.” (2 Corinto 5:14, 15) Dahil sa ipinakitang pag-ibig ni Kristo, nauudyukan ang mga Kristiyano na patuloy na tularan ang kaniyang halimbawa. Sa ganitong paraan nila napararangalan si Jesus, at hindi sa paggamit ng sagisag sa pagsamba.
“Ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat isa na nakakakita sa Anak at nananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 6:40.
^ par. 8 A Critical Lexicon and Concordance to the English and Greek New Testament, 11th Edition, ni Ethelbert W. Bullinger, pahina 818-819.