ARAL 6
Kailangan ang mga Pamantayang Moral
ANO ANG PAMANTAYANG MORAL?
Malinaw sa taong may pamantayang moral kung ano ang tama at mali. Hindi siya nagpapadala sa nararamdaman niya sa kasalukuyan, kundi nanghahawakan sa mga prinsipyo, kahit walang nakakakita sa kaniya.
BAKIT MAHALAGANG MAGKAROON NG PAMANTAYANG MORAL?
Nagkalat sa ngayon ang lahat ng klase ng maling ideya tungkol sa kung ano ang tama at mali. Nakukuha ito ng mga bata sa kanilang mga kaklase, sa musikang pinakikinggan nila, o sa mga pelikula at palabas sa TV. Dahil dito, baka kuwestiyunin nila ang itinuturo ng kanilang mga magulang tungkol sa tama at mali.
Totoo ito lalo na sa mga tin-edyer. Ayon sa aklat na Beyond the Big Talk, “kailangan nilang maintindihan na mapapaharap sila sa panggigipit ng mga kaibigan at ng media na kumilos sa paraang katanggap-tanggap sa nakararami, at kailangan nilang magdesisyon ayon sa sarili nilang pamantayan, kahit salungat ito sa gusto ng mga kaibigan nila.” Maliwanag, kailangang simulan ang pagsasanay bago magtin-edyer ang mga anak.
KUNG PAANO ITUTURO ANG PAMANTAYANG MORAL
Magkaroon ng pamantayan ng tama at mali.
PRINSIPYO SA BIBLIYA: ‘Ang mga maygulang ay gumagamit ng kanilang kakayahang umunawa at sinasanay nila itong makilala ang tama at mali.’—Hebreo 5:14.
-
Linawin kung ano ang tama at mali. Gumamit ng karaniwang mga sitwasyon at ipakita ang magkakaibang paggawi: “Ito, matapat; iyan, hindi.” “Ito, pagsasabi ng totoo; iyan, pagsisinungaling.” “Ito, mabait; iyan, hindi.” Sa kalaunan, makikita ng anak mo kung ano ang mabuti at masama.
-
Ipaliwanag kung bakit tama o mali ang isang bagay. Halimbawa, tanungin siya: Bakit pinakamabuting magsabi ng totoo? Bakit nakakasira ng pagkakaibigan ang pagsisinungaling? Bakit mali ang magnakaw? Mangatuwiran sa iyong anak para masanay ang konsensiya niya na makilala ang tama at mali.
-
Idiin sa iyong anak kung bakit mabuting sumunod sa pamantayang moral. Puwede mong sabihin: “Kung honest ka, pagkakatiwalaan ka ng iba” o “Kung mabait ka, magugustuhan ka ng iba.”
Dapat sundin ng buong pamilya ang inyong pamantayang moral.
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Patuloy na patunayan kung ano nga kayo.”—2 Corinto 13:5.
-
Dapat sundin ng pamilya ninyo ang inyong pamantayang moral, para masabi ninyo:
-
“Sa pamilya namin, walang nagsisinungaling.”
-
“Wala sa aming nananakit o nagsisigawan.”
-
“Hindi puwede sa amin ang masasakit na salita.”
-
Makikita ng anak mo na ang pamantayang moral ay hindi lang mga tagubilin na dapat sundin kundi bahagi ng pagkakakilanlan ng inyong pamilya.
-
Laging ipakipag-usap sa iyong anak ang pamantayang sinusunod ng inyong pamilya. Gamitin ang araw-araw na mga pangyayari para turuan siya. Ipaliwanag ang pagkakaiba ng pamantayan ninyo sa pamantayang ipinapakita sa media o sa paaralan. Tanungin ang anak mo: “Kung ikaw, ano ang gagawin mo?” “Kung sa pamilya natin ito nangyari, ano kaya ang gagawin natin?”
Patibayin ang determinasyon niyang gawin ang tama.
PRINSIPYO SA BIBLIYA: “Panatilihin ninyong malinis ang konsensiya ninyo.”—1 Pedro 3:16.
-
Purihin ang mabuting paggawi. Kapag tama ang ginawa ng anak mo, purihin siya at ipaliwanag kung bakit. Halimbawa, puwede mong sabihin: “Naging honest ka, anak. Proud ako sa iyo.” Kung aminin niya na may nagawa siyang mali, purihin mo muna siya sa pagiging tapat bago siya ituwid.
-
Ituwid ang maling paggawi. Tulungan ang anak mo na harapin ang resulta ng maling ginawa niya. Dapat malaman ng mga bata kung ano ang mali sa ginawa nila at kung bakit salungat iyon sa pamantayang moral ng pamilya. Hindi pinagsasabihan ng ilang magulang ang kanilang anak kahit may ginawa itong mali dahil baka panghinaan ito ng loob. Pero kung kakausapin mo siya tungkol dito, masasanay ang konsensiya niya na umiwas sa paggawa ng masama.