Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

INTERBYU | FAN YU

Ang Paniniwala ng Isang Software Designer

Ang Paniniwala ng Isang Software Designer

SINIMULAN ni Dr. Fan Yu ang kaniyang propesyon bilang isang research mathematician sa China Institute of Atomic Energy, malapit sa Beijing. Ateista siya noon at naniniwala sa teoriya ng ebolusyon. Pero ngayon, naniniwala na si Dr. Yu na dinisenyo at nilalang ng Diyos ang buhay. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang paniniwala.

Kuwentuhan mo kami ng ilang bagay tungkol sa iyo.

Ipinanganak ako noong 1959 sa Fuzhou City, Jiangxi Province, China. Noong walong taóng gulang ako, nararanasan na ng bansang ito ang epekto ng tinatawag ngayon na Cultural Revolution. Civil engineer si Tatay, at ipinadala siya sa isang malayong lugar para gumawa ng riles. Kaya minsan sa isang taon lang kami nadadalaw ni Tatay. Noong panahong iyon, nakatira kami ni Nanay sa isang paaralang elementarya kung saan siya nagtuturo. Noong 1970, kinailangan naming lumipat sa Liufang, isang mahirap na nayon noon sa Linchuan District, kung saan may kakulangan sa suplay ng pagkain.

Ano ang paniniwala ng pamilya mo?

Hindi interesado si Tatay sa relihiyon o politika. Budista naman si Nanay. Tinuruan ako sa paaralan na nag-evolve ang buhay dahil sa likas na mga proseso, at naniwala ako sa mga guro ko.

Bakit mo nagustuhan ang matematika?

Nagustuhan ko ang matematika kasi makikita mo ang katotohanan sa pamamagitan ng lohikal na pangangatuwiran. Pumasok ako sa unibersidad nang mamatay ang lider ng rebolusyon na si Mao Tse-tung noong 1976. Matematika ang pinili kong major subject. Nang matapos ko ang aking master’s degree, ang una kong naging trabaho ay tungkol sa mathematical research para sa disenyo ng mga nuclear reactor.

Ano ang tingin mo noon sa Bibliya?

Noong 1987, nagpunta ako sa United States para mag-doctorate sa Texas A&M University. Alam ko na maraming naniniwala sa Diyos at nagbabasa ng Bibliya sa Amerika. Narinig kong maraming praktikal na karunungan sa Bibliya, kaya naisipan kong basahin ito.

Mukha namang praktikal ang mga turo ng Bibliya. Pero hindi ko maintindihan ang ilang bahagi nito kaya inihinto ko ang pagbabasa.

Paano bumalik ang interes mo sa Bibliya?

Ang ideya na may Isa na lumalang ay bago para sa akin, kaya nag-research ako tungkol dito

Noong 1990, may dumalaw na Saksi ni Jehova sa bahay namin at ipinakita niya sa akin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-asa ng mga tao. Pinakisuyuan niya ang isang mag-asawang Saksi na turuan ako sa Bibliya. Di-nagtagal, ang asawa kong si Liping na isang ateista at nagtuturo ng physics sa isang high school sa China ay nag-aral na rin ng Bibliya. Natutuhan namin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pinagmulan ng buhay. Ang ideya na may Isa na lumalang ay bago para sa akin, kaya nag-research ako tungkol dito.

Ano ang na-research mo?

Bilang mathematician, tinuruan akong kalkulahin ang probabilidad na mangyari ang isang bagay. Natutuhan ko rin na para umiral ang buhay, kailangan munang magkaroon ng mga protina. Kaya sinubukan kong kalkulahin kung gaano kalaki ang tsansang basta na lang lilitaw ang protina. Isa ang protina sa pinakamasalimuot na molekula, at ang buháy na mga selula ay may libo-libong uri ng protina na may interaksiyon sa isa’t isa. Natutuhan ko, gaya rin ng iba, na talagang imposibleng basta na lang lumitaw ang mga protina! Wala pa akong nabasang teoriya ng ebolusyon na malinaw na nakapagpaliwanag kung paano basta na lang lumitaw ang napakasalimuot na mga molekulang ito—lalo pa ang malalaking sistema kung saan bahagi lang ang mga ito. Para sa akin, ang mga ebidensiyang ito ay nagpapakita na may Isa na lumalang.

Ano ang nakakumbinsi sa iyo na nanggaling sa Diyos ang Bibliya?

Habang nag-aaral ako ng Bibliya sa tulong ng mga Saksi ni Jehova, natutuhan ko na natupad ang maraming detalyadong hula sa Bibliya. Nakinabang din ako nang sundin ko ang mga simulain sa Bibliya. Naisip ko, ‘Paano kaya naisulat ng mga manunulat ng Bibliya, na nabuhay libo-libong taon na ang nakalipas, ang mga karunungan na praktikal pa rin hanggang sa ngayon?’ Unti-unti, naunawaan kong ang Bibliya ay Salita ng Diyos.

Ano ang patuloy na nakakumbinsi sa iyo na maniwala sa Maylalang?

Kapag pinag-iisipan ko ang tungkol sa kalikasan, nakukumbinsi akong may Isa na lumalang. Sa ngayon, nagdidisenyo ako ng software ng computer, at manghang-mangha ako sa ating utak na di-hamak na mas mahusay sa mga computer program. Halimbawa, ang kakayahan ng ating utak na matukoy ang isang pananalita ay napakagaling. Karamihan sa atin ay nakaiintindi ng pananalita, hindi man ito kumpletong pangungusap, pati na ng pagtawa, pag-ubo, pagsasalita nang utal o may puntó. Nalalaman din natin kung may echo, ingay sa paligid, o ingay sa linya ng telepono. Baka ordinaryo lang ito para sa iyo. Pero hindi ganiyan ang tingin ng mga software designer. Kahit ang pinakamagaling na speech-recognition software ay hindi maikukumpara sa utak ng tao.

Hindi gaya ng mga computer, ang utak ng tao ay nakakaintindi ng mga emosyon, nakakatukoy ng puntó, at nakakakilala ng nagsasalita dahil sa boses nito. Pinag-aaralan ng mga software designer kung paano gagayahin ang kakayahan ng utak na matukoy ang mga pananalita. Kumbinsido ako na sa paggawa nila nito, ang mga gawa ng Diyos ang talagang pinag-aaralan nila.