Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ANG PANGMALAS NG BIBLIYA

Mga Anghel

Mga Anghel

Itinatampok ang mga anghel sa literatura, gawang-sining, at pelikula. Pero sino ang mga anghel, at anong papel ang ginagampanan nila?

Sino ang mga anghel?

ANG SABI NG BIBLIYA

 

Bago pa man lalangin ng Diyos ang uniberso at ang unang mga tao, lumalang na siya ng matataas na uri ng nilalang. Mas makapangyarihan sila kaysa sa mga tao, at nakatira sila sa dakong pinaninirahan ng Diyos—isang dakong hindi nakikita at napupuntahan ng mga tao. (Job 38:4, 7) Tinatawag sila ng Bibliya na “mga espiritu” at “mga anghel.”—Awit 104:4. *

Ilan ang mga anghel? Napakarami. Ang bilang ng mga anghel na nasa palibot ng trono ng Diyos ay “laksa-laksang mga laksa at libu-libong mga libo.” (Apocalipsis 5:11) Kung literal itong uunawain, ang bilang ng mga anghel ay daan-daang milyon!

“Nakita ko [ang] maraming anghel sa palibot ng trono . . . , at ang bilang nila ay laksa-laksang mga laksa at libu-libong mga libo.”—Apocalipsis 5:11.

Ano ang ginawa ng mga anghel noong unang panahon?

ANG SABI NG BIBLIYA

 

Madalas gamiting tagapagsalita o mensahero ng Diyos ang mga anghel. * Sinasabi rin sa Bibliya na isinasagawa nila ang mga himala ng Diyos. Nagsugo ang Diyos ng isang anghel para pagpalain si Abraham at pigilan itong ihain ang anak nitong si Isaac. (Genesis 22:11-18) Nagpakita kay Moises ang isang anghel sa gitna ng nag-aapoy na halaman para maghatid ng mahalagang mensahe. (Exodo 3:1, 2) Nang ihagis si propeta Daniel sa yungib ng mga leon, “isinugo ng . . . Diyos ang kaniyang anghel at itinikom ang bibig ng mga leon.”—Daniel 6:22.

“At nagpakita [kay Moises] ang anghel ni Jehova sa liyab ng apoy sa gitna ng isang tinikang-palumpong.”—Exodo 3:2.

Ano ang ginagawa ng mga anghel ngayon?

ANG SABI NG BIBLIYA

 

Hindi natin alam ang lahat ng ginagawa ng mga anghel ngayon. Pero ipinakikita ng Bibliya na may bahagi sila sa pagtulong sa mga taong taimtim na makilala pa nang higit ang Diyos.—Gawa 8:26-35; 10:1-22; Apocalipsis 14:6, 7.

Sa isang panaginip, ipinakita ni Jehova sa patriyarkang si Jacob ang mga anghel na umaakyat at bumababa sa isang “hagdanan” sa pagitan ng langit at ng lupa. (Genesis 28:10-12) Baka maisip din natin ang malamang na naisip ni Jacob noon—na isinusugo ng Diyos na Jehova sa lupa ang mga anghel para tulungan ang mga taong tapat.—Genesis 24:40; Exodo 14:19; Awit 34:7.

“May isang hagdanan na nakalagay sa ibabaw ng lupa at ang dulo nito ay umaabot hanggang sa langit; at, narito! may mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog doon.”—Genesis 28:12.

^ par. 6 Ipinakikita ng Bibliya na may mga espiritung nagrebelde sa awtoridad ng Diyos, at ang masasamang anghel na ito ay tinatawag na “mga demonyo.”—Lucas 10:17-20.

^ par. 11 Sa katunayan, ang orihinal na salitang Hebreo at Griego para sa “anghel” na ginamit sa Bibliya ay parehong nangangahulugang “mensahero.”