Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Itinuturo ng Bibliya

Ang Itinuturo ng Bibliya

“Ito ang kasaysayan ng langit at lupa noong panahong lalangin ang mga ito.” (Genesis 2:4) Sa pananalitang ito, sinabi ng Bibliya kung paano nagsimula ang ating planeta. Kaayon ba ng siyensiya ang itinuturo ng Bibliya? Tingnan ang ilang halimbawa.

Nang Pasimula: Nilalang ang langit at ang lupa

Wala bang pasimula ang uniberso?

Sinasabi sa Genesis 1:1: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”

Bago ang mga 1950, maraming kilaláng scientist ang naniniwala na walang pasimula ang uniberso. Pero base sa mga bagong nadiskubre, nakita ng karamihan sa mga scientist na mayroon talagang pasimula ang uniberso.

Ano ang hitsura ng lupa noon?

Sinasabi sa Genesis 1:2, 9 na “walang anyo at walang laman” ang lupa noon, at natatakpan ito ng tubig.

Sang-ayon diyan ang mga scientist. Sinabi ng biologist na si Patrick Shih na ang planeta natin noon ay “walang oxygen . . . at kakaiba ang hitsura at anyo.” Sabi naman ng magasing Astronomy: “Ipinapakita ng mga bagong pag-aaral na ang planetang Lupa noon ay puro tubig at halos walang lupa.”

Paano nagbago ang atmospera sa paglipas ng panahon?

Ipinapakita sa Genesis 1:3-5 na nang magsimulang tumagos ang liwanag sa atmospera, posibleng hindi pa nakikita sa lupa ang pinagmumulan nito. Nang bandang huli lang malinaw na nakita ang araw at buwan mula sa ibabaw ng lupa.​—Genesis 1:14-18.

Hindi itinuturo ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang lahat sa loob lang ng anim na araw na may tig-24 na oras

Sinabi ng Smithsonian Environmental Research Center na malabong liwanag lang ang nakikita noon mula sa lupa. Sinabi nito: “Nababalutan ang Lupa noon ng makapal na fog ng methane.” Nang maglaon, “nawala ang fog ng methane at naging asul ang langit.”

Ano ang pagkakasunod-sunod ng mga nilalang ng Diyos?

Sinasabi sa Genesis 1:20-27 na nilalang muna ang mga isda, sumunod ang mga ibon, mga hayop sa lupa, at huli ang mga tao. Naniniwala ang mga scientist na matagal nang umiiral ang mga isda bago pa nagkaroon ng mga mammal, at lumipas pa ang maraming taon bago nagkaroon ng tao.

Hindi itinuturo ng Bibliya na imposibleng magkaroon ng pagbabago sa mga nilalang sa paglipas ng panahon

Ano ang Hindi Itinuturo ng Bibliya?

Sinasabi ng ilan na ang Bibliya ay hindi kaayon ng mga natutuklasan ng siyensiya. Pero madalas, nasasabi nila iyon kasi hindi nila naiintindihan kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya.

Hindi itinuturo ng Bibliya na ang uniberso o ang lupa ay 6,000 taon pa lang umiiral. Ang sabi lang ng Bibliya, ang lupa at ang uniberso ay nilalang noong “pasimula.” (Genesis 1:1) Hindi nito espesipikong sinasabi kung kailan ang pasimulang iyon.

Hindi itinuturo ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang lahat sa loob lang ng anim na araw na may tig-24 na oras. Ginagamit ng Bibliya ang salitang “araw” para tumukoy sa haba ng panahon. Halimbawa, sinasabi nito na ang paglalang sa ating planeta at sa mga nilikha dito sa loob ng anim na “araw” na binabanggit sa Genesis kabanata 1 ay nangyari “noong araw na gawin ng Diyos na Jehova a ang lupa at langit.” (Genesis 2:4) Kaya ang bawat “araw” sa anim na araw ng paglalang kung kailan inihanda ng Diyos ang lupa at ginawa ang mga nilalang na may buhay ay posibleng tumagal nang napakahabang panahon.

Hindi itinuturo ng Bibliya na imposibleng magkaroon ng pagbabago sa mga nilalang sa paglipas ng panahon. Sinasabi sa Genesis na nilalang ang mga hayop “ayon sa kani-kanilang uri.” (Genesis 1:24, 25) Ang salitang “uri” na ginamit sa Bibliya ay hindi isang termino sa siyensiya, kundi posibleng tumutukoy ito sa malaking grupo ng nabubuhay na mga nilalang. Kaya puwedeng kasama sa isang “uri” ang maraming species o klase ng nilalang. Ipinapakita nito na sa loob ng isang “uri,” posibleng magkaroon ng pagbabago sa klase at species na nabubuhay sa isang lugar sa paglipas ng panahon.

Ano sa palagay mo?

Gaya ng nakita natin, gamit ang simple at tamang mga termino, inilarawan ng Bibliya ang pasimula ng uniberso, ang hitsura ng lupa noon, at kung paano nagsimula ang buhay. Ipinapakilala rin kaya ng Bibliya kung sino ang Isa na lumalang ng mga bagay na iyon? Sinabi ng Encyclopædia Britannica na ‘ang buhay ay nagmula sa isa na nakakahigit sa tao, at kaayon ito ng mga natuklasan ng siyensiya.’ b

a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.

b Hindi itinataguyod ng Encyclopædia Britannica ang ideya na nilalang ang buhay.