Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinagkakatiwalaan at iginagalang ang isa na may mabuting pangalan o reputasyon

‘Ang Pangalan ay Mas Mabuti Kaysa sa Saganang Kayamanan’

‘Ang Pangalan ay Mas Mabuti Kaysa sa Saganang Kayamanan’

ANG mabuting pangalan o reputasyon ay napakahalaga kung kaya sa ilang bansa, pinoprotektahan ito ng batas. Maaaring kabilang dito ang proteksiyon laban sa libelo (inilathala o ibinrodkast na paninira) at paninirang-puri (berbal na paninira). Ipinaaalaala nito ang sinaunang kasabihan: “Ang pangalan ay mas mabuting piliin sa halip na saganang kayamanan; ang lingap ay mas mabuti kaysa sa pilak at ginto.” (Kawikaan 22:1) Paano tayo magkakaroon ng mabuting pangalan at matatamo ang lingap, o paggalang, ng iba? May mahuhusay na mungkahi sa Bibliya.

Halimbawa, pansinin ang sinasabi ng Bibliya sa Awit 15. Tungkol sa sagot sa tanong na “Sino ang magiging panauhin sa [tolda ng Diyos]?,” isinulat ng salmista: “Siyang . . . nagsasagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso. Hindi siya naninirang-puri . . . Sa kaniyang kasamahan ay wala siyang ginagawang masama, at hindi siya nagsasalita ng pandurusta laban sa kaniyang matalik na kakilala. Sa kaniyang mga mata ay talagang itinatakwil ang sinumang kasuklam-suklam . . . Sumumpa siya sa kaniyang ikasasama, at gayunma’y hindi siya nagbabago. . . . At hindi siya tumatanggap ng suhol.” (Awit 15:1-5) Tiyak na igagalang mo ang taong sumusunod sa mga simulaing iyon.

Para igalang, kailangan din ang kapakumbabaan. “Bago ang kaluwalhatian ay may kapakumbabaan,” ang sabi sa Kawikaan 15:33. Pag-isipan ito: Nakikita ng mapagpakumbaba ang mga bagay na kailangan niyang pasulungin at nagsisikap siyang gawin iyon. Handa rin siyang humingi ng tawad kapag may nasaktan siya. (Santiago 3:2) Hindi ganiyan ang mapagmataas dahil madali siyang maghinanakit. “Ang pagmamapuri ay nauuna sa pagbagsak, at ang palalong espiritu bago ang pagkatisod,” ang sabi ng Kawikaan 16:18.

Pero paano kung may naninira sa reputasyon mo? Magiging padalos-dalos ka ba dahil sa sobrang galit? Tanungin ang sarili, ‘Kung ipagtatanggol ko ang sarili ko, mas lalala ba ang sitwasyon?’ Minsan, baka kailangan ng legal na aksiyon, pero ipinapayo ng Bibliya: “Huwag kang magmadali na ipakipaglaban ang isang usapin sa batas.” Sa halip, “ipangatuwiran mo ang iyong sariling usapin sa iyong kapuwa.” (Kawikaan 25:8, 9) * Makatutulong din ito sa iyo na maiwasan ang gastos na kaakibat ng legal na mga usapin.

Ang Bibliya ay hindi lang isang aklat tungkol sa relihiyon. Naglalaman ito ng pinakamahuhusay na patnubay sa buhay. Ang lahat ng sumusunod sa karunungan nito ay nagkakaroon ng mga katangiang karapat-dapat sa paggalang, na nagbubunga naman ng mabuting pangalan.

^ par. 5 May mga simulain pa sa Mateo 5:23, 24; 18:15-17 na makatutulong para maayos ang di-pagkakaunawaan.